By Jaime Babiera
Marahil ay sariwa pa sa isipan ng madla ang kontrobersyang kinasangkutan ng drag artist na si Pura Luka Vega noong nakaraang buwan. Maaalala na kumalat sa social media ang video ng isa niyang performance kung saan makikitang umiindayog siya sa remix o pinabilis na bersyon ng Ama Namin habang nakadamit bilang si Hesukristo. Umani ito ng batikos mula sa marami nating kababayan. Ani ng ilan, ang pagtatanghal daw na ito ni Pura ay maituturing na blasphemy o kalapastanganan sa pananampalataya ng mga Katoliko at iba pang sekta.
Bago ko simulang ipahayag ang reaksyon ko tungkol sa kaganapan na ito, hayaan ninyong ibahagi ko muna sa inyo ang isang munting kaalaman na napulot ko noong nag-aaral ako sa kolehiyo. Ipinaliwanag ng isa naming college instructor na ang ethics o ang moral principles na nagtatalaga kung ang isang bagay ay tama o mali ay nakabatay sa kultura at mga paniniwalang kinikilala sa lipunan na ating kinabibilangan. Sa isang Kristiyanong bansa katulad ng Pilipinas ay itinuturing na isang sagradong elemento ng ating relihiyosong paniniwala ang imahe ni Hesukristo. Hindi natin ito ginagamit o iniuugnay sa mga gawaing walang direktang kaugnayan sa pagsamba at pananalangin. Kaya hindi kataka-taka na kinondena ng marami sa atin ang naturang pagtatanghal ni Pura sapagkat malinaw na ang kanyang ipinamalas ay taliwas sa nakagisnan nating paraan ng pagdarasal at pagpapahayag ng pananampalataya.
Nauunawaan ko na tayong mga Pilipino ay may kalayaan na magpahayag ng ating damdamin sa kaparaanang gusto at napili natin. Maaari tayong magsulat ng opinion column tulad nitong binabasa ninyo ngayon o ’di kaya ay kagaya ni Pura ay maaaring idaan natin sa drag ang ating mga komentaryo. Ngunit dapat nating tandaan na ang kapangyarihang sakop ng freedom of expression ay mayroon ding hangganan. Wala itong kakayahan na kontrolin kung ano ang magiging reaksyon ng ibang tao sa ating mga kilos sapagkat, gaya ng tinalakay ko sa itaas, nakadepende ito sa paniniwala at kultura ng komunidad kung saan tayo nabibilang.
Hindi ko ikakaila na bilang isang Katoliko ay nadismaya rin ako sa drag performance ni Pura. Hindi ako kumbinsido na ang kanyang ginawa ay isang anyo ng pananampalataya o paraan ng pagsamba. Malayo ito sa kinamulatan kong konsepto ng pagdarasal na mataimtim at puspos ng sinseridad. Gayunpaman, hindi ako sang-ayon sa ilang mga komento na nababasa ko sa social media kung saan walang pakundangang hinahamak ang buong pagkatao ni Pura at dinadamay pati ang walang kamalay-malay niyang pamilya. Sa tingin ko ay kalabisan na ito. Hindi akma na tuligsain natin ang kanyang pisikal na itsura o ’di kaya ay idawit ang kanyang kasarian para lamang mabigyang diin ang ating argumento. Kaya humihiling ako sa inyong lahat na sana ay manatili tayong patas at disente kung magpapahayag tayo ng ating mga sentimiyento hinggil sa usaping ito.
Hayaan ninyong tapusin ko ang kolum na ito sa isang friendly reminder para sa lahat. Tandaan natin na ang bawat kilos na ating ginagawa ay may kaakibat na pananagutan. Bago tayo tuluyang magdesisyon na gawin ang isang bagay ay siguraduhin muna natin sa ating sarili na handa tayo sa anumang maaaring maging epekto nito sa ating buhay.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera