Livable wage Philippines

By Jaime Babiera

Samot-saring komento at pahayag ang natagpuan ko sa social media nang subukan kong i-search ang keyword na “livable wage Philippines.” May ilan na nagsasabing kulang na ang P20,000 na buwanang sahod para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin. Ang iba naman ay kumbinsido na sapat na ang P35,000 na buwanang sahod para sa mga single at wala pang binubuhay na pamilya. Sa kabilang banda, may nabasa naman akong komento na hindi kasya ang P45,000 na buwanang sahod kung tatlong anak ang sabay-sabay na nag-aaral.

Mapapansin na ang bawat isa ay may kanya-kanyang palagay hinggil sa usaping ito. Kung inaantay ninyong magpahayag ako ng pagsang-ayon o pagtutol sa sentimyento ng ating mga kababayan, humihingi na agad ako ng paumanhin sapagkat hindi iyon ang aking pakay sa kolum na ito. Sa halip, ang nais kong pag-usapan natin at pagtuunan ng pansin ay ang tatlong bagay na sa tingin ko ay lubos na nakaiimpluwensya sa kung papaano natin tinitingnan at kinikilala ang “value” o ang halaga ng natatanggap nating sweldo.

Una ay lifestyle. Maaaring ang P20,000 na buwanang sahod ay maituturing na kakarampot para sa mga kababayan nating malimit magbakasyon sa ibang bansa o mahilig mamili ng mga luxury items. Samantala, maaaring malaki na itong maituturing ng iba nating mga kababayan na ang tanging kasiyahan lamang ay mamasyal paminsan-minsan sa pinakamalapit na shopping malls at kumain sa murang restaurant. Sa madaling salita, itinuturing nating sapat ang natatanggap nating sweldo kung binibigyan tayo nito ng kalayaan at kapasidad na mamuhay sa paraan na naaayon sa ating kagustuhan at kaligayahan.

Sunod ay pangangailangan. Maaaring ang P35,000 na buwanang sweldo ay kulang na kulang para sa mga kababayan nating maraming binabayaran buwan-buwan gaya ng renta sa bahay, tuition ng mga anak, maintenance medicine, car loan, atbp. Sa kabilang banda, maaaring para sa iba na walang gaanong gastusin ay labis-labis na ito dahil wala silang binabayarang kotse at bahay, walang pinag-aaral na anak, o ’di kaya ay walang iniinom na gamot. Samakatuwid, itinuturing nating sapat ang natatanggap nating sahod kung ang kabuuan nito ay hindi nauubos sa mga bayarin at kahit papaano ay nakapagtatabi tayo para sa ibang bagay na nais din nating paglaanan gaya ng ipon, luho, atbp. Aminin natin na masakit sa kalooban kapag napupunta lamang sa mga bills ang kita na ilang linggo nating pinaghirapan.

Panghuli ay ang komunidad na ating kinabibilangan. Maaaring ang P45,000 na buwanang sahod ay malaki nang maituturing ng mga kababayan natin na nakatira at nagtatrabaho sa kanilang probinsya. Samantala, hindi malabo na ang halagang ito ay kulang pa rin para sa iba nating mga kababayan na sa Metro Manila o sa siyudad naghahanapbuhay at naninirahan dahil kung ikukumpara sa probinsya ay ’di hamak na mas mahal ang cost of living dito. Kaya itinuturing nating sapat ang natatanggap nating sweldo kung binibigyan tayo nito ng maalwan at disenteng pamumuhay sa lugar kung saan natin piniling manatili.

Ngayon, magkano nga ba talaga ang livable wage sa ating bansa? Ang akmang sagot para sa katanungan na ito ay hindi magmumula sa akin o sa ibang tao kundi sa iyo mismo. Tanungin mo ang iyong sarili kung ang natatanggap mong sweldo ay swak ba sa uri ng pamumuhay na nais mo? Nabibili ba nito ang mga pangangailangan mo? At higit sa lahat, nabibigyan ka ba nito ng maayos at maginhawang buhay sa komunidad kung saan ka nabibilang?

“Everyone has their own unique experience with how the world works. And what you’ve experienced is more compelling than what you learn second-hand. So all of us—you, me, everyone—go through life anchored to a set of views about how money works that vary wildly from person to person.”

Iyan ang isinulat ni Morgan Housel sa unang kabanata ng kanyang librong The Psychology of Money. Sumasang-ayon ako dito at para sa akin ay ito ang pinaka-angkop na paliwanag kung bakit ko nasabing nakadepende sa tatlong bagay na tinalakay ko sa itaas ang pagtingin natin sa halaga ng tinatanggap nating sahod. Tunay ngang iba-iba ang opinyon natin pagdating sa usaping may kinalaman sa salapi sapagkat ang bawat isa sa atin ay may sari-sariling karanasan sa buhay. Gayunpaman, nawa’y dumating ang panahon na ang livable wage ay hindi na paksa ng debate sa social media dahil ang lahat ng manggagawa sa ating bansa ay nakatatanggap ng sahod na sapat at masagana.

Email: jaime.babiera@yahoo.com