ISANG guro na matagal nagturo ng wikang Filipino sa Hawaii ang tatanggap ng Dangal ng Wika, ang pinakamataas na parangal ng KWF para sa mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino, sa 27 Agosto sa Pammadayaw, sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas.
Si Dr. Teresita V. Ramos, na naglingkod bílang professor emirita at tagapangulo ng kagawaran ng Hawaiian at Indo-Pacific Languages sa University of Hawaii, ay kikilalanin para sa kaniyang ginawang paghawan ng landas na nagbunsod sa pagkakatatag ng kauna-unahang batsilyer na digri sa Filipino sa Estados Unidos.
Mayroong Phd sa linguistics si Dr. Ramos mula sa University of Hawaii, at siya ang dahilan sa pagkakaroon ng unang programang Filipino sa Estados Unidos na kinikilala na ngayon sa University of Hawaii bílang Filipino and Philippine Literature Program.
Pinagpugayan sa parangal ang kaniyang “pagtatayô ng tahanan para sa wikang Filipino na matatag at ligtas mula sa peligro ng paglimot at pagkawala.”
Nilalagom ng sitasyon ang paghirang kay Ramos bilang “huwaran sa mga guro at iskolar ng wika sa pagpapakita na hindi lámang sinasambit ang pagmamahal sa wika, kung hindi binibigyang-artikulasyon sa saliksik at pagtuturo.
Awtor siya ng 22 aklat at sumulat ng maraming artikulo na nagsilbing gabay sa ilang henerasyon ng mga mag-aaral at iskolar sa nabanggit na programa.
Kabilang sa mahahalagang akda ni Ramos ang Makabagong Balarila ng Pilipino (1972), Conversational Tagalog (1985), Handbook of Tagalog Verbs: Inflections, Modes, and Aspects (1986), at Modern Tagalog: Grammatical Explanations and Exercises for Non-Native Speakers (1990)
Makakasama si Ramos sa prestihiyosong hanay ng mga ginawaran na nagpanday ng landas sa intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.
Kabilang sa mga ginawaran sina Cezar Peralejo (Batas, 2013), Padre Roque F. Ferriols (Pilosopiya, 2014), Louie Tabing (Peryodismo, 2014), Dr. Florentino Timbreza (Pilosopiya, 2015), Leonida Villanueva (Lingkodbayan, 2015), Ruben T. Reyes (Batas, 2016), Tereso Tullao Jr. (Ekonomiks, 2016), Masanao Oue (Edukasyon, 2017), Maria Stanyukovich (Antropolohiya) at Dulaang UP (Sining) sa 2018.
Tatanggap siya ng espesyal na nililok na tropeong likha ng tanyag na eskultor na si Rita Gudiño mulang Unibersidad ng Pilipinas.
Magsisilbing pampinid ang gawad sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.