By Jaime Babiera
Kamakailan ay pinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pamunuan ng noontime show na It’s Showtime matapos makatanggap ang kanilang ahensya ng ilang reklamo patungkol sa indecent acts na ’di umano’y ipinakita raw ng hosts na sina Vice Ganda at Ion Perez sa isa nitong episode. Nagpadala ang MTRCB ng Notice to Appear and Testify sa producers ng naturang palabas upang ipaliwanag ang isyung ito na ayon sa Board ay paglabag daw sa Section 3 [c] ng Presidential Decree No. 1986.
Nagsimula ng isang diskusyon sa social media ang pangyayaring ito. Mayroong ilan na pabor sa panig ng It’s Showtime at kumbinsidong wala naman silang nakikitang mali sa ikinilos ng mga host nito. Sa kabilang banda, mayroon namang sumasang-ayon sa naging aksyon ng MTRCB at naninindigan na ang gayong eksena ay hindi akmang ipalabas sa telebisyon. Iginagalang ko ang opinyon ng publiko hinggil sa usaping ito. Ngunit sa pagkakataong ito, balikan muna natin at siyasating maigi ang kabuuan ng nasabing eksena upang mas maunawaan pa natin ang kontrobersya sa likod ng episode na iyon.
Ang Isip Bata ay isa sa mga bagong contests ng It’s Showtime kung saan nakilala ang mga Batang Cute-po na sina Kulot, Argus, at Jaze. Simple lang ang mechanics ng patimpalak na ito. Babasahin ng host ang mga nakahandang katanungan gayundin ang mga kalakip nitong pagpipilian. Pagkatapos ay isasadula ng mga nakatalagang casts ang bawat letra sa choices nang sa gayon ay mas maunawaan ito ng mga contestants at Batang Cute-po. Pipili ang mga contestants ng napupusuan nilang letra. Maaari nilang pagbatayan ang mga kasagutan ng Batang Cute-po o ’di kaya ay ang sarili nilang palagay. Ang contestant na tumugma ang piniling letra sa kasagutan ng mga Madlang Kids ay siyang hihirangin na panalo.
Noong July 25 kung kailan umere ang inirereklamong eksena nina Vice Ganda at Ion, isa sa mga katanungan sa Isip Bata ay kung anong pagkain ang masarap simutin gamit ang daliri. Si Ion ang may hawak ng letrang D para sa aytem na icing ng cake. Kagaya ng ibang casts sa mga naunang letra, isinadula rin niya ito. Gamit ang kanyang daliri ay tinikman niya ang icing ng hawak niyang cake at ipinakita sa kanyang facial expression na masarap ito. Pagkatapos nito ay naudyukan ng ibang hosts si Vice Ganda na tikman din ang icing ng cake na hawak ni Ion. Kaagad nilapitan ni Ion si Vice Ganda at inialok ang kanyang daliri na mayroong icing. Bilang tugon, ipinasa ni Vice Ganda sa kanyang hintuturo ang icing mula sa daliri ni Ion at saka niya ito kinain pagkatapos bumati ng “Happy Monthsarry.” Naghiyawan ang mga tao sa studio habang ninanamnam ni Vice Ganda ang icing ng cake sa kanyang bibig. “Ang sarap… tamis… ganoon,” sambit niya.
Kung ako ang tatanungin, sa tingin ko ay hindi maituturing na “indecent acts” ang ikinilos na ito nina Vice Ganda at Ion. Una sa lahat, ang ekspresyon ng kanilang mukha habang kinakain ang icing ng cake ay pawang pagsasadula lamang ng nirerepresenta nilang aytem sa pagpipilian. Sa tingin ko ay hindi dapat natin ito bigyan ng malisyosong kahulugan. Pangalawa, wala silang binitawang masasama o mahahalay na salita. Para sa akin ay malinis ang mga dayalogo sa nasabing eksena at walang ipinapahiwatig na hindi angkop sa mga manonood. Pangatlo at panghuli, batid nina Vice Ganda at Ion ang kanilang limitasyon pagdating sa pagpapakita ng mga romantic gestures sa telebisyon. Kaya sa aking palagay ay hindi maituturing na kalabisan ang pagbati ni Vice Ganda ng “Happy Monthsarry” o ang pagdidikit ng kanilang daliri ni Ion. Hindi ito maihahalintulad sa ibang uri ng Public Display of Affection (PDA) na nangangailangan ng patnubay para sa mga batang manonood.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera