Ni John Iremil Teodoro
Umaapaw ang kaniyang galak at kay busilak ang kaniyang halakhak nang madiskubre niya kung paano pindutin ang mahabang hose para lumabas ang tubig na pandilig sa mga halaman. Nakakalimutan niya ang pandidiri sa buhangin kapag naglalaro na siya ng tubig. Tila mas nabubuhay ngayon ang aming hardin dahil nandito ngayon sa bahay namin sa Antique ang dalawang taong gulang kong Swedish na pamangkin na si Evert John. May bata nang tumatakbo-takbo, tumatawa, at sumisigaw sa hardin namin ng partner kong si Jay.
Mas gusto ni Evert John si Jay dahil pinagbibigyan lang siya sa gusto niyang gawin. Ako kasi saway nang saway. Pinandidilatan niya ako kapag sinasabihan ko siya ng “nej,” na ang bigkas ay “ney,” na Svenska para sa “hindi” o “no.” Sanay si Jay mag-alaga ng bata dahil nag-alaga siya ng mga pamangkin niya.
Dahil puti si Evert John, hindi siya dapat magtagal sa ilalim ng araw dahil agad siyang mamumula lalo na ang pisngi niya. Lalo siyang gumuguwapo kapag rosy cheeks na siya kaso ayaw siya naming ma-sunburn dahil mas malaking problema ito. Kakulay talaga niya ang kaniyang Papa Jonas. Mabuti at medyo itim ang buhok niya na nakasunod sa Mama niya dahil kung hindi, baka iisipin talaga ng mga tao na inampon lang siya.
Ngayon ko lang nadiskubre, nakakapagod pala mag-alaga ng dalawang taong gulang na bata! Talagang totoo ang sinasabi nilang “the terrible two.” Parang full time job ang pagiging yayabels ko kahit na kapag araw nandito naman sa bahay ang pinsan kong si Nene Oliva at ang teenager niyang anak na si Erika na nagbabantay. Sa gabi naman tatlo naman kami nina Mimi at Jay ang nagbabantay. Pero pakiramdam ko, ang busy-busy ko. Ni hindi na ako makapag-update ng Facebook ko! Mas lalong hindi ako nakakasulat at nakakabasa. (Nasusulat ko lang ang kolum ko ngayon dahil tulog siya! At sinabi ko kina Jay at Mimi na may deadline ako).
Ngayon naiintindihan ko na kung bakit maraming babaeng manunulat na kapag may anak na ay hindi masyadong nakakasulat. Hindi pala talaga biro ang magbantay ng bata. O baka masyado lang akong protective kung kayâ kahit may nagbabantay na, tila nagbabantay pa rin ako.
Gumaganda na talaga ang hardin namin ni Jay dito sa likod ng bahay namin sa Maybato. Ang koi pond tapos na. Sinisiguro na lamang ni Jay na wala na itong tagas para malagyan na naming ng koi. Siyempre bantay sarado kami kay Evert John kapag nasa hardin siya. Mahirap na at baka tumalon siya sa koi pond at sa lumang pond namin. Ang maganda lang, nagya-yuck siya kapag tinitingnan niya ang tubig sa pond. Nadudumihan siya. Pero naghe-hello at nagbababay naman siya sa mga isda.
Nasa stage kami ngayon ng aming paghahardin na hinihintay na lamang naming lumago at lumaki ang mga itinanim namin. Halimbawa excited ako na lumaki ang punong santan na pula. Ito ang variety ng santan na malalaki ang dahon at lumalaki talaga ang puno. Talagang naghanap kami nito dahil gusto kong ma-recreate ang malaking bolang puno ng santan na kasing laki ng balkonahe ng maliit na bahay nina Lola Flora at Tita Nening noon. Palagi itong punô ng mga pulang bulaklak tag-araw man o tag-ulan. Ang gusto ko, pagbalik ni Evert John mas matangkad ito sa kaniya at namumulaklak na rin.
