Midsommar

By John Iremil Teodoro

SA maliit na bilog na mesa sa kusina ng bahay ni Morsan sa Marhult, mga ten-minute drive mula sa sentro ng Lenhovda kung nasaan ang bahay nina Mimi, ay may flower vase ng sari-saring ligaw na bulaklak. Morsan ang tawag sa nanay sa Svenska. Nanay siya ni Jonas, ang Swedish na bana ng kapatid kong si Mimi. Doon kami sa mahigit 150 year old na ancestral nina Jonas nag-celebrate ng Midsommar o Midsummer Day, isang mahalagang holiday sa Sweden, noong Sabado Hunyo 22.

May lumang paniniwala ang mga Swedish na mamitas ka ng pitong klase ng mga bulaklak at ilagay mo ito sa ilalim ng iyong unan bago ka matulog sa Midsummer Eve. Mapapanaginipan mo raw ang iyong magiging asawa o bana. May mga Midsummer maypole din, poste na hugis arrow sa taas at balot ito sa mga dahon at bulaklak. Phallic symbol ito para sa fertility at sinasayawan at kinakantahan paikot ng mga tao. Ang tawag sa sayaw nila ay frog dance dahil tumatalon-talon sila na parang mga palaka. Ang pamagat ng kanta nila ay “Sma Grodorna” o “The Small Frogs.” Ang bilis nga namang manganak ng mga palaka!

Walang maypole sa Lenhovda kayâ ang sabi sa akin nina Mimi at Jonas noong Midsummer Afternoon habang nagba-barbicue kami sa garden nila, maghahanap kami ng maypole sa mga karatig lugar pagkatapos namin kina Morsan. Gusto ko kasi talagang makakita nito. Ang siste, umuulan noong Midsummer Day. Simula lunch time hanggang kinagabihan umuulan pa rin. Pointless nang maghanap pa ng maypole.

Sa unang pagbisita ko rito sa Sweden noong 2016, malakas pa si Morsan at kapag bumibisita kami sa bahay niya kada Linggo, non-stop siya sa pagluluto. Kilala siya sa lugar nila na magaling magluto at noong bata-bata pa siya ay nagki-cater siya. Tinuruan pa niya ako noon kung paano magluto ng dalawang sikat na tradisyonal na Swedish na pagkain—ang kanelbullar (cinnamon bun) at köttbullar (meatballs). Sa Filipinas, kadalasang maririnig ang mga pagkaing ito mula sa mga kumain at nag-shopping sa IKEA.

Hindi na kaya ni Morsan magluto nang marami ngayon. Kayâ ang dalawa niyang anak na sina Jonas at si Erik na bumili ng mga pagkain. Pero ayaw pa rin paawat ni Morsan. Pagdating namin nagpiprito siya ng köttbullar. Siya pa rin ang nagmamando sa dalawang anak niyang lalaki kung anong mga pinggan, platito, tasa, at mga kubyertos na gagamitin. Hindi lang sa lasa, pagiging healthy, at bonggang presentation ng pagkain conscious ang mga Swedish. Partikular din sila sa mga gagamitin sa pagkain. Medyo magastos sa hugasán kasi hindi maaaring sa pinggan mo ilagay ang dessert. Sa platito dapat ito. Ang pinggan, platito, at tasa ay magkakaterno dapat. Kunsabagay halos lahat ng bahay naman dito sa Sweden ay may dishwasher.

Dahil espesyal ang okasyon doon kami kumain sa malaking kumedor. Pagpasok ko pa lang pakiramdam ko pumasok ako sa mga pahina ng coffetable book ng Scandinavian interior design. Antigo at heirloom pieces ang lahat ng muwebles at mga dekorasyon. Tuwang-tuwa ako sa spinning wheel dahil naalala ko agad ang “Sleeping Beauty” na isang European folktale. Ang mga kristal at porselanang flower vase sa silid na iyon ay walang sinabi ang mga binibili ko sa H&M Home sa Manila.

