By John Iremil Teodoro
MASAYA na magulo na maingay ang Krismas namin dito sa Maybato ngayong taon at dahil dito punô ng papuri at pasasalamat sa Poong Maykapal ang aking kasingkasing.
Noong nakaraang taon, dalawa lang kami ng partner kong si Jay ang nag-Pasko rito sa bahay. Bilang protesta, hindi kami nagluto ng kahit ano para sa Noche Buena dahil tumaas ang presyo ng lahat ng “noche buena items” at tag-PhP650 ang kilo ng sibuyas dito sa Robinsons Antique noon. Bumili lang kami ng wine at ng cake sa New China Bakery, local neighborhood bakery dito sa San Jose de Buenavista, na ang nakalagay ay “Happy birthday, Jesus.” Masaya kami dahil feeling namin naisahan namin ang kapitalistang sistema ng Christmas celebration. Iwas gastos, iwas pagod, at iwas calories. Win win win situation kumbaga.
Pero ngayong Pasko nandito sina Mimi, Evert John, at Sunshine. Siyempre si Sunshine ang pabida sa kusina kung kayâ medyo marami kaming handa. Dumating naman ang balikbayan box na pinadala ni Mimi mula Sweden two weeks ago at may ilang bote ng vodka at box ng red wine. Nakamamangha na hindi nabasag ang mga ito! Kayâ bongga ang kainan at inuman dito sa bahay. Labas-masok sa geyt namin ang mga barkada nina Mimi at Sunshine na na-miss sila kasi ngayong lang uli sila nakauwi.
Noong Linggo, besperas na Pasko, binisita kami ni Fr. Vic Baguna na siyang parish priest ng bayan ng Hamtic. Ilang buwan pa lamang siyang nakauwi mula sa limang taong misyon niya sa Estados Unidos. Si Fr. Vic ang BFF na pari ni Nanay. Batang pari pa siya noon at palagi siyang nandito sa bahay namin. Blessed talaga kami sa kaniyang pagbisita. Nangako siyang babalik at dadalhin kami sa beach house niya sa Anini-y na walking distance lang sa lupa namin ni Jay sa Casay na sakop din ng bayan ng Anini-y.
Gaya noong nakaraang Pasko, bumili rin kami ni Jay ni maraming kendi at cookies na binalot namin sa mga maliit na Christmas loot bag. Ito ang ipinamimigay namin sa mga batang nangangaroling at pati na rin sa mga batang kamag-anak na pumupunta rito sa bahay tuwing Pasko para magmano. Simpleng pamasko lang. Ang mahalaga sa amin, hindi aalis na walang bitbit ang mga batang bisita.
Hindi nga lang kami sumali sa Christmas Party ng barangay namin ngayon dahil hindi kaya nina Mimi at Evert John ang init ng Pinas. Communal lunch kasi ito sa basketball court. Naghahanda ang kada purok. Kung gusto mong kumain, magdala ka sa ng sarili mong pinggan at kubyertos. Pot luck din ito. Ambagan galore. Noong Linggo, humingi ang purok lider namin ng isang malaking langka mula sa lupa ni Tita Nening. Para daw ito sa KBL na lulutuin nila para sa party. Itong langka na ang kontribusyon namin.
Medyo nabawasan ang oras namin ni Jay para sa aming hardin. Bukod sa naging yayabels kami ni Evert John, naging official photographer at assistant cook din ni Sunshine si Jay. Ako chill lang. Financier lang ang peg. Dukot nang dukot sa Michael Kors kong wallet. Pasalubong siyempre ni Mimi ang wallet na ito noong huli niyang bakasyon bago mag-pandemic. Labag sa prinsipyo ko sa buhay ang bumili ng signature goods, unless sa ukay-ukay ko ito mahanap. Kung ano man mamahaling bagay na mayroon ako, bigay ang ito ng mga kapatid ko.
Gumaganda na talaga ang aming hardin. Tapos na ang koi pond at paborito kong magkape sa harap nito, habang tulog pa sina Evert John, kung umaga. Ang mga orange na Vietnam rose na hiningi namin sa hardin ng Canvas Inn sa Boracay ay namumulaklak na. Yellow lang kasi ang meron kami kayâ humingi kami ni Jay doon sa resort. Madali lang naman talagang itanim ito. Humingi rin kami doon ng isang sanga ng kalatsutsing pula. Sana mabuhay ito at lumago. Ang santan namin, mamumulaklak na. Namulaklak na rin ang Singaporean bougainvillea namin. Ang mga burgundy at dilaw na cosmos may mga bulaklak na rin. Ang mga periwinkle naman, lalong bumubongga ang pamumulaklak!
Aaminin ko, na-deplete ang savings ko ngayong Christmas break dahil simula noong Setyembre, pag-umpisa ng sabbatical leave ko, pinaayos ko ang ancestral house namin. Marami pa ang dapat ayusin pero maganda na uli ito. Nai-impress ang mga kamag-anak at mga kakilala naming bumibisita na nakita kung paano napabayaan ang bahay na ito noon. Tapos travel pa kami nang travel na Jay. Pero masaya ako. Masaya ang mga kapatid ko na gumanda at kumportable na ang bahay na minana namin sa aming mga magulang.
Ipinapanalangin ko na sana sa mga susunod na Krismas dito pa rin kami sa bahay magsi-celebrate ng mga kapatid at pamangkin ko. Siguro sa susunod mas malaki na si Evert John at hindi na kakalat ang mga laruang sasakyan sa sala. Sana makauwi rin sina Juliet at Jonas, ang banang Swedish ni Mimi. At sana magkataong bakasyon ni Gary. Sisikapin kong mas pagandahin pa at mas kumportable ang bahay namin.
Naiisip ko rin, after five years dapat tapos na ang Hardin Milagros sa Aningalan. Mas maganda kung nandoon kami sa Christmas vacation kapag nandirito ang mga Swedish. Hirap na hirap kasi sila sa init dito sa Maybato. Si Mimi nagrereklamo na palagi siyang nanlalagkit sa pawis. Mabuti nga si Evert John nakapag-adjust na. Siyempre pawisan pa rin siya the whole day lalo na’t takbo siya nang takbo sa labas. Pinipigilan lang namin siyang lumabas sa hardin kapag mainit na ang sikat ng araw dahil baka ma-sunburn. May dala naman silang sunscreen lotion pero ayaw niya kapag pinapahiran siya nito. Kapag naiinitan na siya, pumupula ang kaniyang pisngi at lalo siyang nagiging guwapo!
Masaya kaming magkakapatid ngayong Pasko. Masaya kami dahil nagkakaisa kami. Hindi tulad ng ibang mga kakilala namin na sa pagkamatay ng kanilang mga magulang, nagkakaroon sila ng mga isyu hinggil sa mana. Salamat sa Diyos at wala kaming isyung ganitong magkakapatid. Nasisiguro kong tuwang-tuwa na nanonood at nababantay sa amin mula sa langit sina Tatay, Nanay, at Tita Nening.
Sabi ko nga sa mga kapatid ko, hayaan na namin ang mga kamag-anak at mga kaibigan (daw) na naiinggit at nagapanghikaw sa amin, pati na rin ang mga interesado at gustong agawin o makihati sa mga minana namin. Materyal na bagay lang ‘yan. May Diyos na nakikita ang lahat ng nangyayari. Diyos ng katotohanan at katarungan. Magpapuri at magpasalamat na lamang kami sa Poong Maykapal sa lahat ng biyayang ipinagkaloob sa amin. Dapat mas bigyan namin ng halaga ang pagpalangga namin sa isa’t isa dahil mas higit na mahalaga ito kaysa ano mang yaman sa mundo.
Ang Diyos ng aming mga magulang ay Diyos ng pag-ibig. Ang Krismas ay selebrasyon nang kapanganakan ni Hesukristo, ang Diyos na naging tao upang isalba sa kasamaan ang kalibutan. Kumakain man o nag-iinuman o nagsasayawan, ito ang huwag dapat kalimutan. Ang Pasko ay birthday ni Hesus. Ang Pasko ay tungkol kay Hesus at nakiki-celebrate lamang tayong mga tao upang mas maging tao tayo.
Kakaunti nga ang laman ng pitaka ko ngayong Pasko pero umaapaw naman ang ligaya sa kaheta ng aking puso.