By John Iremil Teodoro
TALAGANG malaking blessing ang pagkakaroon ng Esplanade sa bayan naming San Jose de Buenavista sa Antique. Ilang kilometrong boulevard ito sa northern coast ng San Jose. Ginagawa na rin ang nasa southern coast at nasa harap na ito ng barangay naming Maybato Norte. Masarap maglakad dito habang sinisinghot ang preskang simoy ng dagat sa pagitan ng Panay at Palawan. Matipid at healthy ang pamamasyal dito. Isa ito sa mga nilo-look forward ko kapag pauwi ako rito sa Antique.
Wala pa kaming sariling sasakyan ng partner kong si Jay kayâ nagtatraysikel lang kami kapag umaalis ng bahay. Kung malapit lang, tulad ng Robinsons Place Antique, nilalakad lang namin ito. Madali lang namang magtraysikel dito sa amin. Ang pamasahe sa traysikel mula Maybato papunta sa banwa ng San Jose de Buenavista: PhP20 per head. Ang traysikel mula sa banwa patungong San Jose de Buenavista Esplanade sa Brgy. San Fernando: PhP50 per head. Mula sa norteng dulo ng Esplanade sa Brgy. San Pedro patungong Public Market sa Brgy. Funda Dalipe: PhP25 per head. Mula sa palengke pauwi ng Maybato: PhP100 ang special trip. PhP290 ang nagagastos namin ni Jay sa pamasahe.
Noong Sabado, Nobyembre 2, mga alas-sais ng umaga kami umalis dito sa bahay. Ilang araw na akong sinusumpong ng hika at maganda ang simoy ng dagat sa umaga na pampakalma sa lungs. Gaya ng ginagawa namin palagi pagdating sa Esplanade, maglalakad kami sa dalampasigan kung saan napipisa ang mga alon. Maganda ito para sa aking talampakan na madalas ay may gëtang o cracked sole. Namumulot din ako ng ilang kabibe at bato (lalo na ang bato-bantiling) na naiibigan ng aking mga mata. Ilang araw ding nangangalit ang mga alon sa amin dahil kay Bagyong Kristine. Noong Sabado lang mag-umpisang magkalma ang dagat. Natawa nga kami ni Jay dahil habang naglalakad kami sa Esplanade, may nadaanan kaming limang lalaki na nag-iinuman. Yung isang may katandaan ay namumula at mukhang lasing na. Nang mapadaan kami sa harap nila, nagmagandang umaga sila at sabi ng isa, “Tagay tayo,” na nag-aalok ng alak. Tumatawa akong nagpasalamat at sabay sabing, “Masyado pa yatang umaga ha.” Sagot ng nag-alok, “Nagsi-celebrate lang kami, Sir at nalampasan namin ang bagyo.” Mga mangingisda ang mga ito na nakatira sa Esplanade. Mukhang mga pumpboat nila ang nakahimpil sa tabingdagat. “Oo nga, dapat tayo mag-celebrate at magpasalamat,” sabi ko at dumiretso na kami ni Jay.
Noong medyo nakalayo-layo na kami, sabi ko kay Jay, “Di ba sa mga eksenang ganiyan sa mga pelikula na ang setting ay Tondo, kapag inalok ka ng tagay at tinanggihan mo, sasaksakin ka nila?” Oo, sabi ni Jay at tumawa lang kami. Nasa Antique na nga ako at hindi bawal ang tumanggi kapag inalok kang uminom.
Libre ang maglakad sa Esplanade. Naglakad kami ng isang oras papunta sa suki naming karinderya sa dulo ng Esplanade sa San Pedro. Gusto ko kasing humigop ng mainit na lomi. At masarap ang lomi nila! Dinadayo talaga. Dahil alas-nuwebe pa lamang ng umaga, kami lang ni Jay ang kostumer nila. Nagkape din kami ni Jay (3 in 1 nga lang) at kumain ng tinapay. Nang magtanong ako kung magkano ang babayaran namin dahil aalis na kami, PhP115 daw sabi ng babaeng kahera na sa tingin ko siya ang may-ari. Natandaan niya raw kami na kumakain doon sa kanila. Dahil hindi ako sanay na magbayad ng PhP115 sa isang masarap na agahan sa isang karinderyang yari sa kawayan at nipa sa tabi ng ilog at overlooking sa dagat, tinanong ko kung magkano ang lomi nila. PhP60 daw. Sa isip ko, kahit PhP150 o PhP200 ito hindi ako magrereklamo!
