By John Iremil Teodoro
UMAKYAT kami ng Aningalan noong Disyembre 28 to 29 dahil gusto kong ipakita sa mga kapatid kong sina Mimi at Sunshine ang lugar kung saan kami titira ng partner ko si Jay pagka-retire ko sa La Salle. Noong una ayaw maniwala ni Mimi na may malamig na lugar dito sa Antique at mga isang oras lang, o mas maikli pa kung mabilis ang nagmamaneho, ang biyahe mula sa bahay namin dito sa Maybato. Nang papalubog na ang araw, nasarapan na siya sa lamig na for the first time daw since dumating sila ng dalawang taong gulang niyang anak na si Evert John dito sa Antique noong December 7, ay muli niyang naramdaman. “Mas malamig pa rin ang summer namin sa Sweden,” sabi niya na totoo naman dahil nang nandoon ako sa kanilan noong tag-araw ng 2016 ay palagi akong naka-sweatshirt, nakapadyama, at nakamedyas sa loob ng bahay. Mas malamig kaysa December weather ng Baguio ang summer sa kanila sa Lenhovda, sa southern Sweden.
“Magugustuhan dito nina Jonas at Juliet, Kuya. Malamig dito, malinis, at tahimik,” ani Mimi. Si Jonas ang bana niyang Swedish at si Juliet naman ang panganay niyang anak na bagamat dito sa Filipinas ipinanganak at nagpa-Sweden lang noong limang taong gulang pa lamang ay Swedish na raw sa ugali at mga gusto.
Itong Aningalan trip ang huling hirit namin para sa taong 2023. Simula nang dumating sina Mimi ay naging super busy na ang buhay ko. Nag-staycation kami sa Manila Hotel bago kami umuwi ng Antique. Then nagpa-Boracay kami. Tapos nag-Christmas dito sa bahay at dahil ngayon lang nakauwi sina Mimi at Sunshine since nag-pandemic, andami nilang bisitang mga kaibigan at mga kaklase noong elementary at high school. Halos araw-araw. Inuman galore. Naging yayabels kami ni Jay kay Evert John.
Pang-anim na akyat ko na ito sa Aningalan. Nakakapanibago lang kasi hindi ko kasama si Jay. Lumipad siya pa-Manila noong Disyembre 28 din para doon mag-New Year sa mga kapatid at magulang niya sa San Juan City. Masyado na yata akong dependent sa kaniya at hindi na ako sanay na hindi siya kasama. Ganoon din naman siya. Sabi niya sa text niya sa akin, parang ang haba raw ng araw niya roon sa Manila dahil hindi kami magkasama.
Dalawang container van cottage sa Aningalanja ang nirentahan namin. Isinama ko kasi ang mag-asawang pinsan ko na sina Nong Junior at Nene Oliva, ang anak nilang si Bebe Erika na tumutulong sa pagbantay kay Evert John, at ang limang taong gulang nilang apo na si Maxine na ang tawag ko ay Dang-Dang dahil kapag nakikita ko siya ay naaalala ko si Nanay Dang-Dang, ang ina ni Nene Oliva na matagal nang yumao. Isinama namin si Nong Junior para makapag-relaks ito. Nagre-recover pa siya sa kaniyang medyo mahabang pagkaospital noong Nobyembre at mabagal pang gumalaw at maglakad. Si Nong Junior ang trusted kong tagaayos ng bahay.
Pagdating namin doon ay nananghalian muna kami sa Banglid Dos. Tapos pumunta kami sa isang resort na nababaduyan ako ngunit may mga malaking estatwa ng dinosaurs. Gustong-gusto ni Evert John ang mga dinosaurs at nag-enjoy nga siya roon. Sumakay din sila sa kabayo sa napaka-Instagrammable na bahaging iyon ng Aningalan.
For the most part, nagpahinga at nag-relax lang kami sa Aningalanja. Gin-enjoy lang namin ang malamig na klima. Sa umaga bago kami umalis, nagpasyal kami sa katabing HOBB8 na bukas na ngayon sa publiko. May walong hobbit houses doon. Sumakay sina Sunshine at Bebe Erika sa ATV kasama ang dalawang bata.
Sa huling gabi ng taon habang hinihintay namin ang alas-dose rito sa ancestral house namin sa Maybato, nakahiga ako katabi si Evert John. Himbing na himbing ang tulog niya ngunit napapaigtad kapag may magpaputok ng rebintador malapit sa bahay. Tinabihan ko siya dahil nag-iinuman sina Mimi at Sushine kasama ang mga bisita nila. Naisip ko kasi, baka may masyadong malakas na putok at magising siyang mag-isa. Takot pa naman siya sa mga pasabog.
Habang tinititigan ko ang guwapong mukha ng aking pamangkin, napupuno ng kasiyahan at pasasalamat ang aking kasingkasing. Isa siyang milagro—pandemic baby. Ang pag-uwi niya sa Maybato ngayong Pasko ang pinakamahalagang regalo sa akin ng Poong Maykapal. Paulit-ulit kong inuusal nang tahimik ang pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng biyayang ipinagkaloob niya sa aming magkakapatid.
