High School Reunion 2025

By John Iremil Teodoro

PAGKATAPOS ng 35 na taon muling nagkita-kita ang marami sa aming high school batch 1990 ng St. Anthony’s College sa Grand Homecoming namin noong Pebrero 21 to 23 sa San Jose de Buenavista, Antique. Ang unang araw ay ginanap sa Vista Veranda Resort sa Madrangca, ang ikalawang araw ay sa Calawag Mountain Resort sa Tibiao, Antique, at ang ikatlong araw ay sa aming paaralan mismo.

Ang tema ng pagsama-sama naming ito ay “Stronghold at 35.” Marami kaming kaklase ang nagsiuwian mula Estados Unidos, Canada, at Brunei. Marami ring mga nagtatrabaho sa Manila tulad ko na umuwi rin. Sa kabuoan ay 135 kami sa batch namin at mga 50 ang umattend. Marami kaming ka-batch na mga seaman at nasa biyahe sila.

Mula noon hanggang ngayon ay talagang aktibo ang batch namin. Maraming beses na rin kaming nagre-reunion. Kapag marami ang nagsisiuwian sa Antique sa Pasko ay nagkikita-kita kahit magkape o mag-dinner man lang. Mayroon din kaming group chap sa Messenger at doon nagbabalitaan. Kadalasan tungkol sa kung sino sa mga batchmate namin ang namatayan at sabay-sabay na nagpupunta sa lamay lalo na ang mga nakabase dito sa Antique. Dito sa Messenger nagbabalitaan kung sino ang mga kaklase o guro namin ang nagkakasakit at kailangan ng dasal at tulong pinansiyal.

Si Rodelyn ang nagsisilbing treasurer namin dahil sa kaniya pinapadala ang mga ambag na perang pantulong. Siya kasi ang general manager ng San Jose Multi-Purpose Cooperative at madali siyang mahanap sa kaniyang opisina sa Trade Town sa Dalipe, San Jose de Buenavista. Marami sa amin ay miyembro din sa kooperatibang ito.

Talagang stronghold nga namin ang aming High School Batch. Kapag umuuwi ako dito sa Antique, talagang sila ang mga una kong hahanapin at si Rodelyn ang pinakamadaling mahanap dahil nasa San Jose Coop lang siya. Palagi ko ring nakikita kapag umuwi ako sina Teresa na isang nang prinsipal at Angi na isang dentist. Kay Angi na nga ako nagpapaayos ng ngipin ko kesehodang nasa Dao pa ang klinik niya. Palagi ko ring nakakasama sa pagkakape sina Jules at Maricar, ang kaklase naming naging mag-asawa. Kung minsan ay nakakasama namin sa pagkakape si Miss Badoy na kahit nag-asawa na siya at Mondragon na ang apelyido ay Miss Badoy pa rin ang tawag namin sa kaniya. Siya ang guidance counselor namin noon. Ngayong retirado na siya at nakapaaktibo niya sa San Jose Coop bilang kasapi ng Board of Director.

Sabi nga ni Joy, isa sa mga nag-organisa ng aming grand homecoming, sa kaniyang FB post dalawang araw matapos ang reunion, “We all made our choices in life after high school. One constant choice we made is to be there for each other.”

Sabi naman Rodelyn sa kaniyang post sa FB isang araw matapos ang pagtitipon, “This is a reflection of the generosity, trust, support, and cooperation of everyone involved. Although some could not join, their generosity in sharing resources is greatly appreciated, and we sincerely thank them for that. As Fr. Arthur said, each one of us is unique and different. The differences and unique qualities made us incomplete, thus, remind us of the importance of sharing what we have with others who may not have it, and receiving from those who have what we lack. We complement each other, and perhaps that is the reason why we remain united. Love you all.” Si Fr. Arthur ang Amerikanong Math teacher namin noong high school na isang misyonero ng La Mennais Brothers.

Sa ikatlong araw ng reunion, Linggo, ay nagpamisa kami sa St. Anthony’s College Chapel ng 10:00 n.u. Tatlong pari ang nagmisa: si Carlos ang main celebrant, at kasama niya sina Fr. Arthur at Fr. Edione. Pagkatapos ng misa ay dumiretso na kami na pool side ng kolehiyo at doon ang aming pananghalian. Parehong bago ang chapel at ang swimming pool para sa karamihan sa amin dahil wala pa ang mga ito noon. Bago mananghalian ay may mga talumpati muna at pa-raffle. May tatlo kaming guro na naki-celebrate sa amin. Sina Miss Analinda Santos na English teacher namin at siya na ang Vice President for Academic Affairs ng SAC ngayon na siyempre may PhD na siya ngayon, si Mrs. Arriola na guro namin sa music, at si Miss Magbanua na guro namin sa Pilipino. Kasama pa rin namin siyempre si Miss Badoy.

Maraming pagkain! May lechon. Mabuti at napigilan ko pa rin ang sarili ko at kaunti lang ang kaning kinain. Hindi rin ako nag-juice o nag-coke. May brewed coffee kayâ ito na at ang malamig na tubig ang favorite drinks ko. Medyo nag-cheat lang ako nang kaunti dahil may masarap na cake at kumain ako ng maliit na hiwa dahil perfect ito sa matapang na black coffee.

Mga alas-dos ng hapon nang unti-unting natapos ang party. May mga nag-iiyakan na dahil sa separation anxiety. Tatlong araw ba naman kaming magkakasama at ang saya-saya. Nang paalis na kami, narinig kong may mga aakyat sa Aningalan. May isang grupo na doon mag-o-overnight. Narinig ko si Rodelyn na nagsabing maghahatid siya sa Aningalan at bababa din naman agad. Siyempre na-trigger ako! Nagtanong ako kung sino ang magda-drive paakyat doon at kung puwede ba kaming sumama ni Jay. Buti at ang mag-asawang sina Jules at Maricar pala ang magda-drive pa-Aningalan at si Rodelyn lang ang pasahero nila. Maaari kaming sumama ni Jay!

Mga alas-kuwatro na ng hapon nang makarating kami sa Aningalan. Nagkape at nagbihon kami sa Banglid Dos. Medyo malakas ang ihip ng hangin na nang mag-sunset na ay malamig na talaga. Wala kaming mga dalang dyaket dahil biglaan ang pag-akyat namin doon. Masaya ang usapan namin kahit nilalamig kami.

Madilim na nang magpaalam kami sa mga ka-batch naming doon mag-o-overnight. Malamig na talaga. Tawa nga kami nang tawa ni Jay dahil sa biglaang biyaheng iyon sa Aningalan. Hindi talaga kami prepared. Pero masayang-masaya kami na finally nakita namin ang ilaw na pula ng R ng Robinsons Place Antique mula sa kalsada kung nasaan ang lote namin sa Tubudan nang pababa na kami. Magandang tanawin ang mga ilaw sa San Jose de Buenavista at Sibalom mula roon. Kailangang na talaga naming magkabahay doon sa madaling panahon!

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here