PAGBATI kay Dr. Wennielyn F. Fajilan na nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2019 para sa kaniyang disertasyon na pinamagatang Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino!
Si Dr. Fajilan ay propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos ng kaniyang kursong PhD Filipino (Pagsasalin) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Kasalukuyan siyang Tagapag-ugnay ng UST Sentro sa Salin at may espesyalisasyon sa larang ng Araling Pampagsasalin, Panitikang Pambata, at Araling Filipinas (Philippine Studies).
Bilang nagwagi, makatatanggap si Dr. Fajilan ng gantimpalang salapi na PHP100,000, plake ng pagkilala, at pagkakataong mailathala ang kaniyang disertasyon sa ilalim ng programang Aklat ng Bayan ng KWF.
Sa kabilang banda, walang itinanghal na nagwagi sa kategorya ng tesis (masteral). Ang Lupon ng mga Hurado ng Gawad Balmaseda 2019 ay binubuo nina Dr. Clement Camposano, Dr. Emmanuel C. De Leon, at Dr. Jovino Miroy.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilála na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.