By John Iremil Teodoro
GUSTONG-GUSTO kong umupo sa terrace ng bahay namin sa Maybato kapag umuulan. Gustong-gusto kong nasa bahay lang ako kapag umuulan. Tatlong araw din na kada hapon ay umuulan sa Maybato noong nakaraang linggo. Kahapon, ang message sa akin ng partner kong si Jay na naiwan doon sa bahay, ay umulan din. Ang ganda ng mga larawan ng mga basang bulaklak sa aming hardin pagkatapos ng ulan na pinopost niya sa FB.
Simula pa noong Enero ng taong ito ay halos hindi umuulan. Dahil sa El Niño phenomenon pagbukas pa lamang ng taon ay parang summer na. Dalawang beses sa isang araw kung magdilig kami ni Jay ng mga halaman namin—paggising namin sa umaga at sa hapon kapag nag-sunset na. Pero nitong Marso at Abril masyadong mainit talaga ang sikat ng araw at may mga halaman pa rin na hindi kinakaya ang init kahit diligan tulad na lamang ng badyang o yung malaking gabi. Ang maganda lang nito, may laman ito at tiyak na kusang tutubo pagdating ng tag-ulan.
Tatlong sunod-sunod na araw last week na umuulan nang malakas kung hapon kahit mga isa o dalawang oras lang. Paggising ko sa umaga, agad akong lalabas sa bakuran upang magdilig sana pero agad kong makikita na basang-basa pa ang lupa at hindi kailangang magdilig. While masaya ako sa isipan ko dahil nakatitipid kami sa tubig, may kaunting lungkot naman akong nararamdaman dahil parang may kulang sa ritwal ko sa umaga. Paggising ko kasi ay magdadasal ako saka lalabas na para magdilig. Kadalasan sa umaga ako ang nagdidilig dahil tanghali na kapag gumigising si Jay.
Natatawa ako sa sarili ko nang minsang disappointed ako dahil hindi ako makapagdilig ng halaman dahil umulan nga nang malakas nang lumipas na araw. Naalala ko kasi ang isang kuwento sa SRA (Silent Reading Activity) namin sa Assumption sa San Jose de Buenavista noong nasa elementarya ako. Sa kuwentong ito nalaman ko ang ibig sabihin ng salitang “silly.” Ang batang babae kasi sa kuwento ay umiiyak na namimintana habang pinapanood ang ulan at ang kanilang hardin. Tinanong siya ng nanay niya kung bakit siya umiiyak. Sabi niya, hindi raw kasi siya makapagdilig ng halaman dahil umuulan! Sinabihan siya ng nanay niya na, “You are a silly girl.” Kung minsan, o baka madalas pa nga, I am just a silly girl.
Umulan din dito sa Taft Avenue kahapon. Nasa ika-18 na palapag ang condo unit ko at madalas hindi ko ramdam ang pag-ulan. Kung minsan nagugulat na lamang ako na baha na pala sa Taft. Parang kahapon din. Bumaba ako pasado alas-singko ng hapon dahil magdi-dinner kami ng kaibigan kong si Ronald sa Robinsons Place Manila. Nakita kong basâ ang kalsada. May mga bakas din ng tulo ng tubig mula sa payong sa elevator.
Pero iba ang dating sa akin ng pag-ulan dito sa Taft Avenue. Baha agad ang iniisip ko at ang paglala ng trapik na ibig sabihin ay mahirap makasakay pagtungo sa iyong pupuntahan. True enough, medyo mahirap mag-book ng GRAB. Inabot din ng kalahating oras bago ako nakasakay papuntang Robinsons. Again, bigla kong na-miss ang Maybato dahil nilalakad lang namin ni Jay ang Robinsons Place Antique at kung sasakay man, short tricycle ride lang ito.
Ang gustong-gusto ko kapag umuulan at nakaupo lang ako sa terrace ng bahay namin sa Maybato ay kay bango ng hangin pati ng basang lupa. Napakasariwa at nakakarelaks. Iyan ang wala kapag umuulan rito sa Manila. Imbes na malilinis sana ang kalsada ay parang lalo pa itong nanlilimahid. Kalmadang pakiramdam ang hatid ng ulan sa Maybato. Stress naman ang ibig sabihin ng ulan dito sa Manila.
Tiyak sa buwan ng Hunyo at Hulyo ay magiging tag-ulan na talaga. Pero nasa Sweden ako niyan. Tag-araw doon. Pero ang Swedish summer naman ay may kasamang pasulpot-sulpot na ulan. Nang unang punta ko nga roon noong 2016 ay doon ko lamang lubusang naintindihan ang sinasabi sa “Sonnet 18” ni William Shakespeare: “Shall I compare thee to a summer’s day? / Thou art more lovely and more temperate: / Rough winds do shake the darling buds of May, / And summer’s lease hath all too short a date; / Sometime too hot the eye of heaven shines, / And often is his gold complexion dimm’d; / And every fair from fair sometimes declines, / By chance or nature’s changing course untrimm’d.”
Riotous ang pamumukadkad ng mga bulaklak sa Europa kapag tag-araw. Sa Sweden namumulaklak ang mga hardin, ang mga parang, at ang mga tabing-kalsada. Pero iyon nga. Kahit pag-alis mo ng bahay ay matingkad ang sikat ng araw pero paglabas mo bigla na lang kukulimlim ang kalangitan, lalakas ang hangin, at babagsak ang ulan. Minsan habang nagwo-walking ako at naabutan ng ulan sa daanan na maraming puti at lilang foxglove, biglang umalingawngaw sa isipan ko ang linyang, “Rough winds do shake the darling buds of May!”
Pero welcome pa rin naman sa akin ang ulan sa Maybato man, o sa Taft, o sa Sweden ito. Siguro nga dahil hindi ko problema ang tumutulong bubong o ang pakikipaghabulan sa dyip. Kung labis na parusa ang init ng panahon kapag tag-araw, may mga problema din namang kasama ang pagdating ng tag-ulan. Katulad ng lamang ng harap ng bahay namin sa Maybato. Umaabot ang baha hanggang sa geyt namin kapag malakas ang ulan. Peron ginagawan na ito ng paraan ng gobyerno. Ginagawa na ang kanal na tatawid sa ilalim ng kalsada para didiretso ang tubig ulan sa dagat at hindi na ito maiipon sa side kung nasaan ang bahay namin. Kapag umabot na kasi ang baha sa geyt namin, ibig sabihin, malalim na ang baha sa mga bakuran sa gilid at likod ng bahay namin. Kailangan na nilang mag-rubber boat kung gusto nilang pumunta ng kalsada.
Sabi nila blessing ang ulan. Lalo na siguro kung magsasaka ka at hinihintay ang tag-ulan para makapag-araro at makapagtanim na. May paniniwala ngang benditado at gamot ang unang ulan ng Mayo. Kaso nitong taon gabi at tulog na kami nang umulan sa amin sa Maybato. Basta paggising namin, basa na ang lupa. Pero ang maganda, at totoo ngang blessing ang unang ulan ng Mayo, ay tila naririnig namin ang hagikhikan ng aming mga halaman na tila mas naging matingkad ang pagkaluntian ng kanilang mga dahon.