By John Iremil Teodoro
Nitong buwan ng Nobyembre may dalawang batch ng mga bisita akong nagbakasyon dito sa ancestral house namin sa Maybato. Ang unang batch, mga kaibigan kong manunulat na sina Yasmin Arquiza, Assad Baunto, Ronald Baytan, at Criselda Yabes. Ang pangalawang batch naman na hindi naman talaga mga bisita kung tutuusin, ang kapatid kong si Gary na nagtatrabaho sa Qatar at ang pamilya niyang taga-Bataan.
Kinailangan ko silang ipasyal dito sa Antique at naging opportunity ito para sa akin na lalo pang kilalanin ang Antique. Nang mag-umpisa kasi ang sabbatical leave ko noong Setyembre, naging abala kami ng partner kong si Jay sa pagpapaayos ng bahay at sa pag-aayos ng aming hardin. Hindi kami masyadong nakagala rito sa Antique. Nakaakyat lang kami sa Aningalan at nakapasyal sa lupa namin sa Iguhag nang dumating ang mga bisita namin.
May awit ang kaibigan kong si Dante Beriong, kasalukuyang Sangguniang Panlalawigan member, na “Katahëm kang Antique” na kung isasalin sa Filipino ay “Ang Ganda ng Antique.” Ini-enumerate sa kantang ito ang mga magandang lugar, ang mga masayang festival, ang mga masarap na pagkain, at mga magandang bagay na matatagpuan dito sa amin sa Antique tulad ng Malumpati Cold Spring Resort, Siraan Hot Spring, Isla Mararison, Tatusan Festival sa Caluya, Binirayan Festival, patadyong, muscovado, bandi, at marami pang iba. Magandang paalala ang kantang ito sa angking kagandahan ng Antique. Nasa Kinaray-a ang kanta kung kayâ mas para talaga ito sa mga “layás na Antikenyo,” mga Antikenyong nagtatrabaho o nakatira sa ibang lugar sa Filipinas at sa ibang bansa, ang awiting ito. May isa pang kanta si Dante, ang “Mauli Gid Ako sa Antique (Uuwi Talaga Ako sa Antique),” na kung pinapakinggan ko sa Manila ay talagang sumisidhi ang damdamin kong umuwi ng Antique. Parang gusto kong mag-book ng ticket agad!
Medyo matagal nang na-compose ni Dante itong “Katahëm ang Antique” at hindi pa nabanggit dito ang Aningalan at ang San Jose Esplanade, pati na rin ang mga higanteng estatwa ng sampung datu ng Maragtas na noong nakaraang taon lang na-unveil sa tabi ng Malandog River. Ramdam ko ang mabilis na pag-uswag at ang unti-unting pakilala sa Antique bilang tourist destination.
Noong nasa kolehiyo ako, ang goal ko ay ang makaalis dito sa Antique. Para kasing walang nangyayari. Mahirap na probinsiya at wala namang magandang lugar na maaaring pasyalan o dalhan ng mga bisita. Ang tingin ko pa nga noon sa mga kaklase kong hindi nakaalis dito sa aming probinsiya at dito na nag-build ng career ay “na-trap” sila dito sa Antique. Ngayong tumuntong na ako sa edad 50 at naghahanda na para sa aking early retirement, wala akong ibang naiisip na lugar na tirhan kundi ang umuwi na rito sa amin. Baligtad na ang paningin ko sa mga kaibigang dito lang sila sa Antique. Naiinggit na ako sa kanila.
Nag-umpisa na akong umuwi palagi rito sa Antique nang namatay ang tatay namin noong Oktubre 2018 dahil wala nang nakatira sa bahay ng aming mga magulang at nag-file din ako sa korte ng petisyon na maging administrator ng kanilang estate. Hindi lang uli ako nakauwi ng mga dalawang taon nang magkapandemya.
Habang pinapanood namin mula sa maliit na terasa ng Aningalanja ang mga kabundukan sa pagitan ng Antique at Iloilo, at ang mga pinetree sa tapat na property, sinabi sa akin ni Ronald na, “Now I know why you want to retire here, Bes.” Luntian ang paligid, malamig, at tahimik. Ang Aningalanja ay isang maliit na resort, may tatlong cottages lamang na yari sa container van, na pag-aari ng kaklase ko sa prep na isang nang dentist ngayon, si Robler Pechueco. Si Robler din ang binilhan ko ng lupa sa Tubudan na nasa border lang ng Aningalan. Paboritong tirahan namin ni Jay itong Aningalanja kapag nagbabakasyon kami sa Aningalan.
