Investments

By Jaime Babiera

Ngayong lagda na lamang ni Pangulong Bongbong Marcos ang hinihintay upang opisyal nang maipatupad ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF), sa tingin ko ay napapanahon na gawing paksa ng ating talakayan ang pag-iinvest. Hayaan ninyo na sa pagkakataong ito ay ibahagi ko sa inyo ang ilan sa aking mga nalalaman patungkol dito. Paalala lamang na hindi ako eksperto at wala akong propesyunal na background sa larangang ito. Ang aking mga tatalakayin ay base lamang sa aking limitadong kaalaman at karanasan bilang isang ordinaryong mamamayan.

Namulat ako sa ideya na para yumaman tayo, kailangan nating mag-invest ng salapi. Ika nga ng karamihan ay dapat habang bata pa ay nagsisimula na tayong mag-invest para sa ating ating pagtanda ay malaki na ang halaga ng ipinuhunan nating pera. Naniniwala naman ako rito. Batid ko na ang salapi sa mga investments ay tumutubo sa paglipas ng panahon. Ngunit kalaunan nang magsimula akong magbasa ng ilang articles at manood ng samot-saring YouTube videos tungkol dito ay napagtanto ko na hindi pala basta-basta ang kumita ng pera sa pag-iinvest. Isa pala itong napaka-komplikadong disiplina. Kung mag-iinvest pala tayo nang walang sapat na kaalaman at hustong kasanayan sa framework at konsepto ng mga investment securities gaya ng stocks, mutual funds, bonds, at cryptocurrency ay may posibilidad na malugi tayo at mawala sa isang iglap ang inilagak nating pera.

Marami tayong dapat malaman at isaalang-alang sapagkat ang high-returns na malimit iniuugnay sa investment ay may mga risks na kaakibat. Tama ang inyong nabasa. Palaging may risks na nakabuntot sa lahat ng uri ng investments. Bagama’t totoong kumikita ang iniwan nating pera sa investment, may mga pagkakataon rin na maaaring bumaba ang value nito. Nakadepende ang performance ng ating ipinuhunang salapi sa maraming factors gaya ng ekonomiya, inflation, mga polisiyang ipinatutupad ng gobyerno, mga politikal na kaganapan sa ating bansa o sa buong mundo, at marami pang iba. Kaya madalas ay naririnig natin ang advice na ito: “Invest only what you can afford to lose.”

Mula nang magsimula akong mag-invest sa mutual funds noong 2019, itinuturing ko na ang aking sarili na isang conservative investor sapagkat sa kasalukuyan ay mas prayoridad ko na tustusan ang aking mga pangangailangan. Hindi ako naglalaan ng malaking halaga para sa investment. Tanging ’yung sobrang pera lamang mula sa aking sahod ang itinatabi ko at inihuhulog dito. Kaya kagaya ng karamihan ay hindi ako sumasang-ayon sa approval ng Maharlika Investment Fund (MIF). Nababahala ako na ang bilyon-bilyong pondo nito ay hindi magmumula sa surplus o sobrang kita ng ating bansa kundi sa budget mismo ng gobyerno at mga kontribusyon mula sa state-owned banks gaya ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Wala akong ekonomikong argumento upang detalyadong ipahayag ang aking mariing pagtutol sa naturang panukala dahil hindi ako eksperto pagdating dito. Gayunpaman, nais ko mag-iwan ng ilang mga katanungan sa mga mambabatas na nagsusulong nito. Una, kung sakaling malugi ang MIF ay nakasisiguro ba tayo na afford ng ating bansa na mawala ang lahat o ’di kaya ay ang malaking porsiyento ng ipinuhunan nating pera? Pangalawa, kung sakaling malugi ang MIF ay gaano kahanda ang ating gobyerno sa maaaring maging epekto nito sa ating bansa?

Nawa ang mga concerns na ito hinggil sa pagtatatag ng Maharlika Investment Fund ay makarating sa kinauukulan at mabigyan tayo ng konkretong kasagutan bago ito tuluyang pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos at opisyal na maipatupad sa ating bansa.

Email: jaime.babiera@yahoo.com