Mga Sinungaling

Ni John Iremil Teodoro

BUMABAHA ang mga fake news ngayon sa social media mula sa Kampo ng Kasamaan (Duterte Camp) lalo na ngayong nakakulong na si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Nag-level up na kasi nang bongga ang tunggalian sa pagitan ng Kampo ng Kadiliman (Marcos) at Kampo ng Kasamaan, ang dating Uniteam na ang plataporma ay pambubudol sa botante.

May lumang kasabihan tayo na, “Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Mukhang kailangang i-update ito. Gawing mas klaro: “Ang sinungaling at ang magnanakaw ay iisa.” Sa kaso ng mga Marcos at Duterte ay totoong-totoo ito. Kulang ang ilang volume ng libro kung isa-isahin natin ang mga pagsisinungaling at pagnanakaw nila. Ang mga dutertard naman at ang mga Marcos loyalist, sa pagsisinungaling nila at sa pagpapalaganap ng mga kasinungalingan, pinagnanakawan nila ng kinabukasan ang ating bansa.

Halimbawa, kapag sinasabi ni Sara Duterte na, “Mahalin natin ang Filipinas (Sori po, Ortograpiyang Pambansa talaga ang sinusunod ko na ispeling),” pagsisinungaling ito dahil bakit niya ibinibigay ang pera mula sa kaban ng bayan sa mga tulad nina Mary Grace Piattos at Jay Kamote na hindi mga totoong tao at gawa-gawang pangalan lamang? Bakit ang bastos niya sa mga inquiry ng Senado at Kongreso? Bakit ayaw niyang magpaliwanag sa taongbayan kung paano niya ginastos ang confidential fund ng mga opisina niya?

Siyempre sasabihin ng mga dutertard na si Bong Bong Marcos ay sinungaling din. Agree to the max ako rito. Nagsinungaling siya tungkol sa academic credentials niya, nagsinungaling din siya nang mangako siyang gawing PhP20 per kilo ng bigas kahit alam niyang imposible ito dahil gusto lang niyang makakuha ng boto. Higit sa lahat, at dito ako masaya sa pagsisinungaling niyang ito, hindi raw kilalanin ng administrasyon niya ang ICC. Na-charot niya nang bongga ang Kampo ng Kasamaan at naiihi ako sa sobrang excitement habang pinapanood noong isang linggo sa TV ang pag-aresto kay Rodrigo Duterte! Napuyat ako. Hindi talaga ako natulog hanggat hindi ko nakita ang footage ng paglipad ng private jet na nagdala kay Duterte sa The Hague.

Pathetic ang ginagawa ngayon ng Kampo ng Kasamaan na palabasing biktima si Duterte ng kawalan ng due process at human rights. Sa sobrang engot ng mga dutertard, hindi nila nakikita ang napakalaking kabalintunaan, ang glaring paradox, ng claim na ito. Kayâ nakakulong sa ICC ngayon si Duterte dahil noong mayor at presidente siya systematic ang ginawa niyang paglabag sa human rights ng mga natokhang (libo-libo sila!) na basta na lamang pinatay ng mga pulis at ng DDS (Davao Death Squad, Duterte Death Squad) sa paraang ng extra-judicial killing o EJK. Kapag sinabi nating EJK, wala itong due process.

Ngayon may kasinungalingan na namang pinapalaganap ang mga dutertard. Bakit 37 lang daw ang mga kaso ng EJK na nakasampa sa ICC? Nakakaloka. Sige nga, isampa nga natin ang 6,000+ cases na ayon sa figures ng Philippine National Police o ang 30,000 na ayon sa mga independent human rights group. Baka kukulangin ang 50 years para sa paglilitis! Hindi naman puwedeng mag-attend ng hearing ang kalansay ni Duterte dahil 80 na siya ngayon. Kunsabagay, kakayanin pa ito ng buhay ni Honorable Senator Bato dela Rosa, ang pangunahing tagapagpatupad ng madugong pekeng drug war ni Duterte.

Speaking of another honorable senator, si Bong Go, nakakatuwa ang madramang pagsisinungaling niya tungkol sa pagkaladkad kay Duterte paakyat ng private plane na may promong free trip to the Netherlands, na sana all naka-private plane kapag pumunta ng Europa, na nakapaa lang at ni tsinelas ay wala! Siyempre ang mga uto-utong dutertard sa “Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong” ng PDP-Laban sa Liwasang Bonifacio noong Marso 15 ay naiyak naman sa kuwentong ito dahil sobra namang inaapi ang tatay nilang the best president in the solar system. Magsisinungaling lang din hindi pa pulido. Hindi man lang nag-iisip na sa panahon ng social media, may nag-post in real time ng picture ni Duterte sa private jet at nakasapatos ito!

Ang trahedya nito para sa bansa, malakas na kandidato para sa pagkasenador si Bong Go kahit sinungaling. Nangunguna siya sa Pulse Asia survey nitong Pebrero 2025. Number one siya na may 58.1% na voting for rating at 100% na awareness rating. Bongga di ba? Bakit? Dahil din sa isang kasinungalingan. Pinapalabas niya na sa kaniya ang Malasakit program na para bang sariling pera niya ito. May mga nakakausap ako sa Antique na nagkasakit o may kapamilyang nagkasakit, naospital, “humingi ng tulong sa Malasakit Center ni Bong Go,” at walang binayaran sa ospital. Kayâ pakiramdam nila may utang na loob sila kay Bong Go. Wala naman kasing nagpapaliwanag sa mga tao na proyekto at pera ito ng gobyerno na nilikha ng “Malasakit Center Act” at si Bong Go ay nag-e-epal lamang dahil bilang side kick ni Duterte siya lagi ang nagri-ribbon cutting.

Tama talaga ang mga dutertard sa pagsabing, “Iyak mga pinklawan.” Hindi man talaga ako buong-buo na pinklawan at yellowtard (Very critical din ang mga sinusulat ko noon tungkol kay PNoy), naiiyak talaga ako sa sobrang frustration sa mga kasinungalingan ng mga politiko ngayon, mapa-Kampo ng Kadiliman o Kampo ng Kasamaan man sila.

Bumabaha sa social media ang mga fake news ngayon at marami pa rin ang nauuto. May mga kakilala akong manunulat na nagpapakalat din ng mga kasinungalingang ito. Yung iba dala lang siguro ng masidhing idolatry at yung iba feeling ko bayarán o may nakuhang pabor mula kay Duterte. May iba nga na mukhang funded ng China. Remember, tuta ng China si Duterte.

Para sa akin nuknukan ng kasamaan kung ang isang manunulat mismo ang magpapakalat o tutulong sa pagpapakalat ng kasinungalingan. Ang mga manunulat ang pinakamagaling na gumamit ng wika at dapat gamitin nila ang galing na ito upang isulong ang mga universal value ng katotohanan na siyang sandigan ng katarungan at kapayapaan. Dapat mataas ang respeto ng isang manunulat sa wika. Kung manunulat kang sinungaling, sinisira mo ang dignidad ng pagiging manunulat. Marunong o magaling ka lang magsulat pero hindi ka manunulat.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here