TATLONG mag-aaral na nagpahayag ng kanilang pag-ibig sa sariling wika ang hinirang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bílang mga unang nagsipagwagi sa Gawad Jacinto, timpalak sa pagsulat ng sanaysay hinggil sa mga katutubong wika.
Nasungkit ni Lalaine F. Lacdao ng Agusan Del Norte ang unang gantimpala sa kaniyang sanaysay na “Katutubong Wika: Sinag ng Pagkakakilanlang Filipino.”
Tinalakay sa sanaysay ni Lacdao ang halaga ng pagyakap sa mga katutubong wika ng Filipinas.
“Nagsisimula ang lahat sa pagtanggap at pag-angkin,” sabi niya sa sanaysay. “At ito’y nararapat lámang na gawin sa mga katutubong wika natin,” dagdag pa ng mag-aaral na nása baitang 11 ng Nasipit National High School.
May nakalaang PHP20,000 gantimpala para kay Lacdao. PHP15,000 at PHP10,000 naman ang ipagkakaloob nang magkahiwalay kina Peter Ryuken B. Hermosura ng Bulacan (ikalawang gantimpala para sa “Epifanio sa Hapag”) at Jester G. De Leon ng Nueva Ecija (ikatlong gantimpala para sa “Wika Nati’y Katutubô, Hindi Katútubô”).
Pararangalan ang mga mag-aaral sa Pammadayaw, gabi ng parangal at pasasalamat ng KWF sa 27 Agosto 2019, sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP).
Nagsilbing hurado sa timpalak ang batikang manunulat na si Dr. Fanny Garcia, Dr. Jovito Miroy ng Pamantasang Ateneo de Manila, at Dr. Emmanuel de Leon ng Unibersidad ng Santo Tomas.
Bahagi ang timpalak sa hangarin ng KWF na mahimok ang mga kabataan tungo sa aktibong partisipasyon at pagtataguyod ng mga katutubong wika ng Filipinas. Tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.