Bílang pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Katutubong Mamamayan at paghahanda sa International Decade of Indigenous Languages (IDIL) 2022–2032, inaanyayahan ang mga mananaliksik, guro, mág-aarál, at may interes sa wika at kultura ng kanilang komunidad sa ikatlong Lágsik*-Wika: Serye ng Webinar sa Pagdodokumento ng Katutubong Wika. Gaganapin ito sa Okt 27, 2021 (Miyerkoles), 10:00–11:30 ng umaga.
Layunin ng webinar na lalo pang pasiglahin ang larang ng dokumentasyong pangwika, at mapukaw ang interes ng mga kalahok na maidokumento ang wika ng kanilang komunidad.
Libre ang webinar at magkakaloob ng e-sertipiko sa mga aktibong kalahok. Dahil serye ang webinar, hinihiling na panoorin ang una at ikalawang bahagi nitó sa link na https://bit.ly/UnangLagsikWika at https://bit.ly/IkalawangLagsik.
Para sa pagpapatalâ, magtungo sa link na https://bit.ly/Lagsik3. Matatanggap ng mga napilìng kalahok ang akses sa zoom isang araw bago ang webinar. Sa mga hindi mapipilì, maaari pa ring sumubaybay sa Facebook live ng Komisyon sa Wikang Filipino. Bukás ang rehistrasyon hanggang 25 Oktubre, ganap na ika-11:59 ng gabi.
Para sa mga tanong o paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan kay G. Kirt John C. Segui sa email na kjsegui@kwf.gov.ph.
Abstrak ng mga Panayam at ang Tagapanayam
Mga Hámon at Oportunidad sa Pagmamapang Pangkultura: Ilang Talâ sa Pananaliksik sa Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Asi ng Romblon
Asst. Prof. Wennielyn F. Fajilan, PhD
Layunin ng panayam na maibahagi ang danas ng mananaliksik bílang isang grantee ng proyektong Lingguwistikong Etnograpiya ng Pilipinas ng KWF noong 2018–2020. Partikular na bibigyang-pansin ang pangangalap ng datos mula sa limang bayan ng Asi na ginawa noong Marso hanggang Hulyo 2018 sa mga isla ng Banton, Simara, Sibale, at Tablas. Ibabahagi ng mananaliksik ang mga natatanging hámon na naranasan sa pagdodokumento ng katutubong karunungan ng komunidad bago, habang, at pagkatapos ang inter-aksiyon sa mga kalahok. Nakatungtong ang pagtalakay sa katangian ng mananaliksik bílang tagapagmana ng lahing Asi-Simaranhon na lumaki sa labas ng kaniyang bayan. Sa gitna ng danas na ito, natanto ng mananaliksik na matingkad na matingkad ang mga salik na kakayahang pangwika, pakikipagkapuwa at pagpapahalaga sa makabayang pananaliksik upang mapagtagumpayan ang anumang pagmamapang pangkultura.
Si Dr. Fajilan ay isang guro, mananaliksik, manunulat, at tagasalin. Bahagi siya ng fakulti ng Departamento ng Filipino at kawaksing mananaliksik sa Research Center for Social Sciences and Education ng Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Araling Pilipino, cum laude; Master sa Araling Pilipino at Doktorado sa Pilosopiya sa Filipino Major sa Araling Salin sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nakapag-akda na siya ng mga pananaliksik, maikling kuwento, dula, teksbuk, gabay pangguro, at salin. Nakatuon ang kaniyang mga pananaliksik sa pagsasaling pambatà, aralíng kultural, at aralíng Romblomanon. Ang kaniyang disertasyon tungkol sa pagsasaling pambata ang nagwagi ng 2019 KWF Gawad Julian Cruz Balmaseda at inilathala ng KWF Publikasyon noong Agosto 2021. Kasalukuyan siyang kawaksing editor ng Hasaan, ang opisyal na journal sa Filipino ng UST at tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, isang linangan ng propesyonal na pagsasalin at mga tagasalin sa Filipino.
Ang Pagtatagpo ng Íli, mga Umíli, at Mëngídi: Isang Personal na Repleksyon
G. João Paulo D. Reginaldo
Sa panayam na ito, magbabalik-tanaw at isasalaysay ang mga karanasan bílang isang mananaliksik sa kalinangan (karáwdyan) at wika (ësël) ng mga katutubong Iguwak sa mga bulubundukin ng Hilagang Luzon. Iinog ang paglalahad sa tatlong magkakaugnay na konsepto at katanungan tungkol sa mga aspekto ng fieldwork: una, ano-ano ang kahalagahan at dapat isaalang-alang sa pagpasok sa mga íli?; ikalawa, sino-sino ang mga umíli at paano makikitungo sa kanila?; at ikatlo, ano-ano ang mga gampanin at pananagutan ng isang mëngídi sa pagsasagawa ng pananaliksik? Pagkatapos sagutin ang mga katanungan, lalagumin ang mga ito at bibigyang-diin ang naging bunga ng pagtatagpo ng mga íli, umíli, at mëngídi. Sa hulí, maglalatag ng ilang payo (bílin) para sa mga mananaliksik na nagnanais na magsagawa ng kanilang pag-aaral sa mga katutubong pamayanang kultural sa Pilipinas.
Si. G. Reginaldo ay kasalukuyang instructor sa Departamento ng Kasaysayan at Pilosopiya, Kolehiyo ng Agham Panlipunan, Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio. Nagtuturo siya ng kasaysayan na nakatuon sa kasaysayan ng mga kalinangan at katutubong pangkat sa Pilipinas at Timog Silangang Asya. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Social Sciences (History-Political Science), cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas-Baguio at kumuha ng mga units ng MA ASEAN Studies sa University of the Philippines Open University (UPOU). Noong 2018, nabigyan siya ng grant ng KWF sa ilalim ng Lingguwistikong Etnograpiya ng Pilipinas upang magsaliksik hinggil sa wika at kalinangan ng mga katutubong pamayanang kultural sa Benguet at Kayapa, Hilagang Luzon.
*lágsik ay salitâng Sebwano na ang ibig sabihin ay siglá