KRITIKA sa Roxas City

By John Iremil Teodoro

MATAGUMPAY na naisagawa ang The 13th KRITIKA La Salle National Workshop on Art and Cultural Criticism sa Roxas City sa lalawigan ng Capiz noong Marso 23 hanggang 30, 2025. Maraming salamat sa Roxas City Government at sa Roxas City Council sa pag-sponsor ng tirahan, pagkain, at cultural tour para sa labindalawang fellows na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas, siyam na mga panelist, at tatlong staff.

Bilang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) ng De La Salle University, lubos akong nagpapasalamat kay Roxas City Mayor Ronnie Dadivas. Sana marami pang city mayor sa Filipinas ang bukás din ang loob na suportahan ang mga gawaing panliteratura at pangkultura katulad ng KRITIKA Workshop. Maraming salamat din siyempre sa kaibigan kong si Bryan Mari Argos, isang Palanca awardee, na siyang nag-coordinate ng mga bagay-bagay sa Lungsod Roxas dahil direkta kaming nakikipag-ugnayan sa Roxas City Tourism Office at siya ang City Tourism Officer at siya rin ang secretary ng Local School Board.

Perpekto ang San Antonio Resort sa Baybay, Roxas City bilang venue. Isang malawak na hardin kasi ito at maraming punongkahoy at halaman. Paborito ko itong tirahan kapag bumisita ako sa Roxas City. Medyo nasasayangan nga ako na hindi ako nakapag-swimming sa swimming pool at dagat dahil tight ang schedule ng aming workshop.

Nakatanggap ngayong taon ang BNSCWC ng 47 na aplikasyon para sa KRITIKA. Narito ang labindalawang fellows na napili at ang mga unibersidad kung saan sila nag-aaral o nagtuturo, at ang mga affiliation nila: Jenno Roquero (De La Salle University / Manresa School, Hijas de Jesus), Abigail James (De La Salle University / Xavier University – Ateneo de Cagayan), Kelly Camille Alair (Xavier University – Ateneo de Cagayan), DJ Ellamil (Polytechnic University of the Philippines / University of the Philippines, Diliman / National Museum), Eva Cuenza (University of the Philippines, Diliman), Ivan Emil Labayne (University of the Philippines, Diliman & Los Baños), Harvey Castillo (University of Santo Tomas / University of the Philippines, Diliman / Ateneo de Manila University), Jan Marvin Goh (De La Salle University / University of Macau / University of Santo Tomas), Reya Mari Veloso (University of the Philippines, Los Baños), Zarah Meneses (Xavier University – Ateneo de Cagayan / Cebu Normal University), Thomas Leonard Shaw (University of the Philippines, Diliman), at Angela Nicole Mistranza (University of the Philippines, Diliman / Cultural Center of the Philippines).

Pinamumunuan naman ni Rolando Tolentino ng UP Diliman ang palihan bilang Workshop Director. Bilang isang Lasalista, Associate for Literary Criticism si Roland ng BNSCWC. Katuwang niya si Carlos Piocos III bilang Deputy Workshop Director. Si Caloy ay kasalukuyang Chair namin sa Department of Literature sa DLSU. Ang iba pang mga panelist ay sina Ronald Baytan, Isidoro Cruz, Jazmin Llana, Lisa Ito-Tapang, Anne Frances Sangil, Jose Kervin Cesar Calabias, at ang inyong lingkod. Laging mayaman at malalim ang talakayan sa mga sesyon ng KRITIKA. Ako mismo ay maraming natutuhan pagdating sa pagsulat ng kritikal na sanaysay.

Bahagi na ng KRITIKA Workshop ang pagkakaroon ng Public Lecture bilang community outreach component nito. Noong Marso 26, Miyekoles, nagkaroon ng lektura sa College of St. John – Roxas na isa ring Lasallian school. Tampok ang mga Full Professor naming kasamahan sa Department of Literature na sina Dinah Roma at Jazmin Llana. Nagbahagi si Dinah ng kaniyang karanasan kung paano niya nasulat ang kaniyang librong Weaving Basey: A Poet’s History of Home samantalang ibinahagi naman ni Jazmin ang kaniyang pananaliksik hinggil sa Escalante massacre reenactments gamit ang lente ng performance studies. Dinaluhan ito ng mga estudyante at guro mula sa iba’t ibang higher education institutions sa Roxas City. Salamat kina Dr. Joey Arroyo, ang President at Chancellor ng St. John College, at kay Ms. Lalaine Luza na siyang Vice Chancellor for Administrative Services. Si Lalaine ay personal kong kakilala dahil noong sinusulat ko ang aking disertasyon tungkol sa mga babaeng manunulat sa Hiligaynon, nainterbyu ko silang magkakapatid tungkol sa yumao nilang ina na si Ismaelita Floro-Luza, na isang prolific na manunulat sa Hiligaynon at taga-Roxas City.

May cultural tour naman noong Sabado sa ikaanim at panghuling araw ng palihan. Kasama siyempre sa tour ay ang pagbisita sa pinakamalaking lingganay sa Timog-Silangang Asya na matatagpuan sa Pan-ay Church sa katabing bayan ng Pan-ay. Bumisita rin kami sa pagawaan ng Capiz shells at sa Ang Panublion: The Roxas City Museum. Dumaan din kami sa Banica Dried Fish Market at marami sa amin ang bumili ng pampasalubong sa daing.

Ang KRITIKA Workshop ay isa sa limang taunang palihan na isinasagawa ng BNSCWC. Nariyan ang IYAS La Salle National Writers’ Workshop na ang BNSCWC ay katuwang ng University of St. La Salle, Bacolod. Nasa ika-24 na taon na ito ngayon. Nariyan din ang La Salle National Creative Nonfiction Writers’ Workshop for Healthcare Professionals. Nasa ikalimang taon na ito ngayon. Inumpisahan ito noong panahon ng pandemya upang makatulong sa mga doktor na masyadong stressed sa trabaho nila. Kalaunan ay binuksan na ito sa iba pang mga nagtatrabaho sa health sectors. Nariyan din ang Luntiang Palihan na para sa mga estudyanteng manunulat sa Filipino at iba pang katutubong wika. Kontribusyon ng BNSCWC sa selebrasyon ng Buwan ng Wika kada Agosto ang palihang ito. At ang panlimang palihan ay ang Young Screenwriters Workshop, isang online na workshop para sa mga batang manunulat na gustong sumulat para sa pelikula.

Bakit namin ito ginagawa sa kabila ng challenges sa budget at logistics? Hindi ba kami napapagod? Ang tagline kasi namin sa BNSCWC ay “Celebrating the Filipino Imagination.” Kapag mayaman, malalim, at matibay ang imahinasyon ng bawat Filipino, magiging possible ang pagbuo natin ng isang nagkakaisang bansa na nakasandal sa mga halagahan ng katotohanan, katarungan, at kapayapaan. Maliit subalit mahalagang ambag itong mga palihan ng BNSCWC para mabuo nang maayos ang bansang Filipinas para sa lahat ng mga Filipino.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here