Ni John Iremil Teodoro
MARAMING sasakyan na ang nakaparada sa parkingan ng Evelio B. Javier Airport nang dumating ako roon noong nakaraang linggo para sunduin ang partner kong si Jay na nag-New Year sa mga magulang at kapatid niya sa Manila. Siyempre nagtraysikel lang ako dahil wala naman akong sasakyan. Sa ilalim ng malaking kahoy ako tumayo dahil may lilim doon at sa tabi ng puno may nakaparadang pulang kotse. Sa tabi nito may nakatayong lalaki na, in fairness, cute: matangkad, long hair, payat subalit maskulado, makinis ang balat, may kabataan na parang estudyante sa La Salle ang tindig. Naisip ko, baka susunduin ang parents.
Paglanding ng maliit na eroplano ng Philippine Air Lines marami ang nagsilapitan sa pader na may chicken wire para panoorin ang pag-taxi ng eroplano palapit sa maliit na terminal. Kapag sinabi kong maliit, kasing laki lang ito ng isang regular na klasrum. Pero mapapalitan na ito ng mas malaking terminal sa madaling panahon. Malaking ginhawa na may nagbibiyahe nang eroplono sa paliparan ng San Jose de Buenavista, Antique kahit na three times a week lang. Simula nang magkaroon ng flight sa amin bago pa man mag-pandemic at sa Clark International Airport pa ang terminal nito, ito na ang sinasakyan ko kapag umuuwi. Kahit na mas mahal ang ticket kung ikukumpara kapag sa airport sa Iloilo ako bababa at sasakay, bawi naman dahil hindi na ako gagastos sa pagbiyahe Iloilo-Antique at menos sa pagod. Wala ring nasasayang na oras. Magtatraysikel lang ako ng limang minute, nasa bahay na namin ako sa Maybato. Gayundin kapag pabalik ng Manila, hindi na ako magbibiyahe pa papuntang Iloilo.
Dahil maliit lang naman ang Antique society, lalo na ang San Jose de Buenavista society na can afford mag-eroplano, kada sakay talagang may kasabay kang mga kakilala. Noong Disyembre nga pag-uwi namin kasama ko ang kapatid kong si Mimi at pamangkin na si Evert John na nagbabakasyon galing Sweden, nagmistulang may maliit na reunion sa predeparture area ng PAL pa-Antique sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2. Dalawang kaklase at kaibigan ko noong elementary at high school ang nakasabay namin: isang nagtatrabaho rin sa Manila at isa galing Estados Unidos at dala rin ang anak sa pagbakasyon sa Antique. Si Mimi, mas maraming kakilala na nandoon. Ang ingay sa predeparture area!
Kung saan ako nakatayo sa ilalim ng kahoy nakikita ko ang mga bumababa sa eroplano. Nakita kong bumaba si Jay suot ang paboritong orange na t-shirt. Pero hindi muna ako umalis sa kinatatayuan ko para salubungin siya sa gate ng terminal dahil nakikita kong dinidiskarga pa ang ang mga bagahe mula sa likurang bahagi ng eroplano. Dinala kasi ni Jay pauwi ang isang painting ng mga bulaklak na binili ko sa isang gallery sa Ermita na nakasabit sa kuwarto namin sa aming condo unit sa Taft Avenue. Unti-unti na kasi naming inuuwi ang koleksiyon ko ng art works at mga libro sa Antique. Ang cute na lalaki sa tabi ko, humahaba rin ang leeg sa pagsipat sa mga bumababa sa eroplano.
Habang naghihintay akong makuha ni Jay ang painting, may lumapit na isang babae na may akay-akay na batang babae na mas malaki lang nang kaunti kay Evert John. Siguro mga apat o limang taong gulang ito at naka-Sunday’s best ito. Tumatawang lumalapit ang babae at bata sa lalaki. Galing sila sa pader na mas malapit sa tarmak. “Hindi niya nakilala ang mommy niya,” sabi ng babae na nagki-Kinaray-a sa lalaki. Tumatawa ang babae na ang tinutukoy ay ang bata.
Maya-maya may babaeng chubby na mabilis at nakangiting lumalapit. Agad itong yumakap at humalik sa lalaking cute. Ang batang babae naman nagtago sa likod ng yaya. Tinatawag ng babae ang bata. Nahihiya itong lumapit. “Si Mommy mo ‘yan! Di mo na ba kilala ang Mommy mo?” sabi ng yaya. Lumapit naman ang bata sa Mommy niya. Binuhat ito ng babae at hinalikan sa pisngi sabay sabi, “Naku, baby ka pa lang nang iniwan kita. Ngayon ang laki-laki mo na!” Hindi makatingin ang bata sa kaniyang ina. Nahihiya.
Naiyak ako sa eksena. Siyempre pinigilan ko ang umiyak nang bongga doon sa parkingan ng airport. Baka magtaka ang mga tao, lalo na si Jay, kung bakit ako umiiyak. Naalala ko kasi noong kabataan ko. Kada uwi ni Tatay mula sa biyahe niya sa barko, isang taon o dalawang taon siyang nawawala, nahihiya akong lumapit sa kaniya dahil hindi ko alam ang sasabihin. Kung minsan nga sinasadya ko pang magtambay sa niyugan sa tabingdagat kung alam kong iyon ang araw ng kaniyang pagdating. Pero siyempre susunduin pa rin ako sa baybay ng maid o kamag-anak namin kung dumating na siya.
Sigurado akong araw-araw nangyayari ang ganitong mga eksena sa mga paliparan sa bansa natin. Ayon sa survery ng Philippine Statistics Office (PSA) na inilabas noong Oktubre 2023, 1.96 milyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) umalis ng bansa noong huling hati ng 2022. Saka 1.94 milyon naman ang mga Overseas Contract Workers (OCW), ang may mas mga mahabang kontrata na pabalik-balik na sa trabaho nila abroad. Hindi na siyempre nabibilang ng PSA ang mga umalis bilang turista pero patago na nagtatrabaho abroad. Ang mga OFW, OCW, at mga iligal na nagtatrabaho abroad ay kabilang sa mahigit sampung milyong Filipino (ayon sa International Labor Organization) na nakakalat sa buong daigdig ngayon.
Ayon pa rin sa nasabing survey ng PSA, karamihan sa mga OFW ay mga babae na may 57.8% samantalang 42.2% naman ang mga lalaki. Sa mga OFW na babae, karamihan sa kanila ay nasa edad 30-34. Ito ang profile ng umuwing nanay na iyon sa airport.
Siyempre alam na natin kung bakit maraming Pinoy ang nag-OFW, nag-OCW, at nag-migrate sa mayayamang bansa. Kilala ang Isla Panay sa mga seaman at domestic workers nito sa abroad. Napakaraming seaman dito sa Antique tulad ng Tatay ko. Wala naman kasing maayos na trabaho rito sa Filipinas. Kung mayroon man, maliit masyado ang suweldo. Kayâ ini-encourage talaga ng pamahalaan na magtrabaho abroad ang mga tao. Hindi lang inaamin ng pamahalaan, nagiging polisiya na ito dahil mabisang paraan ito na magpasok ang pera sa bansa. Ayon sa PSA, ang total remittance ng mga OFW noong 2022 ay umaabot ng 197 billion piso! Malaking dagdag ito sa nanakawin ng mga politiko at mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Walang pakialam ang pamahalaan sa social cost ng pagkasira ng pamilyang Filipino dahil nagtatrabaho abroad ang isa o dalawang magulang. Maraming dysfunctional ang relasyon ng mga magulang at anak dahil lumaki ang mga anak na wala ang isang magulang o ang parehong magulang. Mataas ang mga kaso ng drug addiction, early pregnancy, pag-dropout sa eskuwela, at iba pang mental health issue ng mga bata na OFW o OCW ang mga magulang. Saksi ako nito bilang anak ng kapitan ng barko. At salamat sa Diyos na okey kaming apat na magkakapatid. Siguro dahil nandiyan si Tita Nening, ang matandang dalagang kapatid ni Tatay. Nandiyan din si Lola Kanit, si Flora Arejano, na tiya nina Tatay na mapagmahal at overprotective pero napakaistrikta at takot kami lahat sa kaniya. Nandiyan din ang mga lolo’t lola namin sa father side. Pero maraming mga kaibigan si Tatay na mga seaman din na napariwara ang mga anak.
Dahil wala na ngang pag-asa itong bansa natin dahil sa mga korap na politiko at negosyante (obserbahan ninyo kung paano nila binabastos ang proseso ng charter change gamit ang people’s initiative), naiintindihan ko kung bakit maraming Filipino ang nagkukumahog magtrabaho abroad at o mag-migrate. Talo ka rito sa bansa natin kung wala kang pera. Kung magkasakit ka hindi maayos ang public hospital at mamumulubi ka naman sa mga maayos na private hospital. Pangmayaman lang ang maayos na health care sa bansa. Pangmayaman din ang maayos na edukasyon. Kahit ang maayos na relihiyon pangmayaman din unless sa mga kulto ka sasali.
Dahil sa nagdaang pandemya, in-demand uli ang mga nurse sa Europe ngayon, gayundin ang mga caregiver sa mga bansang may ageing population tulad ng Japan. Umalis kayo pero huwag ninyong iwan ang inyong mga asawa at anak. Maghanap ng trabaho abroad na maaaring isama ang pamilya at may pag-asang maging citizen na rin kayo doon. Huwag ninyong hayaang lumaki ang mga anak ninyo dito sa Filipinas na wala kayo. Mas maganda ang magiging kinabukasan ng mga anak ninyo kung nasa bansa kayong may tunay na malasakit ang pamahalaan sa kaniyang mga citizen. Base sa mga nangyayari ngayon sa Kongreso at Malakanyang, walang magiging magandang future ang mga anak ninyo dito sa Filipinas.