Samakatwid, PhP445 lang ang nagastos namin ni Jay. Wala pang PhP500. Kapag nasa Manila ako at uuwi sa bahay namin sa Pasig para mag-lunch on a Sunday, mahigit PhP500 ang bayad ko sa Grab car mula sa condo ko sa Taft Avenue. Siyempre kapag kumain kami ni Jay o ng mga kapatid ko sa Café Ilang-Ilang sa Manila Hotel, kahit na may Manila Hotel Prestige Card ako kayâ laging may discount, mukhang puwede nang pangkapital ng lomihan ang binabayaran ko. Char lang. Siguro pambili ng malaking kaldero, burner na may kasamang LPG tank na may laman, at ingredients.
Sabi ko kay Jay sa susunod dapat magbaon na kami ng kape para brewed at hindi 3-in-1 na masyadong mataas ang sugar content ang iinumin namin. Magbabaon na rin kami ng sandwich at prutas para bongga ang breakfast. Siyempre from time to time, maglo-lomi pa rin kami doon sa suki namin. Saka kapag makabili na kami ng sasakyan, maaari na talaga kaming magdala ng mesa at upuan at pumuwesto sa may lilim na bahagi ng Esplanade. May mga gumagawa na nito. Pami-pamilyang nagpi-picnic.
Dahil Sabado, may biyahe ang eroplano. Around 7:30, narinig na nga namin ang bagrong nito. Ewan ko ba, tuwang-tuwa talaga akong manood ng eroplanong nagla-landing at nagti-take off. Guwardiya yata ako ng isang airport sa past life ko! Noong nakaraang Sabado pagdating ko, sabi nina Joyce at Tiking (mga kaklase ko sa Assumption Antique noong prep), nasa Esplanade sila nang maglandng ang eroplanong sinasakyan ko. Tumatalon-talon daw sila at sumisigaw na, “Welcome Home, John!” habang dumadaan ang eroplano sa itaas nila. Nandoon sila dahil sumali sila sa isang fun run. Agad silang umalis doon pagkalanding ng eroplano dahil sila ang sumundo sa akin sa airport. Nasa Iloilo kasi si Jay para sa isang photography workshop. Ewan ko ba, ayaw kong dumating sa airport ng Antique na walang sumasalubong sa akin.
Pagdating namin ni Jay sa bahay, medyo pagod na ako. May hika pa rin ako pero at least madalang na ang sumpong ng award-winning na pag-uubo. Tiningnan ko sa aking iPhone kung nakailang steps ako: 9,899 steps! Bongga ito dahil wala pang lunch time achieved na achieved na ang number of steps. Maka-5,000 lang kasi ako sa isang araw ay okay na. Pero siyempre mas maganda kung aabot ng 10,000 steps.
Gusto ko lang maligo agad, at paandarin ang aircon sa kuwarto at mahiga. Pero kailangan ko pang uminom ng gamot. Pero bago ito, naisipan kong i-tsek ang blood pressure ko: 125/76. Normal na normal kahit hindi ko pa iniinom ang Coveram 10/10 na maintenance med ko para sa hypertension. Medyo mataas lang ang pulse rate ko na 119 dahil kagagaling lang namin sa paglalakad. Pagkatapos ng isang oras gin-tsek ko uli ang pulse rate ko at 97 na lang ito.
Nakakapagpaluwag talaga ng mga ugat ang paglalakad. Mabuti na lamang at noon pa man ay mahilig na talaga akong maglakad. Lalo na kung nagbabakasyon. Noong sa Sweden ako, bongga ang walking routine ko. Hindi ako bumababa sa 10,000 steps araw-araw.
Iba talaga ang buhay probinsiya. Matipid na at healthy pa. Lalong sumisidhi ang planong ko na sa loob ng limang taon, pagtuntong ko sa edad na 55, mag-e-early retirement na ako sa trabaho ko sa Manila at umuwi na for good dito sa Antique. Guro at manunulat ako. Kayang-kaya kong dito na sa Antique magturo at magsulat.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.