Ang excited ako, ang lumaki ang dalawang puno ng putting kalatsutsi. Sa lilim nito ilalagay ang maliit na swimming pool na request ni Juliet. Mukhang pursigido si Mimi na ipagawa ito sa susunod na pag-uwi nila. Sabi ko kasi sa kaniya, doon na ako sa Aningalan magpapagawa ng swimming pool kasi mas may space doon. Ang sagot niya habang hinihimas-himas ang Louis Vuitton niyang bag, “Wala namang masama kung may pool tayo rito sa Maybato at mayroon din sa Aningalan.” Tarus. Sa isip ko, basta ikaw ang gagastos, hindi ako kokontra dyan!
Kung buháy si Nanay, hindi iyon papayag na magtatanim kami ng kalatsutsi sa bahay. Puwede yung kalatsutsi na Bangkok na maliit na variety, pero hindi puwede ang nagiging kahoy dahil pangsementeryo raw ito. Malas daw kapag itinanim sa bakuran. Medyo naniwala ako sa kaniya noon at nagbago lang ang paniniwala ko nang makapunta ako sa bahay nina Papa Cirilo F. Bautista sa Sta. Mesa Heights sa Quezon City at may tatlo o apat na malalaking puno ng dilaw at pink na kalatsutsi! Gayundin nang una akong mapunta ng Bali noong 2012 na may kalatsutsi everywhere. Sa Ngurah Rai International Airport pa lang may mga larawan na ng bulaklak ng kalatsutsi. Sa tabing kalsada ng Ubud, maraming ibinebentang mga pantali na buhok na ang disenyo ay bulaklak ng kalatsutsi.
Siyempre ang all-time favorite ko pa ring bulaklak ay ang bogambilya, ang tinatawag na kembang kertas sa Bali. Dahil siguro may El Niño ngayon, mas parang summer ang klima rito sa Panay kaysa pang-Disyembre. Tuloy namumulaklak ngayon ang mga bogambilya namin, lalo na ang may orange na bulaklak na si Tita Nening pa ang nagtanim. Hitik din sa bulaklak ang bogambilya sa pasô na may bulaklak na pink at puti sa iisang puno. Mahal ang bili ko nito sa Villa de Arevalo sa Lungsod Iloilo noong nakaraang taon. Ang Villa sa Iloilo ay sikat sa mga flower garden nito at bilang bentahan ng mga paputok kapag Pasko at New Year. Sikat na lugar para sa parehong maganda at marahas na paninda!
Ang pinakabonggang namumulaklak ngayon sa aming hardin ay ang violet na pandanggera. Ang tawag ng iba rito ay rosas sang baybayon (rosas ng dalampasigan) at kung pasosyal na tawag ay periwinkle. Tumutubo lang ito sa aming hardin. Siguro may itinanim nito si Tita Nening noon at nagkalat lang dito sa bakuran namin ang mga buto. Kayâ tubo nang tubo. Paboritong pitasin ni Evert John ang mga bulaklak nito kapag maglaro siya sa labas.
Balang araw sa Hardin Milagros sa Aningalan, pagagawan ko talaga siya ng sarili niyang bahay kubo. Yung tradisyonal na yari sa kawayan at nipa. Malamig doon ngunit dahil Swedish naman siya, magiging parang wala sa kaniya ang malamig na klima ng Central Panay. Napapalibutan siyempre ng mga bogambilya ang kubong ito at may mataas na punò ng kalatsutsi sa tabi.
Ini-enjoy ko ngayon ang pagiging makulit at maingay niya gaya ng pag-enjoy ko noon ng pagiging makulit at madaldal ng Ate niyang si Juliet. Ngayon si Juliet 14 years old na. Hindi na madaldal dahil mahiyain na. Baka paglaki ni Evert John hindi na rin siya maingay pero gusto kong magbakasyon siya lagi sa aming hardin.
Mas naha-heigthend ang pagiging paraiso ng isang hardin kapag may batang tumatakbo-takbo, sumisigaw, at tumatawa. Tunay nga ang etymology ng salitang paraiso na mula sa salitang Persian na “paridaidam” na ang ibig sabihin ay hardin na napapalibutan ng bakod. At gusto ko, kapag binibisita ako ni Evert John dito sa Isla Panay, nandoon lang akong naghihintay sa aming pribadong paraiso, sa Maybato, sa Aningalan, o sa Iguhag man ito.