Mga Alagad ng Wika, Ginawaran ng Dangal ng Panitikan 2020 ng KWF

Ginawaran ng KWF Dangal ng Panitikan 2020 sina Dr. Glecy Atienza, Dr. Reuel Aguila, Joey Ayala, Raul Funilas, at Prop. Patrocinio Villafuerte. Ginawaran din ng Dangal ng Panitikan 2020 ang samaháng  KATAGA, Samahán ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.  Ang gawad ay naganap sa virtual awarding na napanood sa Komisyon sa Wikang Filipino Facebook Page at YouTube.

Si Dr. GLECY ATIENZA ay isa sa mga napiling gawaran ng KWF dahil sa masigasig na pagpapaunlad at pagtatampok ng panitikang Filipino sa lárang ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaniyang talino at talento sa pag-arte sa entablado, malikhaing pagsulat, at pagsulat ng iskrip at pagdidirehe sa teatro.

Si Dr. REUEL MOLINA AGUILA ay kinilála sa kaniyang matagumpay na itinanghal sa bayan ang mundo ng panitikan na sumasalamin sa realidad ng lipunan. Matapang na ibinahagi ang kaniyang talino sa pagsulat ng tulâ, dulâ, sanaysay, at maikling kuwento. Lumikhâ ng kamalayan sa mga isyung pambayan gámit ang kaniyang talino sa pagsulat ng iskrip sa teatro, pelikula, telebisyon, radyo, at komiks.  Iminulat  ang bayan sa mga titik ng kaniyang awit at sa pagsasánib ng tulâ sa retrato at bidyò.

Si JOSE IÑIGO HOMER LACAMBRA AYALA o mas kilalá sa pangalan na Joey Ayala ay kabílang sa mga ginawaran ng Dangal ng Panitikan dahil sa kaniyang pagpapaalingawngaw ng mayamang tradisyon ng katutubong musika. Inilapit niya sa mga Filipino ang pamanang pangkulturang mula sa iba’t ibang pangkatin ng Filipinas.

Si PROPESOR PATROCINIO V. VILLAFUERTE na isang edukador ay kinilála ng Komisyon sa Wikang Filipino dahil sa kaniyáng katangi-tanging ambag sa Wikang Pambansa sa lárang ng edukasyon gamit ang kaniyang angking talino sa pagtuturò, pagsusulát ng mga akdang pampanitikan, pag-eedit ng mga teksbuk, at pagsasánay sa mga mag-aarál at guro sa iba’t ibang antas sa loob ng limampung taon (50).

Si RAUL G. FUNILAS na isang Eskultor at Makata ay tinanghal na Dangal ng Panitikan 2020 dahil sa pagpapamálas ng kaniyang angking talino sa sining bílang eskultor, makata, at artista sa teatro na nagtatampok at nagsusúlong ng kulturang Filipino.

Ang KATAGA, Samahán ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc. ay ang kabílang sa nabigyan ng gawad Dangal Panitikan 2020 dahil sa paggámit nilá ng wikang Filipino bílang lakas at sandata sa masining at makabuluhang pagsusulát ng panitikan mulâ sa karanasan ng lipunan upang maging ambag sa pagpapanibago nitó.