Dear fur-parents

Ni Jaime Babiera

Hindi maikakaila na nagdudulot ng matinding kasiyahan sa tao ang pag-aalaga ng pusa o aso. Sa katunayan, itinuturing nga sila ng karamihan na bahagi ng pamilya kung saan pinapakain sila nang isa o higit pang beses araw-araw, binibigyan ng komportableng matutuluyan, at pinaliliguan kahit kung minsan ay walang pagsidlan ang kanilang likas na kakulitan at kalikutan. Wala akong alagang hayop sa aming tahanan ngunit hindi ko itatangging natutuwa ako na ang ganitong uri ng relasyon sa pagitan ng tao at hayop ay patuloy na namamalas sa ating modernong lipunan.

Gayunpaman, tila ay nakalilimot ang ilan nating kababayan na ang pag-aalaga ng hayop ay may kaakibat na responsibilidad, lalo na kung dadalhin natin ang mga ito sa pampublikong lugar. May nabasa akong post mula sa online forum website na Reddit kung saan nagpaalaala ang Original Poster (OP) sa mga pet parents na hindi lahat ng tao ay komportableng makasalamuha ang alaga nating hayop sa mga pampublikong lugar partikular sa mga restaurants. Ani ng isang commenter na sumasang-ayon kay OP, mayroon daw siyang kasabayang customer na ’di umano ay gumamit ng utensils ng restaurant upang pakainin ang kasama niyang aso. Sa tingin ko ay maituturing na kalabisan ang kilos na ito sapagkat ang mga plato, kutsara, at iba pang dining utensils sa mga pampublikong kainan ay nakatalaga para sa tao. Samakatuwid, ang pakainin ang alaga nating hayop sa platong ginagamit din ng tao ay maituturing na kawalan ng respeto sa mga susunod na customers ng restaurant. Kahit pa sabihin nating hinugasan ang plato at ini-sterilize ito bago ihain muli, hindi nito mabubura ang katotohanan na ang gayong uri ng asal ay hindi katanggap-tanggap at nararapat lamang na punahin.

Dear fur-parents,

Batid ko na ang pagmamahal ninyo sa inyong mga alagang hayop ay walang kapantay. Nauunawaan ko ito at malugod na sinusuportahan. Gayunpaman, tandaan natin na bilang fur-parents ay may pananagutan tayo hindi lamang sa ating mga alaga  kundi maging sa mga tao sa ating paligid. Simple lang naman ang nais kong ipaalaala sa inyo: Kung dadalhin natin sa pampublikong lugar ang ating mga alagang hayop, marapatin nating igalang ang mga ipinapatupad na restriksyong may kaugnayan dito at kung maaari ay huwag tayong gumawa ng mga bagay na alam nating magdudulot ng alalahanin sa ating kapwa.

Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera