By Jaime Babiera
Viral ngayon sa social media ang post ng isang netizen patungkol sa natanggap niyang engagement ring mula sa kanyang long-time boyfriend nang yayain siya nito kamakailan na magpakasal. Ayon sa naturang post, dismayado siya sapagkat ang engagement ring na binigay sa kanya ay nagkakahalaga lamang ng P299. Humihingi siya ng payo sa taumbayan kung ang isyung ito ay dapat bang ituring na “big deal” o dapat niya na lamang palagpasin.
Batid ko na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang expectations mula sa ating mga karelasyon na sa wari ko ay kalimitang nakadepende sa ating personal na pagkakakilala sa kanila. Halimbawa, maaaring mag-expect tayo ng marangyang engagement ring kung alam natin na may kapasidad ang ating kasintahan na bumili ng mamahaling bagay. Kaya lubos kong iginagalang ang reaksyon ng dismayadong netizen lalo’t hindi ko alam ang tunay na kwento sa likod ng kanyang viral social media post.
Hindi kataka-taka na marami sa atin ay nangangarap ng isang ekstrabaganteng marriage proposal at maringal na engagement ring sapagkat ito ang madalas nating mapanood sa pelikula at makita sa social media. Wala namang masama rito. Sigurado ako na lahat tayo ay nagnanais na gawing espesyal ang tagpong kagaya nito na minsan lamang mangyari sa ating buhay.
Gayunpaman, sa tingin ko ay marami pang ibang mas mahalagang bagay bukod sa presyo ng engagement ring ang dapat nating pagtuunan ng pansin kapag tayo ay nagpakasal. Para sa akin, ang mas nararapat nating paghandaan at paglaanan ng malaking halaga ay ang buhay na naghihintay sa atin pagkatapos ng mismong kasal dahil alam nating lahat na hindi biro ang bumuo ng sariling pamilya lalo sa kasalukuyang sitwasyon ngayon ng ating bansa. Kaya higit na makabubuti kung ang pipiliin nating gastusan ay ang mga bagay na mayroong pangmatagalan na benepisyo para sa ating binubuong pamilya.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera