Magpa-Pasko Na Pero…

Ni John Iremil Teodoro

NAPAKARAMING ganap! Nitong Lunes lang ay may nag-file na ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. May 17 na pribadong indibidwal mula sa civil society groups ang pumirma at i-sponsor na ito ng Akbayan Partylist. Sigurado akong mapapansin agad ng mga Dutertard na may ilang nakapirma na mga Dilawan, mga dating miyembro ng gabinete ni Presidenty Noynoy Aquino.

Intense ang mga balita habang naging intense naman ang hika ko at ubo. Sunod-sunod din kasi ang mga kumperensiya namin dito sa De La Salle University last week—PEN Conference at F. Sionil Jose Conference—at closing week din ng 5th La Salle National Creative Nonfiction Writers’ Workshop for Medical Professionals. As useless, hindi kinaya ng lungs ko. Pero itong lumalalang awayan sa pagitan ng puwersa ng Kadiliman at Kasamaan ay nakakaya pa naman ng utak ko!

Agree naman ako na ma-impeach si Sara Duterte. Sa mga inasal niya sa Senate Inquiry at Congressional Inquiry nitong nakaraang mga buwan ay parang wala na siya sa tamang katinuan para manatiling bise president. Dagdagdagan pa ng mga pagwawala, pagmumura, at kung ano-anong kriminal na pinagsasabi niya sa mga presscon ay talagang iisipin mong baka may saltik na nga siya.

May mga loyalistang Dutertard na naniniwalang hindi nababaliw o may saltik na si Sara. Kaso kapag ganito, mas lalong nakababahala dahil ang ibig sabihin nito ay wala lang talagang respeto ang Bise Presidente sa Kongreso na co-equal body ng Ehekutibo at talagang hindi siya nangingiming lumabag ng batas dahil napakataas ang tingin niya sa sarili niya, na naniniwala siyang she is above the law.

Nagwawala lang naman si Sara siya dahil hindi niya maipaliwanag o ayaw niyang magpaliwanag kung saan niya dinala ang milyon-milyong confidential fund ng Office of the Vice President at ng Department of Education nang siya ang kalihim nito. Halimbawa, magulo ang pagpapaliwanag nila kung paano nagasta ang 125milyon na confidential fund sa loob ng siyam na araw. May mga acknowledgement receipt nga silang isinumite sa Commission on Audit pero nakakaduda naman ang mga pangalan tulad ng kay Mary Grace Piattos.

Noong Nobyembre tatlong malalakas na bagyo ang sunod-sunod na sumalanta sa bansa na ang napuruhan ay ang northern at central Luzon. Naisip ko noon baka hanggang Pasko ay may bagyo pa. Baka mahirapan akong makauwi sa Antique. Gusto ko sa Antique mag-Pasko. Iyon pala ibang bagyo ang sasalanta sa bansa pagdating ng Disyembre. Bagyo ng bangayan at awayan ng mga puwersa ng Kadiliman at Kasamaan!

Thanks but no thanks sa dating human-rights lawyer na ngayon ay fugitive na si Harry Roque sa metaporang “Kadiliman vs. Kasamaan” na naihayag sa harap ng EDSA Shrine nang mag-rally siya kasama ang mga sampung Dutertard para depensahan si Duterte at ang sarili sa mga Senate at Congressional Inquiry. Nagiging klaro na kasi ang koneksiyon niya sa POGO at may mga yaman na siyang hindi na niya maipaliwanag. Siyempre ang sloppy script niya, political persecution ito. Kayâ ang sigaw niya sa mini-rally nila, labanán na raw ito sa pagitan ng kadiliman at… pinapasagot niya ang sampung kasama na sabay-sabay sumagot ng “kasamaan.” Na taman naman. Mabilis naman niyang kinorek at dismayadong nagsabi ng “kabutihan.” Naisip ko, sasampu nga lang sila bakit hindi sila nagpraktis muna? Saka bakit inilabas pa ang video?

Kung ang tinutukoy ay ang labanang Marcos at Duterte ngayon matapos mabuwag ang marupok nilang Uniteam, angkop na angkop ang metapora ng labansan sa pagitan ng Kadiliman at Kasamaan. Hindi talaga uubra ang Kadiliman versus Kabutihan dahil walang mabuti sa dalawang pamilyang ito. Ilang buwan nang nauungkat sa mga Senate at Congressional Inquiry ang mga kabulastugan ng mga Duterte. Mula EJK, POGO, Quiboloy, hanggang sa kahindik-hindik na paglustay ng confidential fund.

Makikita mo talaga ang eternal na pagkauhaw ni Sara Duterte sa confidential fund. Noong meyor pa lamang siya ng Davao City sobra sa dalawang bilyon na ang confidential fund niya. Kayâ na maging bise presidente at kalihim ng DepEd, may malaking confidential fund din kahit na si dating Vice President Leni Robredo ay wala. Mahirap arukin ng isipan kung aanhin ng DepEd ang confidential fund. Nagsimulang mabuwag ang Uniteam nang hindi na pinagbigyan si Sara sa hinihingi niyang confidential fund sa budget request niya ngayong 2024 dahil marami na ang nagtatanong kung paano ginastos ang 125 milyong confidential fund sa loob ng siyam na araw.

Nag-umpisang magwala si Sara at mawala sa sarili nang wala na siyang confidential fund at kailangan pa niyang ipaliwanag kung paano niya ginastos ang confidential fund niya noon. At hindi ko siya masisisi kung ang pinagbibintangan niyang may pakana nitong lahat ay si Speaker Martin Romualdez, ang pinsan ni Pangulong Bong Bong Marcos, na nag-aambisyong maging susunod na presidente. Kailangan nga talaga niyang durugin si Sara para mangyari ang pangarap niya.

Nakakabaliw siguro talaga ang mag-ambisyong maging president ano? Lalo na kung ikaw si Sara na kung hindi lang sana siya nakipag-Uniteam kay Bong Bong Marcos noong nakaraang eleksiyon ay baka siya na ang presidente ngayon dahil siya naman talaga ang nangunguna sa mga survey noon. Imagine, umaabot ng 10 bilyon ang confidential at intelligence fund ng Malacañang! Ngayong magkaaway na sina Marcos at Duterte, siguro parang gusto nang kagatin ni Sara ang sariling siko sa labis na pagsisisi.

Kunsabagay, kapag magkaisa ang mga puwersa ng Kadiliman at Kasamaan, it is just a matter of time na magkatraidoran sila dahil ganiyan talaga ang nature nila. Walang mabuting ibubunga ang pagsisiping nila. A marriage made in hell, ‘ika nga.

Noong Linggo pala ng gabi nag-lighting of Christmas tree sa Palasyo ng Malakanyang. Kumalat sa social media ang masayang larawan ng Pamilya Kadiliman. Magkasama sa isang larawan ang mga gustong ipapatay ni Sara. Kailan naman kayâ ang lighting of Christmas tree sa Davao City Hall? Gusto ko ring makakita ng masayang larawan ng Pamilya Kasamaan. Pero baka dahil sa sobrang stress wala na rin talaga silang ganang mag-celebrate pa ng Pasko.

Ang curios ako, aabutin kayâ ng Simbang Gabi sa EDSA Shrine ang mga Dutertard na ilang araw nang ini-invoke People Power para kay Sara pero mukhang bingi sa mga panalangin nila si Our Lady of EDSA? Kunsabagay, itong mga Dutertard, lalo na noong ka-Uniteam pa nila ang Team Kadiliman, ay sigaw nang sigaw na hindi totoo ang EDSA People Power at gawa-gawa lang ito ng mga Dilawan. Sila na kapag may nagra-rally sasabihin nilang mga NPA agad ito. Ibig bang sabihin nito may favoritism si Mother Mary? Na magmi-miracle lamang siya kung ang nagra-rally ay mga Yellowtard at Komonesta? Shiminet, Mother Mary! Shiminet!

Sa pag-umpisa ng Simbang Gabi sa Disyembre 16, sana tuluyan nang mawala ang asthma at ubo ko. Sana sa mga may balak kumpletuhin ang siyam na misa ay maisama sa mga hihilingin nila ang tunay na kapayapaan para sa ating bansa. Ang tunay na kapayapaan ay nakabase sa katarungan. Ipanalangin natin na lumabas ang katotohanan at maparusahan ang mga may sala sa panig man sila ng Kadiliman o Kasamaan. At sana sa labanang Kadililiman versus Kasamaan, mananaig ang puwersa ng Kabutihan.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here