Nang makita namin nang malapitan ang Sibalom Natural Park, si Yasmin mismo ang nagsabi na akala niya sa Palawan lang mayroong ganoong kaluntian na gubat. Mayroon din daw pala sa Antique. Noon ko lang din na-realize, may laban nga sa pagkaluntian ang Antique. Ang maganda pa rito, makikita mula sa lupang binili ko sa Tubudan ang forest reserve na ito. Ipinakita ko rin kina Yasmin, Ronald, Assad, at Cris ang lupang ito dahil dito namin itatayo ni Jay ang Hardin Milagros, isang santuwaryo para sa mga manunulat at artist na gusto ng tahimik na lugar upang makapag-isip at makapaglikha. Milagros ang ipapangalan namin sa lugar hindi lamang bilang alaala sa namayapa naming Nanay kundi dahil magiging munting pook ito kung saan mangyayari ang mga mumunting milagro ng sining.
Matapos ng isang linggong bakasyon nila sa Maybato, hinatid ko sina Yasmin sa Malumpati Cold Spring Resort sa bayan ng Pandan noong Nobyembre 23. Magsi-stay pa kasi sila ng dalawang gabi sa isang resort sa tabingdagat ng Pandan saka sila mag-o-overnight sa Roxas City sa Capiz at doon na lilipad pabalik ng Manila. Talagang na-cover nilang tatlo ang apat na lalawigan sa Isla Panay! Hinatid ko na sila sa Pandan dahil kailangan ko ring sunduin sa Caticlan ang sina Gary dahil nagbakasyon sila sa Boracay. Kasama ni Gary ang asawa niyang si Verna at ang stepson niyang si AJ at ang girlfriend nitong si Charlotte. Apat na araw din sila sa Boracay.
Birthday ni Gary nang araw na iyon kayâ nanlibre muna ako ng lunch sa Malumpati bilang selebrasyon. After lunch, nagpahatid na sa inarkila kong van sina Yas sa resort at sina Gary naman ay nag-trekking at nag-tubing sa Bugang River, ang cleanest inland body of water sa buong bansa.
Gusto ni Gary na makita nina ang Verna ang Siraan Hot Spring sa Anini-y at ang Nogas Island sa tapat nito. Ang Anini-y ang huling bayan ng Antique sa timog bago mag-Iloilo. Mga isang oras na drive ito mula sa bahay namin sa Maybato. Pupunta lang din naman sa Siraan, sabi ko sa kanila didiretso muna kami sa unahan sa Barangay Casay upang mapasyalan namin ang lupang binili ko sa Sityo Iguhag. Mga 20 o 30 minutong lakad ito mula sa highway, depende sa bilis mong maglakad sa mga pilapil at akyat-baba sa bakulod. Masaya ako at nagustuhan nila ang lugar namin ni Jay sa Iguhag. Tahimik daw at mabugnaw ang hangin kahit patanghali na. Sabi ng magsasakang nagbabantay ng lupa namin doon, gagawin na raw ang kalsada. Dinig nila may badyet na raw ito. At dadaan talaga sa harap ng property ang kalsada. Mas madali na naming magawa ang Hardin Magnificat kung may kalsada na talaga roon. Retreat center ito at permaculture farm.
Nag-enjoy din sila sa Nogas Island. Sayang nga at low tide nang nandoon kami. Walang tubig ang white sand beach. Hindi tulad nang huli kaming bumisita ni Jay doon. High tide at talagang may white sand beach ito. Gayunpaman, Instagrammable pa rin talaga ang frangipani (sosi na tawag sa kalatsutsi) lane na may background ng lighthouse. Wala nga lang bulaklak ang mga puting kalatsutsi ngayon. Nang pumunta kami noon ni Jay, namumulaklak ang mga ito at marami pa nga ang nahuhulog sa buhangin.
Ngayon lang uli nagkaroon ng maraming tao sa bahay namin sa Maybato. Nararamdaman kong masayang-masaya sina Tatay, Nanay, Tita, at ang mga agurang namin na muling nabuhay ang aming ancestral house. Sa Disyembre, sina Mimi naman ang magbabakasyon mula sa Sweden.
Para sa akin noon, Palawan ang pinakamagandang lugar na natirhan ko pagdating sa kalikasan. Gusto ko rin siyempre ang Baguio City dahil malamig ito at maraming bulaklak ngunit hindi ko na gusto ito ngayon dahil masyado nang crowded at polluted. Kahit kalian, hindi ko naman talaga nagugustuhan ang Metro Manila dahil ayon nga sa isang lumang pelikula ni Maricel Soriano, ayaw ko sa masikip, ayaw ko sa maingay, ayaw ko sa marumi, at ayaw ko sa mabaho! Dibdiban na talaga akong naghahanda, lalo na sa aspektong pinansiyal, para sa aking maagang pagretiro sa De La Salle University upang makauwi na ako sa Antique for good.
Sa Antique ako magreretiro hindi dahil dito ako ipinanganak at lumaki kundi dahil maganda talaga itong lalawigan ng aming angkan. Naiimadyin ko na mananahan sa Aningalan at Iguhag ang kaluluwa’t katawan ko bilang manunulat.