Kilometro Zero

Ni John Iremil Teodoro

DAHIL nga dumating na ang katapusan ng aking sabbatical leave, isang taong bakasyon na patuloy ang suweldo, bumalik na ako rito sa Manila noong Martes, Agosto 27. Setyembre 2, Lunes, kasi ang unang araw ng klase ng unang trimester namin dito sa De La Salle University sa Taft Avenue.

Sa eroplano mula Lungsod Bacolod kung saan kami ng partner kong si Jay lumipad noong Huwebes, mixed emotions ako. Totohanan na kasing magtatapos na ang aking sabbatical leave. Maghihintay uli ako ng pitong taon para sa susunod na isang taong bakasyon. Magpi-51 ako sa darating na Nobyembre. Sa edad na 58 na uli ako mapag-sabbatical leave. Baka hindi ko na mahintay dahil ang goal ko ngayon ay ang mag-early retirement para makauwi na sa Antique for good. Puwede naman akong magturo sa Antique. Maaari akong mag-apply sa University of Antique o sa St. Anthony’s College. Kayâ kailangan kong paigtingin ang aking pag-iipon ng pera simula ngayon.

Birthday ng aking La Salle BFF na si Ronald, ang aking minamahal na Ateng, noong Sabado at nag-staycation kami sa Rizal Park Hotel sa Luneta. Kinunan niya kami ni Jay ng kuwarto sa magandang hotel na ito na dating Army Navy Club Building kayâ neo-classical ang arkitektura. Dinisenyo ito ng Americanong si William Parsons bilang bahagi ng plano ni Daniel Burnham para sa lungsod ng Manila. Binuksan ito noong 1911 at naging hotel noong 2017. Malapit ito sa paborito kong Manila Hotel.

Alam ko namang nasa Luneta Park ang Kilometro Zero pero noong Sabado ko lang ito napansin, nahawakan, at nakapagpalitrado na katabi ang bato o simento kung saan nakasulat ito. Nasa tabingkalsada ito sa kabila ng monumento ni Jose Rizal kung nakaharap ka sa dagat sa bungad ng Quirino Grandstand. Itinuro sa akin ito ni Jay habang nagwo-walking kami.

Magandang metapora ang Kilometro Zero para sa pagtatapos ng aking sabbatical leave. Gala kasi kami nang gala ni Jay. Nakatatlong biyahe rin ako abroad: sa Bali, Indonesia kasama si Ronald noong Oktubre 2023; sa Thailand bilang Visiting Scholar sa Mahidol University sa loob ng isang buwan noong Abril ng taong ito; at isang buwan at kalahating bakasyon kina Mimi sa Sweden nitong Hunyo at Hulyo lamang.

Excited na rin akong magturo muli. Tatlong klase ang nakatoka sa akin ngayon. Isang elective course na Swedish Literature, Creative Nonfiction Workshop, at Art Appreciation. Nasa Sweden ako nang pag-usapan namin sa Messenger chat ng Vice Chair ng aming Departamento ang pag-offer ng elective course on Swedish Literature. Tinanong kasi niya ako kung anong elective course ang gusto kong ituro pagbalik ko. Noon kasi nagtuturo ako ng Visayan Literature o Indigenous Philippine Arts. Pero dahil nasa Sweden ako nang tinanong ako at pataas nang pataas ang mga tambak ng libro sa writing table ko sa Sirenahus, naisip ko na magturo na ng Swedish Literature. First time ito sa La Salle na ituturo ang Swedish Literature.

Tila nananadya ang panahon. Walang pasok ngayong araw ng Martes simula pa kahapon dahil sa Bagyong Enteng at sa matinding pag-ulan dahil sa habagat. Nasa Bicol Region at Northern Luzon naman ang bagyo subalit hinahatak nito ang hanging habagat. Maraming area sa Metro Manila ang binabaha. Buti at online classes lang ako ngayong Lunes at Martes. Sa Huwebes at Biyernes ako may face to face classes at sana okey na ang panahon sa mga araw na iyon. Atat na atat na akong magturo!

Ngayong linggo rin ang unang anibersaryo ng kolum kong ito, ang “Panay Sirena.” September 6, 2023 nalathala ang unang artikulo ko na “Plastic Free Panay.” Ang bilis ng panahon! Iko-compile ko na sa isang libro ang 55 na mga sanaysay (Kasama na ang sanaysay na ito) ko sa kolum na ito sa nakaraang taon. Ang pamagat ko para sa librong ito ay #sabbatical_ng_sirena na sasamahan ko ng isang kritikal na introduksiyon tungkol sa “ang pagkokolum bilang dayari.” Noong una hindi ko naman sinasadya na maging parang talaarawan ang “Panay Sirena.” Ang iniisip ko noon, magsusulat ako tungkol sa iba’t ibang isyu (literatura, politika, kapaligiran) na pambansa subalit lagi ko itong ikokonekta sa Panay o sa pagiging Panaynon ko. Pero dahil nga naka-sabbatical leave ako at gala nang gala, nagmistula talagang dayari ko ang aking kolum.

Dapat 53 na sanaysay plus one lang sana dahil may 53 weeks lang naman ang isang taon. Kaso noong nasa Thailand ako, inimbitahan ako ng editor ko sa Daily Guardian na si Francis Allan Angelo na magsulat tungkol sa halaga ng community press para sa 23rd Anniversary Supplement ng aming diyaryo. Sa sanaysay na ito ibinahagi ko ang mga naging karanasan ko bilang community journalist sa Palawan noong editor ako ng diyaryong Bandillo ng Palawan – Edisyong Filipino.

Sa ikalawang taon ng “Panay Sirena,” iniisip kong baguhin ang mga nilalaman ng kolum na ito. Bakâ mas tungkol na sa mga libro at mga manunulat, lalo na ang mga libro at manunulat ng Isla Panay. Pero siyempre iniisip ko lang ang pagbabagong ito. Kung minsan, parang may sariling buhay ang mga writing project ko at kung saan-saan nila ako dinadala. Ang sigurado lang ako, hindi ko na magagamit ang #sabbatical_ng_sirena sa pag-post ko ng link ng mga susunod kong sanaysay.

Nitong nagdaang sabbatical leave ko, kung saan-saan ako nakarating at kung minsan libo-libong kilometro ang layo mula sa Kilometro Zero ng Filipinas. Nagkataon na dito ako nagtatrabaho sa lungsod ng Manila at nandito ang Kilometro Zero. Ang pinakamimithi ko sa ngayon ay sana sa mas madaling panahon sa Maybato na ang sarili kong Kilometro Zero.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.