Ni Jaime Babiera
Hindi maikakaila na ang paglaya ng dating senador at former Justice Secretary na si Leila De Lima ay isa sa pinakamalaking balita noong nakaraang buwan. Maaalalang pinanigan ni Presiding Judge Gener Gito ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 ang inihaing motion for reconsideration ng kampo ni De Lima at pinayagang itong magpiyansa kasama ang iba pang mga akusado na sina Bureau of Corrections (BuCor) ex-director Franklin Bucayo, Joenel Sanchez, Jad Dera, at Ronnie Dayan.
Umani ng atensyon ang ulat na ito sapagkat sa loob ng halos anim na taong pagkakakulong ni De Lima, ito ang pinakaunang pagkakataon na pinahintulutan siyang magpiyansa at pansamantalang makalaya. Hindi ako eksperto pagdating sa mga usaping may kinalaman sa batas. Ngunit kung pagbabatayan ang mga bagong developments sa kaso ni De Lima gaya ng pag-apruba ng korte sa kanyang petition for bail at ang pagpapahayag kamakailan ng pitong witnesses ng interes na mag-recant ng kanilang mga statements laban sa dating mambabatas ay hindi maikakailang malaki ang posibilidad na mapawalang-sala nang tuluyan si De Lima sa pangatlo at huli niyang kaso. Ani nga ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla sa kanyang interview sa CNN Philippines: “Chances are she will be acquitted because that is a very strong statement when you say that the prosecution was unable to fulfill that burden of proof that is necessary for them to keep her in detention.”
Tatlong kaso na may kaugnayan sa pagbebenta ng illegal na droga ang maaalalang isinampa laban kay De Lima. Noong 2021, na-dismiss ang una niyang kaso matapos katigan ng korte ang inihain niyang demurrer to evidence. Makalipas ang isang taon, na-acquit muli sa De Lima sa pangalawang kaso nang bumaliktad si former BuCor chief Rafael Ragos at bawiin ang orihinal niyang salaysay na inihatid niya ’di umano ang drug money sa tahanan ni De Lima noong 2012. Walang pang pinal na hatol sa kanyang huling kaso. Ngunit kung magdilang-anghel nga ako at makamit na sa wakas ni De Lima ang full vindication, malakas ang aking kumpiyansang hindi siya magdadalawang-isip na ipagpatuloy ang kanyang human rights campaigns at social justice advocacies na sa panahon natin ngayon ay hindi maitatanging higit na kailangan ng ating bansa.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera