Nagwagi si Analie I. Palacio ng Unang Gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng Dalit para sa kaniyang akdang “Sa Paghahanap ko ng Kayamanan” sa Tumula Táyo 2022. Isang timpalak sa pagsulat ng katutubong tula na itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2022 na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang Bayan.”
Si Bb. Palacio ay isang nurse sa Pilipinas bago siya napunta sa bansang Canada. “There is a Pot of Gold at the End of the Rainbow, dito ko nakuha ang tema ng nabuo kong tulang dalit,” ito ang binanggit ni Bb. Palacio sa kaniyang mensahe mula sa Canada.
Sinabi pa niya na “busilak ang puso ng mga katutubo at may simpleng pamumuhay na kaulayaw ang kalikasan, ang kanilang pagpapatuloy ng tradisyon at kultura sa kabila ng mga pagbabago ng modernong lipunan.”
“Napakahalagang igalang natin ang kanilang mga karapatan at masuportahan ang mga hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan. Malaking hamon ito sa pamahalaan lalong-lalo na sa napapanahong climate change,” dagdag pa niya.
Naniniwala pa siya na ang malikhaing kampanya na nagsusulong ng mga isyu hinggil sa mga katutubo ay isang kapuri-puring gawain upang maisulong ang kanilang payapa, sagana, at ligtas na pamumuhay.
Itinanghal naman si Roger H. Endaya para sa Ikalawang Gantimpala sa akdang “Ang Huling Mambabatok” at nakuha naman ni Mark Púgnit Bonábon ang Ikatlong Gantimpala para sa kaniyang tulang “Bato.”
Itinanghal ng KWF na nagwagi ng Unang Gantimpala si Benjo Batikin Lontoc para sa tulang “Baybáyin” para sa pagsulat ng Diyóna. Nagwagi din si Vernard Dechosa ng Ikalawang Gantimpala para sa akdang “Pagsasaka.” Hinirang naman si Charlyn B. Buates para sa Ikatlong Gantimpala para sa akdang “Babaylan sa Bagong Milenyo.”
Itinanghal ng KWF si German Villanueva Gervacio na nagwagi sa para sa tulang “Ang Manlililok ng Sarimanok ng Tugaya” para sa pagsulat ng Tanagà. Nagwagi din si Ferdinand L. Eusebio ng Ikalawang Gantimpala pára sa kaniyang “Kubing.” Hinirang naman si Christine Marie Lim Magpilesa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang tulang “Gong.” ###