By Jaime Babiera
Maaalalang pinalawig ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang itinakda nilang deadline para sa franchise consolidation ng mga traditional jeepney.
Mula June 30 ay pinahaba ang naturang palugit hanggang December 31 ngayong taon. Gayunpaman, hindi maikakaila na ang ilang buwang extension na ito ay hindi pa rin sapat para sa maraming jeepney drivers.
Ani nga ng presidente ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na si Mody Floranda: “Itong franchise consolidation ang unang hakbang sa pang-aagaw sa kabuhayan ng mga tsuper at operator.”
Hindi ko mariing tinututulan ang panukala na gawing moderno ang ating pampublikong transportasyon. Naniniwala ako na kung maipatutupad ito nang maayos ay magdudulot ito ng ginhawa sa mga kababayan nating commuters na kagaya ko.
Subalit, huwag nating kalimutan na nakataya ang kabuhayan ng mga jeepney drivers at operators sa tuluyang implementasyon ng planong ito. Kaya ang mga hinaing na binigyan nila ng diin sa kanilang inilunsad na transport strike at protesta ay dapat nating pakinggan nang maigi at subukang unawain.
Nawa ay bisitahing muli ng mga tagapangasiwa ang orihinal na balangkas ng Omnibus Franchising Guidelines at maghain ng ilang revisions na pabor hindi lamang sa panig ng mga tsuper kundi sa lahat ng mamamayan ng ating bansa.
Sa aking palagay, ang paglunsad ng “libreng sakay” bilang remedyo sa maaaring maging epekto ng transport strike na kinasa ng grupong PISTON at MANIBELA ay isang patunay na hindi pa handa ang ating bansa na tuluyang i-phase out ang mga traditional jeepney.
Sa kasalukuyang estado ng ating pampublikong transportasyon, paniguradong perwisyo at dagdag na kalbaryo sa sambayanang Pilipino ang maaaring maging bunga ng pagkawala ng mga jeepney sa ating lansangan.
Kaya umaasa ako na bago sumapit ang jeepney franchise consolidation deadline sa December 31 ay makabuo ang ating gobyerno ng isang epektibong solusyon para isyung ito.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera