By John Iremil Teodoro
MISTULANG nagbabagang malaking sandiya ang araw na dahan-dahang umaakyat mula sa pagitan ng dalawang mababang burol ng Isla Loginot, isa sa mga isla sa Visayan Sea, habang inaantok pa ang dagat sa mga umaga ngayong tag-araw. Maaga akong nagigising, kayâ naabutan ko ang sunrise at nakikita mula sa malaking bintana ng kuwarto namin ng partner kong si Jay dito sa Poon Beach Club sa bayan ng Estancia sa northern Iloilo. Sa unang umaga namin dito, ginigising ko si Jay na tingnan ang sunrise subalit ayaw niyang magising. Hating-gabi kasi siya natutulog at masyadong maaga ang quarter to six para sa kaniya.
Nandito kami sa Estancia dahil panelist ako sa The 12th KRITIKA La Salle National Workshop on Art and Cultural Criticism at volunteer official photographer naman si Jay. (Nag-donate ng ng workshop tote bags ang Sirena Books na pag-aari naming.) Ang KRITIKA ay taunang cultural at literary criticism na inoorganisa ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) ng De La Salle University. Ngayong taon, ginaganap ito mula Marso 17 hanggang 23 dito sa Estancia sa pakikipagtulungan ng Northern Iloilo State University (NISU) sa pamamagitan ng opisina ng Vice President of Academic Affairs at ng College of Education.
Ang labindalawang fellows ng KRITIKA 12 ay ang mga sumusunod at ang mga paksa ng isinumite nilang papel: John Andrianfer Atienza (Political Cinema), Paterno B. Baloloy, Jr. (Indigenous Cultural Studies), Trisha Mafe Concepcion (Art Spaces in the Global South), Ma. Cecilia de la Rosa (Indigenous Protest Song), Amiel Jansen Demetrial (Death Studies and Cultural Studies), Deidre Morales (Adaptation and Translation Studies), Ian Mark Nobalvos (Eastern Visayan Cultural History), Alessandro Kennz Nioda (Mindanao Queer Cinema), Jonah Leigh Ramos (Literature and Urban Studies), Mark Louie Tabunan (Ilocano Literature and Martial Law), China Patricia Villanueva (Documentary Cinema and Disinformation), at Maria Anjelica Wong (Western Visayan Ecopoetry).
Ang kritiko at manunulat na si Dr. Rolando Tolentino ang Workshop Director ng KRITIKA. BNSCWC Associate for Literary Criticism siya. Propesor siya ng University of the Philippines Film Institute at dating dekano ng UP College of Mass Communication. Ang Deputy Workshop Director naman ay si Dr. Carlos Piocos III, makata at kritiko na propesor sa Departamento ng Literatura sa La Salle. Ang iba pang mga panelist ngayong taon ay sina Dr. Isidoro Cruz (University of San Agustin at University of the Philipines Visayas), Dr. Analyn Salvador-Amores (University of the Philippines Baguio), Dr. Clarissa Militante (DLSU), Dr. Jazmin Llana (DLSU), Dr. Anne Frances Sangil (DLSU), Prof. Lisa Ito-Tapang (UP Diliman), Dr. Ronald Baytan (DLSU), at itong inyong Sirena.
Unang isinagawa ang KRITIKA workshop noong 2022 sa University of St. La Salle sa Lungsod Bacolod sa ilalim ng pamumuno ng kritiko at mandudulang si Dr. Isagani R. Cruz na siyang founding director nito. Gusto kasi ni Dr. Cruz na magkaroon ng palihan para sa mga bata o nagsisimulang kritiko. Sa kaniyang mga libro ginagamit niya ang salitang “Kritika” upang tukuyin ang iba’t ibang klase ng kritisismo mula literary and cultural criticism, kasama na ang mga simpleng pamumuna (reviews) at mga pagmumuni-muni hinggil sa sining at kultura.
Pangatlong taon ko na ngayon bilang panelist sa KRITIKA at natutuwa ako kasi marami akong natutuhan bilang manunulat at kritiko sa aking pakikinig at pakikipagtalakayan sa mga kapuwa panelist at sa mga fellow kada workshop. Tulad na lamang sa Opening Progam noong Lunes, Marso 17, sa pagpapakilala sa aming sarili bilang mga panelist, inilalatag namin ang aming pinanggagalingan at pinaninindigan bilang kritiko at bilang panelist. Ano-ano ba ang mga basehan namin sa pagkritik ng mga critical paper? Karamihan sa mga panelist ay matagal ko na rin namang kaibigan o kasama sa mga palihan at kilala ko naman sila bilang mga kritiko at manunulat. Pamilyar ako sa mga idea nila pero sa muling pakikinig ko sa kanila dito sa Estancia noong Lunes, parang marami uli akong natutuhan sa kanila.
