By Lourdes Nadonga
Maaaring mabawasan, lumiit, kumonti, pero hinding-hindi mawawala ang pag-asa.
Napatunayan yan ng libu-libong pamilya na naharap sa mga matinding pagsubok sa buhay dahil sa pandemya, pero muling nagkaroon ng pag-asa sa tulong ng programang Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa (BP2) ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Executive Order No. 114 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, hinihikayat ng BP2 ang mga nakatira sa National Capital Region at karatig lugar na permanente ng manirahan sa probinsya upang mabalanse ang pag-unlad sa Metro Manila at mga probinsya. Makakatulong din ito para mabawasan ang pagsisiskip ng mga lugar sa Metro Manila.
Sisiguruhin ng gobyerno na hindi sila pababayaan, at bibigyan pa sila ng abot-kayang serbisyo, at trabaho para sa lahat.
“Hindi kayo pababayaan. We just encourage everyone to make the necessary decision. A very fundamental decision or option na pwede natin bigyan ng pangalawang pagkakataon ang ating sarili, and take on the new challenge, the new hope na nabibigay ng ating programa,” sabi ni National Housing Authority (NHA) General Manager (GM) at BP2 Council Executive Director Marcelino Escalada Jr.
Para sa tuluy-tuloy at maayos na implementasyon ng programa, hinati ng BP2 Council, kasama si GM Escalada Jr., ang mga ahensya ng gobyerno sa iba’t ibang cluster para idetalye ang kanilang mga responsibilidad.
Kabilang ang Department of Transportation (DOTr) sa mga natatanging ahensya na katuwang ng BP2 sa pagbibigay ng libreng pamasahe, tiket, o booking ng mga benepisyaryong uuwi sa kanilang probinsya.
May handog na Transitory Family Support Package ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa P50,000 depende sa pagtataya ng social worker. Ito’y para sa pangangailangan ng pamilya habang lumilipat sila ng tahanan. Bukod dito, may kaloob pang livelihood settlement grant ang departamento na aabot rin sa P50,000, bilang panimulang kapital ng mga gustong magnegosyo.
Habang naghihintay naman ang mga benepisyaryo ng kanilang housing units mula sa NHA, may karagdagan pang tulong ang DSWD na Transitory Shelter Assistance, o subsidiya para sa pang-renta nila ng bahay na hindi lalagpas sa P240,000 sa loob ng dalawang taon.
Hindi rin sila magugutom sa probinsya dahil sa mga teknik at produktibong pagsasaka na ituturo ng Department of Agriculture (DA). Sa ganitong paraan, lalakas ang kanilang kita, at magkakaroon ng seguridad sa pagkain. Makabago naman ang mga teknolohiya at makina na ibibigay ng Department of Trade and Industry (DTI) bilang pantulong sa kabuhayan ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
I-le-level up naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kakayahan ng mga benepisyaryo upang makahanap ng mas maraming trabaho at oportunidad na angkop sa kanila, at makatulong para lumago ang kanilang kabuhayan.
Simula noon hanggang Mayo 2022, pumalo na sa mahigit 700 benepisyaryo ang nakabalik sa kani-kanilang probinsya sa tulong ng BP2. Sa parehong panahon, nagkaloob din ng iba’t ibang porma ng assistance ang programa sa mahigit 2,500 pamilyang nagdesisyon na umuwi gamit ang kanilang sariling pera.
Mag-apply bilang benepisyaryo ng programa sa www.balikprobinsya.nha.gov.ph o sumangguni sa opisyal na Facebook page ng programa: @balikprobinsya.ph.