IMBF 2025

By John Iremil Teodoro

IKAWALONG taon na Iloilo Mega Book Fair ngayong 2025 at natitiyak kong pamilyar na ang abbreviation na IMBF sa maraming manunulat, artist, at mambabasa sa Lungsod Iloilo at buong Isla Panay. Walang dudang dagdag itong IMBF sa mga panliteraturang institusyon sa Lungsod Iloilo. Napagod man ako at nataranta konti dahil sumabay ito sa pagko-compute ko ng grades ay masaya naman ako.

Binabati ko at pinasasalamatan ang mga organizer ng IMBF 2025 na pinangungunahan ng Kasingkasing Press, Thrive Art Gallery, Book Latte, at Hubon Manunulat. Kahanga-hanga na ang tatlong araw na book festival noong Abril 11-13, 2025 ay gin-host ng Ayala Malls sa Atria Park District sa Donato Pison Avenue, San Rafel, Madurriao District, Iloilo City. Noon pa man, paborito ko na ang mall na ito dahil sa open spaces nito na parang less crowded version ng D’Mall sa Boracay.

Shout out kina Noel de Leon ng Kasingkasing Press at Allyn Canja-Brasileño ng Thrive Art na nakikita kong nagaparik-parik sa pag-asikaso ng mga exhibitor at sa pag-organisa ng mga book events sa IMBF 2025. Ipinagmamalaki ko na produkto silang dalawa ng San Agustin Writers Workshop na ako ang founding workshop director. Dalawang tao nang pumalit sa akin bilang workshop director si Noel.

Nais ko ring i-echo ang sintimyento ni Noel sa kaniyang opening remarks sa closing program ng IMBF 2025. Na sana hindi lamang private effort ang IMBF. Na sana suportahan ito ng mga government agency lalo na ng local government ng Iloilo City. Ngayong umaariba na ang ekonomiya ng Lungsod Iloilo at sumisikat na talaga ito bilang tourist destination, sana huwag pabayaan ng mga namumuno ng lungsod na bigyang halaga ang suportang pinansiyal ang mga gawaing sumusulong at nagpapalakas ng literary heritage ng lungsod.

Sa ganang akin, muling natupad ang pangarap kong maging publisher nitong nakaraang IMBF 2025. Inilunsad namin sa Sirena Books ang dalawang bagong libro: Iloilo City on My Mind: Personal Essays ni Alice M. Sun-Cua at Writing from Home: Endless Black Ink on Rice Paper, isang antolohiya ng mga tula, na inedit nina Isidoro M. Cruz at Sun-Cua. Sina Cruz at Sun-Cua ay mga minamahal kong kaibigan at hinahangaang manunulat. Kayâ nang magdesisyon kami ng partner kong si Jay na itodo na ang paglalathala ng Sirena Books, angkop lamang na sila ang dalawang unang author namin.

“Muling natupad” ang sabi ko dahil may dalawa akong publishing ventures na inumpisahan noon sa Lungsod Iloilo. Una, ang Libro Agustino noong 2004 na kalaunan ay naging University of San Agustin Publishing House. Ikalawa, ang Imprenta Igbaong na personal kong publishing label nang mga panahon ding iyon. Pareho nang wala ang mga ito ngayon. Kayâ nga tuwang-tuwa ako kay Noel na hindi hamak na mas bongga ang itinatag niyang Kasingkasing Press.

Inumpisahan ko ang Sirena Books noong 2018 nang ilathala ko ang chapbook ng sarili kong mga sanaysay sa Kinaray-a na Tangkig ang Handurawan: Mga Panaysayën. Parang laro-laro ko lang ito noon. Nagpagkatuwaan ko pa ngang magpagawa kay Manix Abrera ng logo at game naman niyang ginawan ako sa isang very friendly rate. Magaling at sikat na artist at manunulat si Manix at pinipilihan ang mga libro niya sa mga book fair kayâ masuwerte ako na pinaunlakan niya ang hiling kong gawan ako ng logo.

Nang sumunod na taon, 2019, inilathala ko naman ang Twelve Poems in Kinaray-a with English Translations. Kalipunan ito ng labindalawang tula ko sa Kinaray-a na may salin sa Ingles ng mga haligi ng panulaang Ingles sa Filipinas na kinabibilangan nina Merlie Alunan, Ricardo de Ungria, Luisa Igloria, at Marne Kilates. Kasama ding nagsalin sina Leoncio Deriada, Alice Sun-Cua, at Rommel Chrisden Rollan Samarita. Bonggang listahan ng mga tagasalin! Tinanong nga ako ng kaibigan kong si Ronald Baytan kung paano ko na-convince ang mga ito na isalin ang mga tula ko. Sabi ko, hindi ko hiniling sa kanila. Kusa nilang isinalin. Sina Alunan at Deriada, isinalin nila para sa mga inedit nilang antolohiya. Sina De Ungria, Igloria, at Kilates naman ay isinalin nila ang Filipino version ng mga tula ko nang gin-post ko ito sa Facebook. Sina Alice at Rommel lang ang hiningan ko ng salin. Ang librong ito ay may introduksiyon ni Isidoro Cruz.

Mayaman talaga ang literary heritage ng Lungsod Iloilo at ang IMBF na nasa ikawalong taon na ngayon ang patunay rito. Matatag ang pundasyon nito. Noong 1877 pa itinatag ang Libreria La Panayana na naglathala ng mga librong Hiligaynon at hanggang ngayon ay naglalathala pa ito ng Almanaque Panayanhon at mga prayer book. Ang unang nobelang Hiligaynon na Benjamin ni Angel Magahum ay inilathala nito sa lungsod noong 1907. Sa ganitong taon din inumpisahang malathala ang diyaryo sa Hiligaynon na Kadapig sang Banwa. Nagkaroon na rin ng dalawang literary magazine sa Hiligaynon, ang Hiligaynon na inilathala ng Liwayway Publications at kalaunan ay ibinenta sa Manila Bulletin Publishing, at ang Yuhum ni Marcos Villalon na inilathala sa Lungsod Iloilo. Sayang nga lang nag-fold na ang mga ito. Siguro napapanahon nang magkaroon uli ng magasing Hiligaynon.

May dalawang malaki at matibay na grupo ng mga manunulat ang umusbong sa Lungsod Iloilo—ang Sumakwelan na itinatag noong 1948 at ang Hubon Manunulat na itinatag naman noong 2014. Hanggang ngayon aktibo ang mga grupong ito at siguradong hindi fly-by-night na mga organisasyon. Ang San Agustin Writers Workshop na aking itinatag noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin ay nasa ika-21 taon na ngayon. Pagdating naman sa pag-a-archive ng sinulat ng mga manunulat sa Kanlurang Bisayas ay impressive ang koleksiyon ng Center for West Visayan Studies ng University of the Philippines Visayas.

Kahit na masaya at proud naman ako na nahirang ang Lungsod Iloilo bilang City of Gastronomy ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), sa tingin ko mas angkop sana na idineklara itong City of Literature dahil sa malawak, malalim, at mahaba nitong kasaysayan sa panitikan. Ito ang lungsod na mayroong mga dakilang manunulat tulad nina Graciano Lopez Jaena, Magdalena Jalandoni, Ramon Muzones, Leoncio Deriada, at marami pang iba. Mahigit na isang siglo na kasaysayan ito. Mahirap tapatan.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here