Katulad na lamang kay Ateng, si Dr. Baytan. May magandang acronym siya para sa mga paalala at inaasahan niya mula sa mga fellow: ARCS. “A” para sa attitude. Dapat bukás ang puso’t isipan na makinig at matuto mula sa mga panelist at co-fellows. “R” para sa rigor bilang iskolar. Dapat masipag mag-research at magbasa. Bawal careless, dapat masinop. “C” para sa clarity ng pagsulat ng critical paper. Huwag daananin sa pagiging “jargonic.” Kailangang klaro din ang pagkaintindi sa ginagamit na teorya at sa pagpapaliwanag nito sa konteksto ng partikular na critical paper. At “S” para sa self-reflexivity na ang ibig sabihin ipaliwanag nang mabuti ang subject positioning bilang kritiko. Maipapaliwanag dapat ang tanong na, “Where are you coming from as a critic?”
Medyo nostalgic ang dating sa akin ng Opening Remarks ni Dr. Gilda Evangelista Deguma, ang dekana ng College of Education ng NISU, nang sinabi niyang “realization of a dream” itong KRITIKA sa Estancia ngayon. Ako kasi ang BNSCWC Director noong nakaraang taong akademiko nang umpisahan naming planuhin at ayusin ang pag-host nila sa NISU ng KRITIKA. Gusto kasi niyang magkaroon ng collaborative project ang NISU at DLSU. Nang mag-sabbatical leave ako noong Setymbre, si Dr. Militante ang pumalit sa akin bilang direktor at nag-finalize ng mga detalye para maisakatuparan ang KRITIKA dito sa NISU.
Hanggang ngayon kahit na may mga edad na kami, Manang Gilda pa rin ang tawag ko kay Dr. Deguma. Magkasama kasi kami sa University of San Agustin Publications noong mga estudyante pa kami sa Lungsod Iloilo. Education major siya at B.S. Biology student naman ako. Nang pumasok ako bilang staff ng The Augustinian at The Augustinian Mirror noong first year college ako early 1990s, third year college na si Manang Gilda at Associate Editor na siya. Kalaunan, nang itinatag ko ang Mirror Poetry Guild kasama sina Melecio Turao, Isidoro Cruz, at John Carlo Tiampong, sumapi siya sa amin. Kami ang grupo ng mga manunulat sa San Agustin na binibista ni Leoncio P. Deriada upang i-writing workshop. Sabi nga ni Manang Gilda sa kaniyang Opening Remarks, itong KRITIKA sa Estancia ngayon ay parang reunion ng aming Mirror Poetry Guild.
Salamat sa Northern Iloilo State University sa pag-host ng KRITIKA 2024 lalo na sa kanilang University President, Dr. Bobby Gerardo, at sa kanilang Vice President for Academic Affairs, Dr. Jomartin Limson na sumalubong sa aming pagdating noong Linggo. Salamat din sa kanilang Vice President for Administration and Finance, Dr. Ma. Theresa G. Palmares. At lalong higit na salamat kay Manang Gilda na matagal na akong kinukulit na dapat magkaroon ng collaborative project ang kaniyang opisina at ang opisina ko.
Maganda ang Paon Beach Club bilang venue. Masagana at masarap din ang pagkain. Seafood galore siyempre dahil nga bagsakan ng seafood ang fishing port ng Estancia mula sa iba’t ibang isla ng Kabisayaan. Ang Estancia talaga ang tunay na seafood capital ng Isla Panay. Sabi ko nga sa mga kasamahan ko La Salle bago sila pumunta ng Estancia, ihanda nila ang kanilang tiyan dahil ibang levels magpakain sina Manang Gilda.
Ang problema ko lang sa venue, masyadong maganda ang view ng kalmadang dagat na maraming bangka at ang background ay mga isla sa di-kalayuan. Nakaka-distract! Kung minsan natutulala ako habang nagwo-workshop dahil nga sigurong Sirena akong gusto nang lumangoy sa hardin ng mga korales. Well, happy problem ito at hindi ako nagrereklamo.