Idinaos ang Forum sa Gramatikang Filipino noong 8 Setyembre 2023 sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyong pangwika, unibersidad, Kagawaran ng Edukasyon, publisher, at via Zoom ay dumalo rin ang mga Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng KWF.
Layunin ng forum na iharap sa publiko ang borador ng Gramatikang Filipino. Taong 1939 pa nang ilabas ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), ang pinagmulang institusyon ng KWF, ang Balarila ng Wikang Pambansa na pinamatnugutan ito ni Lope K. Santos, na noon ay Kagawad ng SWP. Ang ilalabas na bagong gramatika ng KWF ay nakabatay sa makabagong teorya ng pag-aaral ng wika at napapanahong paggamit ng wikang Filipino.
Ang bagong gramatikang Filipino ay isinulat at sinaliksik ng ilang mananaliksik ng KWF at mga propesor ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman na sina Jesus Federico C. Hernandez, PhD, Ronel O. Laranjo, PhD, Ma. Althea T. Enriquez, PhD, Jem R. Javier, PhD, at Mary Ann G. Bacolod, PhD. Sa susunod na taon naman ito nakatakdang ilathala at maakses ng publiko.
Sa isinagawang forum, nagbigay naman ng reaksiyon sina Aurora E. Batnag, PhD ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF)/Tanggol Wika, Danilyn T. Abingosa, PhD ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Shirely N. Dita, PhD ng Linguistic Society of the Philippines (LSP), Leticia Pagkalinawan, PhD ng University of Hawai‘i at Manoa, at Raquel Sison-Buban, PhD ng De La Salle University-Manila.