By Jaime Babiera
Kamakailan ay matatandaan na naging usap-usapan sa social media ang Eat Bulaga host na si Maine Mendoza kasama ang isang constestant sa kanilang segment na “Bawal Judgemental.”
Sa viral video ay makikitang emosyonal ang contestant habang nagbibigay ng makabagbag-damdaming mensahe sa kanyang pitong taong gulang na anak. Pinaalalahanan niya ang kanyang anak na mag-aral nang mabuti, magpursigi, at magkaroon ng pangarap sapagkat siya daw ang inaasahan niyang mag-aahon sa kanila sa kahirapan at magpapa-ganda ng kanilang buhay.
Nagbigay ng kani-kanilang sentimyento ang mga host ngunit ang pinakatumatak sa madla ay ang payong iniwan ni Maine para sa contestant at sa kanyang asawa. Aniya, bata pa ang mag-asawa at marami pang pagkakataon para bigyan ng magandang buhay ang kanilang anak kaya’t huwag daw nilang ipasa dito ang responsibilidad.
Nakaka-antig ang mga tinuran ni Maine subalit, nakalulungkot isipin na hindi ito ang paniniwalang kinamulatan ng maraming Pilipino pagdating sa usaping may kinalaman sa pamilya. Sa ating bansa, ang anak na maluwalhating nakapagtapos ng pag-aaral at nakakuha ng magandang trabaho ay madalas nagiging “breadwinner” o ang inaasahang maging “provider” ng kanyang pamilya. Ito ay kaiba sa kaugalian sa Amerika at iba pang bansa kung saan hinihikayat ng magulang ang kanilang mga anak na magtapos ng pag-aaral at magtrabaho upang turuan silang maging independent at self-sufficient.
Hindi ko ipinahihiwatig na baliko ang ating kinagisnang kultura, at dapat ay gayahin natin ang mga banyaga. Gayunpaman, napansin ko na tila nakalilimutan ng maraming magulang na ang kanilang mga anak ay may sarili ring pag-iisip at mga pangarap. Huwag sana natin silang hawakan sa leeg at ikulong sa paniniwala na ang pagtulong sa magulang at pagsukli sa kanilang mga sakripisyo ay isang obligasyong dapat gampanan at bayaran ng anak sa kanilang pagtanda. Sabi nga sa matandang kawikaan: ang pagbabalik ng utang na loob ay hindi hinihingi, ito ay kusang ibinibigay. Kaya nararapat lamang na bigyan natin sila ng kalayaan na magdesisyon sa buhay nang naayon sa kanilang kagustuhan at kakayanan. Hayaan natin silang tuklasin at linangin ang kanilang sarili upang pagdating ng panahon ay maging mabubuting magulang rin sila sa kanilang magiging mga anak.
Nais kong linawin na hindi masama ang maging “breadwinner.” Panigurado, lahat tayo ay naghahangad na matumbasan ang lahat ng paghihirap ng ating mga magulang at maipadama ang ating malalim na pagmamahal sa kanila. Masarap sa pakiramdam ng isang anak ang sabihin sa kanyang magulang na: “Tay, mag-resign na kayo sa inyong trabaho. Ako na ang sasagot ng grocery, kuryente, at tuition ni bunso.” o di kaya ay “Nay, tara sa mall. Anong gusto mong bilhin? Damit? Bag?” Ngunit payong kaibigan lamang para sa ating mga magigiting na “breadwinners,” magtira rin kayo ng para sa inyong sarili. Habang pinasasaya at pinangingiti ninyo ang inyong mga mahal na magulang, h’wag ninyong kalimutan ang inyong sariling kaligayahan. Kung may mga bagay ka na gusto mong bilhin, lugar na gusto mong puntahan, o di kaya ay mga pagkain na gusto mong tikman, gumastos ka nang bukal sa iyong kalooban at paminsan-minsan ay gantimpalaan mo rin ang iyong sarili. Kung may dumating na magandang oportunidad sa iyong buhay at nais mo itong subukan, tanggapin mo ito nang walang pag-aalinlangan lalo kung ang handog nito ay mga bago at kapaki-pakinabang na karanasan. Nais ko ring ipaala-ala na h’wag mong ipagkait sa iyong sarili ang ilang mga bagay na mapakikinabangan mo sa iyong pagtanda gaya ng pag-iipon kahit paunti-unti, pagkuha ng insurance policy, at pag-iinvest sa mga securities o ari-arian. Darating at darating ang panahon na ikaw ay bubukod rin sa iyong mga magulang at ‘di malayong magkaroon rin ng sarili mong pamilya. Kaya’t habang bata pa, makabubuting mapaghandaan mo ang pagdating ng yugtong ito sa hinaharap.
Kilala tayong mga Pilipino bilang family-oriented, at sa tingin ko ay isa itong katangian na maipagmamalaki natin sa mundo. Kaya humihiling ako sa inyo na maging mabuting magulang tayo sa ating mga anak. Gabayan natin sila pero huwag natin silang diktahan. Pangaralan natin sila pero huwag natin silang pangunahan. Hayaan natin silang lumaking malaya at maligaya.
Kung sa hindi inaasahang pagkakataon ay mapagkalooban rin ako ng ilang minuto sa national television upang magbigay ng mensahe sa aking anak, ganito ang aking sasabihin: “Anak, mag-aral ka nang mabuti. Magpursigi ka at magkaroon ng pangarap upang magkaroon ka ng magandang buhay sa hinaharap. Bilang magulang mo, masaya ako na makita kang matagumpay at hindi nalugmok sa kahirapan. Nandito lang ako para sa iyo.”
Jaime Babiera is a writer based in Batangas. You may reach him at jaime.babiera@yahoo.com