Sinusundan ng BBC World ang pagpalit ng taon sa iba’t ibang panig ng mundo. Nauna muna ang New Zealand saka ang Australia. Habang pinapanood ko ang footage ng fireworks nila sa Sydney, nababasa ko naman ang running news nila sa ilalim na daan-daang mga missile at drone ang pinakawalan ng Russia sa Ukraine. Walang tigil pa rin ang pambobomba ng Israel sa Gaza. Naiyak nga ako sa sinabi sa interview ng isang matandang babae sa Ukraine sa harap ng kanilang durog na bahay dahil natamaan ng bomba: “Ganito ang regalo nila sa amin ngayong Bagong Taon.”
Sa balita naman sa GMA7, bangungot levels na uli ang Christmas traffic sa Metro Manila. Tahimik na ang mga politikong nagsabing five minutes na lang ang biyahe mula Cubao pa-Makati o magiging thing of the past na lang ang traffic sa EDSA dahil silang “the best and the brightest” ay aayusin ang mga kalsada ng metropolis. Siguro ini-enjoy nila masyado ang mga inumin at pagkain nilang binili gamit ang pera mula sa kaban ng bayan. Lalong nagmahal ang mga bilihin at patay-malisya na lamang ang pamahalaang nangakong magiging PhP20 ang kilo ng bigas.
Si Mimi kada uwi galing sa Robinsons Antique, talak nang talak dahil masyadong mahal daw ang diapers at gatas ng bata rito sa Filipinas. Ang gatas ni Evert John na libre sa Sweden, tag-PhP3,500 dito ang pang-isang linggo. “Kuya, kung ganito kamahal ang gatas ng bata, paano ang mga mahirap? Ano ang pambili nila?” tanong ni Mimi at tempted akong sagutin siya ng, “Gagah! Hindi ba obvious ang sagot?”
Pero dahil full professor ako sa La Salle, kailangang mahinahon at informative ang sagot ko. Sabi ko sa kaniya, ito ang rason kung bakit maraming bata sa Filipinas ang malnourished. Nababansot dahil kulang sa gatas. Halimbawa, maraming anim na taong gulang na bata na ang taas at bigat ay pangdalawang taon lamang. Yung iba kasing walang pambili ng gatas, suam na lang ang pinapadede. Mayroon ngang mga batang instant coffee ang pinapadede sa kanila. Kayâ pagtuntong sa edad na 20 pataas, masakitin at nalalagas agad ang mga ngipin. Dahil sa gutom hindi rin maka-concentrate sa pag-aaral kahit na libre ang basic education sa public school. Tatanda silang mangmang at mahirap, at madali silang mauto ng mga politikong sinungaling at magnanakaw. Vicious cycle.
Naiisip ko ang mga ito habang binabantayan si Evert John. At muli magpapasalamat ako sa Diyos na taga-Sweden siya. Maaalagaan siya nang husto ng kaniyang mga magulang at ng kanilang pamahalaan. Nagpapasalamat ako na wala sila rito sa Filipinas ng ate niyang si Juliet. Nag-50 na ako noong Nobyembre at base sa naoobserbahan ko sa pamahalaan at mga politiko ng Filipinas, wala nang pag-asa ang bansang ito. Nuknukan ang pagiging korap ng mga politiko—mula Sangguninang Kabataan hanggang Malakanyang. Sabi ko nga sa talumpati ko sa Chulalongkorn University sa Thailand noong Agosto nang tanggapin ko ang S.E.A Write Award, ang political at economic elite ng Filipinas ay mga morally and intellectually bankrupt. Ang mga nasa middle class namang katulad ko, hanggang gitnang-uring fantasya na lamang at madaling mabili ang prinsipyo ng mga politiko at negosyante. Maraming may mga PhD at technocrats ang mga for the highest bidder.
Sa mga nagtatanong kung bakit hindi ko pa nilalayasan ang Filipinas, ang sagot ko ay ganito: Too old na ako para mangibang bansa at magsimula ng karera sa ibayong dagat. Saka may magandang trabaho ako sa Manila at may minanang mga lupain kahit hindi naman hacienda levels. Nakabili nan ga rin ako ng sarili kong mga lupa. Masarangan kong mabuhay nang kumportable dahil wala akong mga anak at simple lamang ang mga materyal kong pangangailangan.
Pagpasok nitong 2024, tanggap ko na ang pagiging walang kuwenta ng pamahalaan dahil sugapa sa pera ang mga politiko at negosyante. Mga bampira silang sisipsipin talaga at tutuyuin ang dugo ng bayang ito. Samakatwid, nahihiya ako kina Juliet at Evert John na bulok ang bansang pinanggalingan ng pamilya ng kanilang ina. Ang comfort ko na lamang, at least kung magbakasyon sila rito sa Filipinas, may mga hardin kami ng kanilang Tito Jay na naghihintay sa kanila. At ang Hardin Milagros, nakapangalan sa Lola Nanay Bebe nila, ay nasa Aningalan.