By Jaime Babiera
Ang pagko-commute ay bahagi na nang pang-araw-araw na buhay nang maraming Pilipino. Kagaya ko, ito na ang aking kinasanayang paraan upang makarating sa mga lugar na nais at kailangan kong patunguhan. Marami na akong naipon na karanasan sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan simula noong nag-aaral pa lamang ako sa kolehiyo hanggang sa ngayon na nagta-trabaho na ako. At hindi ko maikakaila na karamihan sa mga karanasang ito ay masalimuot at hindi kaaya-aya.
Matagal ng problema ng publiko ang congested o mabigat na daloy ng trapiko. Marahil ay nakasanayan na ng karamihan ang gumising at umuwi ng maaga para makaiwas at hindi ma-stuck sa trapik lalo pagsapit ng tinatawag na rush hour. Ngunit para sa komyuter, unang yugto pa lamang ito ng kanilang kalbaryo sapagkat kapag hindi umuusad ang galaw ng mga sasakyan sa kalsada, nangangahulugan itong mahaba ang pila ng mga pasahero sa terminal. Sa mga pagkakataong hinahabol mo ang oras upang hindi ma-late ay tila ba naglalahong parang bula ang mga pumapasadang PUV at hindi magawang i-accomodate ang bugso ng mga byaherong naiinip na sa terminal. Madalas ko itong maranasan sa pila ng mga jeepney lalo tuwing gabi. Sa aking tansya ay pinakamabilis na ang kalahati hanggang isang oras na pagitan bago dumating ang sunod na byahe. Kung iisipin ay hindi naman gaanong katagal ang kalahati o isang oras, ngunit para sa mga pagod at gutom na mga komyuter mula sa trabaho at eskwelahan, ang bawat minutong lumilipas ay parang isang araw. Kaya’t ang mga tagpo tulad ng siksikan, balyahan, agawan, habulan, at tulakan sa tuwing may dumarating na jeep ay maituturing nang normal na kaganapan sa loob ng terminal.
Base sa mga karanasan na aking isinalaysay, hindi maitatangi na ang kasalukuyang sistema ng pampublikong transportasyon sa ating bansa ay lubos na nangangailangan ng upgrade o reporma. Maganda ang isinusulong na PUV modernization program ng ating gobyerno. Kung ito ay maipapatupad nang maayos at maisasakatuparan ang mga layunin, hindi malayong makapagbigay ito ng magandang pagbabago sa magulong anyo ng ating public transportation at makatulong rin nang malaki sa pag-conserve ng ating kapaligiran. Subalit, bahagi ng napipintong pag-modernize ng mga PUV ay ang pag-phase out ng mga traditional jeepney at iba pang pampublikong sasakyan na higit labing-limang taon nang pumapasada. Gaya ng marami nating kababayan, ito ay mariin kong tinututulan.
Ang pangunahing sektor na apektado ng phase-out program na ito ay ang mga tsuper at mga operator na nahihirapan makipag-consolidate dahil sa kakulangan ng pondo. Pangalawa ay tayong mga komyuter lalo kung kakaunting tsuper lamang ang mapasali sa kooperatiba at mabigyan ng provisional authority to operate. Kung mangyaring mawala sa lansangan ang karamihan sa mga jeepney na pumapasada ngayon, paniguradong hindi sasapat ang bilang ng mga pampublikong sasakyan na maghahatid at susundo sa mga pasahero araw-araw. Mas hahaba pa ang mga pila sa terminal at ‘di malabo na ang kalahati hanggang isang oras na pag-aantay sa susunod na byahe ay magiging tatlo o limang oras. Hindi ito maganda at hindi dapat ito ituring na pangkaraniwang bahagi ng buhay ng mga ordinaryong mamamayang walang kakayahang bumili ng sariling sasakyan. Ang tuluyan at agarang pagpapatupad ng proyektong ito ay magiging dagdag pasakit lamang sa mga komyuter. Malinaw na hindi ito ang minimithi nating pagbabago sa sistema ng ating pampublikong transportasyon.
Malayo pa ang lalakbayin ng usaping ito hinggil sa PUV modernization at pag-phase out ng mga traditional jeepney. Maraming importanteng bagay pa ang dapat isaalang-alang bago ito tuluyang ipatupad. May ilang probisyon rin sa orihinal na plano ang dapat pang mas pag-aralan at repasuhin kung kinakailangan. Ngunit kung ano’t ano man ang mapagdesisyunan sa hinaharap, nararapat lamang na ito ay patas at pabor hindi lamang sa panig ng mga tsuper at mga operator kundi maging sa panig rin ng mga komyuter.
Bago ko tapusin ang piyesang ito, nais kong manawagan at mag-iwan ng ilang mumunting kahilingan sa ating gobyerno:
Una, pakinggan ninyo at subukang mas unawain pa ang ating mga magigiting na drayber ng jeep. Gaya natin ay naghahanap-buhay lamang din sila para sa kani-kanilang mga pamilya kaya’t makabubuti kung bibigyan ninyo sila ng konkretong garantiya na sa pagpapatupad ng programang ito ay hindi sila mawawalan ng pinagkakakitaan. Sa panahon ngayon na damang-dama ang epekto ng mataas na inflation, marahil ay hindi na sapat ang mga salita at pangako lamang.
Pangalawa, huwag ninyo sanang isantabi at ipagsawalang bahala ang iba pang mga problema na kinakaharap at lubos na nagpapahirap sa mga komyuter araw-araw gaya ng matinding trapik at mahahabang pila sa mga istasyon at terminal. Ang mga ito ay nangangailangan din nang sapat na atensyon at agarang solusyon.
Uulitin ko, maganda ang adhikain ng Public Utility Vehicle Modernization Program. Ngunit sa pagbalangkas ng panukalang ito, huwag sana nating kalimutan na dapat rin nating isaalang-alang ang kapakanan ng bawat mamamayan sa ating bansa lalo’t higit ang mga nasa laylayan ng lipunan gaya nating mga komyuter.
Jaime Babiera is a writer based in Batangas. You may reach him at jaime.babiera@yahoo.com