By John Iremil Teodoro
NAPASIGAW ako nang may naramdaman akong may kung anong dumapo sa kaliwang balikat ko. Agad ko itong pinalis at paglingon ko, nakita ko ang isang shrimp na kasinlaki ng aking hinliliit. Biglang nawala ang aking takot at napalitan ito ng pagkamangha sa ganda ng transparent na katawan ng hipon. Lumulublob ako sa hanggang dibdib na tubig sa Bantigue Sandbar at namamangha sa crystal clear na tubig at puting buhangin na maraming maliit na kabibe at nadurog na korales nang mangyari ito. At tumawa ako dahil naisip ko, Sirena ako kayâ siguro gin-welcome nitong shrimp. Pinapaabot lang ng lahat ng mga lamandagat ang mensaheng tuwang-tuwa sila sa aking pagbisita sa Gigantes Group of Islands sa northern Iloilo.
Ang island hopping activity na ito noong Biyernes, 22 Marso 2024, ay bahagi ng cultural tour ng the 12th KRITIKA La Salle National Workshop on Arts and Cultural Criticism na ginanap sa Estancia, Iloilo na inorganisa ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ng De La Salle University sa pagkikipagtulungan ng College of Education ng Northern Iloilo State University (NISU). Ang lakbay-aral na ito ay sponsored ng opisina ni NISU President Dr. Bobby Gerardo na nakatataba ng puso ang suporta sa KRITIKA 12.
Isla Gigantes ang tawag sa dalawang magkatabing isla dahil mula sa kalayuan ay hugis higante sila na nakahiga at napapalibutan ng ilan pang maliliit na isla. Ayon sa alamat na nabasa ko sa librong Mga Ginto sa Iloilo: Ilonggo Folklore (Malones Printing Press and Publishing House, 2022 edition) ni Felicisima Torres Campos, dating dean ko sa College of Education ng University of San Agustin sa Lungsod Iloilo, may isang higante na taga-Carles na ang pangalan ay si Higante Tay-og. Ang “tay-og” ay salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay ugâ o earth shaking. Nagatay-og kasi ang paligid kapag naglalakad siya.
Na-in love si Tay-og sa isang magandang dalaga na isang prinsesa. Niligawan niya ito hanggang sa magkasundo silang magpakasal. Bilang preparasyon, nangalap ng mga prutas at iba pang mga handa ang higante. Subalit inatake ng mga piratang nakasakay sa mga paraw ang kanilang lugar sa besperas ng kanilang kasal. Nakidnap ang magandang prinsesa at sinaksak siya ng balaraw ng isa sa mga pirata. Napatay naman lahat ni Tay-og ang mga lapastangang umatake sa kanila subalit hindi niya nailigtas ang dalagang pinakamamahal niya. Sa galit ay nagwala siya at inihagis sa dagat ang mga pagkaing inihanda niya para sa kasal pati na ang mga regalo at ang mga susuotin nila sa kanilang kasal. Naging isla ang mga ito.
Kayâ nagkaroon ng mga isla roon sa Gigantes Group of Islands na ang pangalan ay Isla Sapatos Diutay (Isla Sapatos Maliit) at Isla Sapatos Daku (Isla Sapatos Malaki) dahil mga itinapong sapatos ito ng prinsesa at ng higante. Ang mga binigkis na kogon naman ay naging Isla Sicogon. Ang isang islang binisita namin, ang Isla Cabugao Gamay, ay ang kabugaw o pomelo na maliit. Ito ang isla na sikat sa Instagram dahil sa mga naka-post na larawan mula sa burol na bato na kita ang white sand beach at malinis na dagat. Sa tapat nito ang mas malaking isla na Isla Cabugao Daku.
Dahil hindi talaga makapag-move on si Higante Tay-og, nagpatiwakal siya. Hinati niya ng binangon o itak ang kaniyang katawan at hinagis din sa dagat na naging Isla Gigantes Sur at Isla Gigantes Norte. Napaka-gory na kuwento para sa grupo ng mga isla sa Visayan Sea na ubod nang ganda ang mga dalampasigan. Para sa mas buong kuwento ng alamat (at iba pang mga alamat ng mga lugar sa Iloilo) magandang basahin ang libro ni Ma’am Fely Campos.
Ang pinakatumatak sa akin bilang manunulat at kritiko ay ang pagbisita namin sa Brgy. Gabi, Isla Gigantes Sur, Carles. Napaangkas uli ako sa motorsiklo dahil ito lang ang mode of transportation sa isla. “Buwis buhay” ang tawag naming mga taga-La Salle at mga taga-Manila. Huli ko itong ginawa nang magbigay ako ng workshop sa mga guro ng Isla Capul sa Samar para sa Komisyon sa Wikang Filipino maraming taon na ang nakalilipas. Mula sa daungan ng isla ay nagmotor kami papunta sa Barangay Hall upang mag-courtesy call kay Barangay Captain Mateo Solon at sa mga kasama niyang opisyales ng barangay. Doon sa aming pakikipagtalakayan sa kanila nalaman namin na maraming ongoing community outreach at research projects doon ang mga faculty ng NISU.
Mula barangay hall ay naglakad kami papunta sa komunidad ng mga mangingisdang ang kabuhayan ay scallops. Amoy na amoy namin ang scallops doon na nililinis ng mga tao at inihahanda upang balutin para maibenta sa Panay mainland at hanggang sa Metro Manila. Bundok-bundok ang mga shell doon ng scallops! Kung hindi lang bawal ay talagang magdadala ako ng isang sako rito sa Antique. Nagkaroon tuloy ako ng idea ng isang book project. Gusto kong magsulat tungkol sa industriya ng scallops. Pero magbababad muna ako sa lugar. Ito ang natutuhan ko sa mga sesyon namin sa KRITIKA: ang halaga ng ethnography. Isang mahabang proyekto ito dahil gusto kong maobserbahan, maranasan, at maintindihan ang mga aspekto ng industriya ng scallops. Gusto kong isulat ang mga kuwento nila na walang paghuhusga bagkos ay hanapan ng something hopeful at redemptive ang industriyang ito.
Nanghahapdi na ang balat sa aking mga balikat habang nagbibiyahe kami pabalik ng piyer sa bayan ng Carles. Mabuti na lang at may dalang sunblock lotion si Manang Gilda (Dean Gilda Evangelista Deguma ng College of Educatio ng NISU) na katabi namin sa bangka ni Roland (Dr. Rolando Tolentino na siyang kasalukuyang Vice President for Public Affairs ng University of the Philippines, na siyang KRITIKA Workshop Director) at binibigyan niya kami nito. Dalawang beses kong nalagyan ang aking mukha, mga braso, at legs kayâ umitim lang ang mga ito ngunit hindi na-sunburn. Pero nakalimutan kong lagyan ang aking mga balikat at likod.
Pagod man at may sunburn, umaapaw ang saya at pasasalamat sa aking kasingkasing. Maganda talaga ang Panay, maganda talaga ang Filipinas. Pero siyempre naiisip ko pa rin ang mga mangingisda at nagtatrabaho (lalo na ang mga bata) sa industriya ng scallops sa Barangay Gabi. Sa malalim na bahagi pala ito ng dagat kinukuha na kailangan pang gumamit ng air compressor ang mga sumisisid nito. May long term health effect sa bagà ang paggamit ng air compressor. Sabi sa akin ni Manang Gilda, ang mga simentadong bahay na nakita namin sa isla ay katas iyon ng scallops.
Memorable din sa akin ang pagligo namin kahit panandalian lamang sa Tangke, ang salt-water lagoon sa Isla Gigantes Sur na napapalibutan ng limestone cliffs o karst. May mga unggoy din doon. Hindi hamak na mas maliit ito kaysa sikat na lagoon sa El Nido, Palawan pero mas prestine naman ito. Iniimadyin ko na mas masarap sigurong maligo roon na nag-iisa. Pero naiisip ko rin, sana huwag maging El Nido ang Gigantes Group of Islands. Over-developed na ang El Nido at hindi nakakaganda ang halos di-kontroladong turismo sa lugar sa kapaligiran nito. Nang pumunta ako sa El Nido bilang environmental journalist noong 1999, tahimik at maluwag pa ang town proper. Ngayon punô na ng mga hotel ang dalampasigan nito.
Nag-uumpisa na ring sumikat ang Gigantes bilang tourist destination. May maayos na nga silang tourist center sa piyer ng bayan ng Carles (at makukulit na rin ang mga nagtitinda ng sombrero at souvenir items) at organisado na ang mga panturistang pumpboat. Pero sana mapangalagaan ang pagka-prestine ng lugar. Sana hindi sila matulad sa mga nangyari sa mga sikat na isla natin tulad ng Boracay, at mga isla sa Puerto Princesa at El Nido sa Palawan. Mahirap talagang balansehin ang pangangailangang kumita dahil sa turismo at ang pangangalaga sa kapaligiran ng lugar na dinadayo ng mga turista. Ibayong pag-uusap at pagpaplano ng mga stakeholder ang kailangan sa tulong ng mga eksperto sa eco-tourism.
Babalik ako sa Gigantes Group of Islands. Sabi nga ni Kapitan Solon, balik-balik lang kami. Nang sinabi nga sa kaniya ni Manang Gilda na gusto kong bumalik doon sa Isla Gigantes Sur para mag-obserba ng kanilang pamumuhay at magsulat tungkol dito, pabiro niyang sinabi na gawin daw nila akong “adopted resident” ng Barangay Gabi. Not a bad idea para sa isang kataw na katulad ko. After all, ako ang Panay Sirena.