By Jaime Babiera
“Golden age na talaga sa Pilipinas!”
Ganyan kung ilarawan ng madla sa social media ang kasalukuyang lagay ng ating bansa. Kung iniisip ninyong nangangahulugan itong bente pesos na kada isang kilo ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, nagkakamali kayo sapagkat hindi ito ang nais nilang ipahiwatig. Anila, “golden age” raw na maituturing ang buhay ngayon sa Pilipinas dahil mala-ginto ang mga bilihin sa taas ng kanilang presyo.
Ang bawat isa sa atin ay paniguradong may sariling kuro-kuro pagdating sa usaping ito. Ngunit sa pagkakataong ito, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang ilan sa mga naiisip kong reporma at programa na sa aking palagay ay makatutulong sa gobyerno upang maihatid tayong lahat tungo sa minimithing golden age ng ating bansa. Nais ko lang linawin na ang mga tatalakayin ko sa ibaba ay base lamang sa aking personal na kaalaman at karanasan bilang isang ordinaryong mamamayan.
Pinakauna sa lahat ay dapat hindi masakit sa bulsa ng mamamayan ang presyo ng pangunahing bilihin. Hindi ko ipinahihiwatig na kapag ang presyo ng mga bilihin ay napakababa, agad itong nangangahulugan na maganda ang takbo ng ekonomiya lalo kung magiging sanhi ito ng pagkalugi ng mga negosyante. Ang sa akin lamang ay dapat mapanatiling nasa kaaya-ayang lebel ang halaga ng mga bilihin kung saan parehong hindi maaapektuhan ang kita ng mga negosyo at ang buying power ng publiko. Tandaan na bagama’t itinuturing na key indicator ng ekonomiya ang price level, mayroon pang ibang ekonomikong batayan ang dapat ring isaalang-alang at bigyan ng karampatang pansin.
Pangalawa ay mababang unemployment rate. Alam nating lahat na dumadami ang available na trabaho sa tuwing masigla ang ekonomiya. At kapag ang marami ay may hanapbuhay, nababawasan ang bilang ng naghihirap at nagugutom. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), 4.8 percent ang naitalang estimated unemployment rate noong Enero 2023. Ito ay higit na mababa kung ikukumpara sa 6.4 percent na naitala noong Enero 2022. Bagama’t maituturing itong isang magandang balita, para sa akin ay hindi pa rin ito sapat na dahilan para tayo ay makampante sapagkat ibig sabihin nito ay mayroong 2.37 milyong Pilipino ang nananatiling walang trabaho. Kaya’t gaya ng ibang problema na kinakaharap ng ating bansa, ito rin ay hindi dapat ipagsawalang-bahala.
Pangatlo ay dapat may sapat na access ang mamamayan sa healthcare. Tinaguriang pinakamahalagang yaman ng isang bansa ang kanyang mamamayan. Kaya’t nararapat lamang na ang bawat isa sa atin—anuman ang edad, kasarian, o estado sa buhay—ay makatanggap ng de-kalidad at pantay-pantay na serbisyong pangkalusugan. Nakatutuwang marinig na bibigyan ng higit na malaking budget allocation ngayong taon ang mga specialty hospital sa ating bansa. Paniguradong makatutulong ito nang malaki sa marami nating kababayan na kapos at walang kakayahan na magpagamot sa mga pribadong ospital. Ngunit sa tingin ko, mas marami pang Pilipino ang makikinabang dito kapag tuluyang naisabatas ang panukala ni Senator Sonny Angara na magtayo ng satellite specialty hospitals sa mga probinsya.
Pang-apat ay quality education para sa mga kabataan. Panigurado, isa sa mga pangarap ng kabataang Pilipino ay ang makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng disenteng trabaho. Kaya dapat ay tiyakin ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na ang bawat mag-aaral ay nakatatanggap ng mga makabuluhang kaalaman at mga mabisang kasanayan sa paaralan upang pagdating ng panahon ay mapaunlad nila nang husto ang kanilang mga sarili at maging bihasang propesyunal sa larangan na kanilang pinili. Nawa ang mga ihahain at ipatutupad na programang pang-edukasyon ng kasalukuyang administrasyon ay magbigay ng mabisang solusyon sa mga isyung kinakaharap ng ating bansa gaya ng job mismatch, mataas na dropout rate, atbp.
Pinakahuli at pinakamahalaga sa lahat ay dapat laging prayoridad ng ating pamahalaan na proteksyunan at siguraduhing naisasakatuparan sa lahat ng pagkakataon ang mga demokratikong karapatang ginagarantiya ng ating konstitusyon para taumbayan. Siguradong “golden age” na maituturing kung ang bawat isang Pilipino ay nakakapamuhay nang malaya, ligtas, masagana, payapa, at panatag.
Email: jaime.babiera@yahoo.com