By John Iremil Teodoro
MASAYANG-MASAYA ako sa resulta ng halalan 2025 lalo na sa pagka-senador at sa party-list. Sa partial and unofficial count na inilalabas ng Commission on Election (Comelec), number 2 si Bam Aquino at number 5 naman si Kiko Pangilinan. Nangunguna sa party-list ang Akbayan na may 6.71% at nasa 14th place naman ang Mamamayang Liberal (ML). Ibig sabihin, magiging kongresman sina Atty. Chel Diokno at former Senator Leila de Lima.
Siyempre nakakainis pa rin na number 1 sa senatorial race si Bong Go at number 3 naman si Bato dela Rosa. Nakakapagpa-roll din ng eyeballs ko na number 6 si Marcoleta, number 10 si Camille Villar, number 11 si Lito Lapid, at number 12 si Imee Marcos. Pero masaya ako na matatalo sina Ben Tulfo, Bong Revilla, Abby Binay, Benhur Abalos, Jimmy Bondoc, Phillip Salvador, Willie Revillame dahil wala naman talaga silang maiaambag sa Senado at magiging trapo lang. Matatalo na rin sina Vic Rodriguez, Raul Lambino, Francis Tolentino, at Gringo Honasan na magiging pabigat lang para sa mga taongbayan dahil mga walang integridad. Si self-appointed son of God number 31, mukhang hindi tinulungan ng mga anghel. Ang nakababahala lang, may mahigit 5.5 million na mga uto-utong bumoto sa kaniya.
Landslide win si Leni Robredo sa pagka-mayor ng Naga City. Gayundin si Vico Sotto sa Pasig City. Ang family lawyer naming si Atty. Joe Abad Sicabalo Lazaro, Jr. ay panalo ring mayor ng San Joaquin, Iloilo. Natuldukan niya ang ilang taong pamamayagpag ng dinastiya ng mga Garin sa San Joaquin. Si Joe na ipinanganak na mahirap subalit matalino, masipag, at mabait kung kayâ naging isang abogado at ngayon ay mayor na nga.
May pag-asa! May pag-asa pa ang Filipinas. Ito ang naiisip ko habang binabantayan ang resulta ng eleksiyon kinagabihan ng halalan. Nitong mga nakaraang taon masyado na kasi akong naging negatibo sa aking pananaw. May ilang kaibigan nga akong ang tawag sa akin ay “negastar.” May mga estudyante rin akong naiinis sa akin kapag sinasabi kong wala nang pag-asang makaahon pa ang Filipinas at tuluyan na itong malulugmok at magiging bayang sawi at isinumpa dahil ang mga political at economic elite ay morally and intellectually bankrupt. Narinig o nabasa ko lang ito somewhere, ang pariralang “the elite are morally and intellectually bankrupt,” hindi ko lang matandaan kung kanino at kung saan.
Pero totoo ito. Tingnan lang natin ang mga nangungunang political dynasty sa bansa tulad ng mga Duterte, Marcos, Villar, at Cayetano. At mukhang humahabol pa ang mga Tulfo. Mabuti na lang talaga at nag-aaway ala-ubusan ng lahi ang mga Marcos at Duterte ngayon. Masyadong mapaminsala sa kaluluwa ng bansa ang Uniteam nila noong Halalan 2022. Nang matalo si Leni Robredo at Kiko Pangilinan noon, doon ako nag-conclude na lost cause na ang Filipinas. Kung medyo batâ-batâ lang ako ay gagawa ako ng paraan na makapag-migrate sa Sweden. Kaso hindi na ako willing na magsimula pa ng panibagong career sa ibang bansa. Titiisin ko na lamang ang Filipinas. Maganda naman talaga ang Filipinas, bulok lang talaga ang gobyerno dahil korap ang mga politiko.
Pero ngayon nabuhayan ako ng loob! May pag-asa. Mukhang mas maganda ang magiging kalalabasan ng halalan sa 2028.
Proud ako sa sarili ko na muli akong bumoto. Matagal na kasi akong hindi nakakaboto dahil palipat-lipat ako ng lugar na pinagtatrabahuhan at tinitirhan: Manila – Palawan – Manila – Iloilo – Manila. Mabuti na lang nag-sabbatical leave ako noong nakaraang taon at napagparehistro muli ako rito sa Comelec sa Antique. Dalawang oras akong pumila kahapon sa Maybato Elementary School. Ang presinto ko kasi ay isinama sa dalawa pa dahil kulang ang automated counting machines. Ang isang makina para sa tatlong presinto ay nagloloko pa. Hawak ko na ang balota ko at naghihintay na lang na ibigay sa akin ang secrecy folder mula sa isang botante na isinusubo sa makina ang balota subalit iniluluwa naman ito. Nakakaloka!
Normally wala akong pasensiya sa pagpila. Inisip ko na lang na titiisin ko iyon para kay Inang Bayan. Kailangang maiboto ko sina Kiko, Bam, at Heidi Mendoza. Nang bumuboto na ako, isinama ko na rin si Ka Leody de Guzman kahit na alam kong hindi talaga siya mananalo. Masyado siyang mababa sa mga survey. Gustong-gusto ko kasi talagang manalo sina Bam at Kiko para may kasama na totoong oposisyon si Riza Hontiveros sa Senado. Si Riza lang kasi talaga ang nag-iisang may integridad na senador sa ngayon. The rest mga trapo katulad nina Chiz Escudero, Allan Peter Cayetano, at Loren Legarda na dikit lang nang dikit kung sinuman ang nasa kapangyarihan. Siyempre needless to mention na nandiyan din ang mga senador na walang utak at walang ginagawa, at palamunin lang ng bayan.
Excited na ako sa pagbubukas ng bagong Kongreso. Sa lower house ay nandiyan na sina Diokno at Delima. Si Gerville Luistro ay panalo na rin at may mga kasama na siyang abogadong matatalino. Sa Senado ay babalik na nga sina Kiko at Bam. Kahit papaano maibabalik na ang konting dignidad na mayroon ang Kongreso.
Sa ganang akin, naisip kong maging mas masigasig na sa pakikilahok sa mga gawain para sa voters’ education. Iniisip ko ring pormal na lumahok sa party-list na Mamamayang Liberal o ML. Ngayong nabuhayan ako ng pag-asa para sa bayan, dapat itodo ko na rin ang pakikilahok ko bilang isang ordinaryong mamayan para sa pagbabago ng sistema ng politika sa Filipinas.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.