Ang bida sa mesa kapag Midsummer ay ang jordgubbstarta o strawberry cake. Ito ang cake na ang prominent na dekorasyon ay strawberries. At Swedish strawberry lang dapat—malalaki at kumikintab na parang plastic. Two weeks ago nang dumating ako, tag-50 kroner lang ang isang balot (siguro kalahating kilo) ng strawberries sa ICA, major chain ng grocery store. Pero nang mag-Midsummer na, naging 75 kroner na ito. Sabi ni Mimi mabuti nga raw hindi umabot ng 100 kroner. Wala naman kasing choice ang mga tao kundi bumili dahil hindi kumpleto ang kainan sa Midsummer kapag walang strawberries.

Mas maganda sana ang jordgubbstarta kung si Morsan ang gumawa. Ang kinain namin nitong nakaraang weekend ay binili lang sa ICA. Naalala ko nang mag-7th birthday ang pamangkin kong si Juliet noong 2016, ang ganda ng cake na ginawa ni Morsan. Mga hiniwang peach ang dekorasyon. Ang tipo ng cake na ayaw kong i-slice at kainin dahil sayang ang ganda.

Isang araw bago ang Midsummer Eve, marami akong nakakasalubong na galing ICA na may dalang strawberry cake. Tinanong ko si Mimi kung may baker ang ICA. Sabi niya ang jordgubbstarta na binibili sa ICA ay machine made. Napakataas kasi ng demand nito kapag Midsummer.

Bago ako matulog noong Midsummer Eve, hinanap at gin-download ko sa Internet ang dulang Miss Julie ni August Strindberg dahil naalala ko Midsummer ang panahon ng dula at ang lunan ay bahay ng isang nobility dito sa Sweden. Ang anak ng isang conde na si Miss Julie ay nakikipaglandian sa valet ng kaniyang ama sa Midsummer Night. Medyo nakalimutan ko na ang dula kayâ minabuti kong basahin uli ito. Tamang-tama, Midsummer at nandito ako sa Sweden. Medyo nagsisi ako kung bakit ko binasa ito dahil depressing ang dula. Pathetic ang karakter ni Miss Julie subalit maiintindihan kung bakit siya ganoon. Noong 1888 unang nalathala ang full-length play na ito na may one act at ibang-iba na ang Swedish society ngayon.

Habang nakaupo ako sa malaking couch sa bahay ni Morsan at pinapanood ang mahinang ulan sa labas na naka-frame sa mga puting bintana na may mga halaman at bulaklak, naiisip ko si Miss Julie. Ang lungkot ng kaniyang buhay ay parang nandiyan pa rin sa buhay ng mga taga-Sweden. Kung meron man akong reklamo dito sa Lenhovda, napaka-palpable ng lungkot sa setting na maganda, malinis, at maayos. Hindi man kasing tragic o masalimuot ng buhay ni Miss Julie ang buhay ng mga tao rito, parang ang lungkot pa rin ang dating sa akin. Siguro dahil kaunti lang mga tao rito. O bakâ ako lang talaga ang malungkot dahil ang layo-layo ko sa Maybato. Pero naiisip ko rin, hindi naman ako naho-homesick dahil “home” din naman para sa akin itong Lenhovda at lalo na itong Sirenahus.

Bago mag-umpisang umulan noong Sabado, nakapaglakad pa ako konti sa paligid ng bahay ni Morsan. Bubot pa ang mga mansanas. Mas maraming berde pa ang mga bunga ng cherry trees sa paligid. Konti na rin ang mga bulaklak ni Morsan dahil hindi na rin niya kayang mag-garden sa labas. Gayunpaman, marami pa ring bulaklak sa paligid ng kaniyang bahay. Pero iyon nga, naputol ang aking paglalakad kasi nag-umpisa nang umambon.

Habang pinapanood ko ang ulan sa labas, naalala ko rin ang “Sonnet 18” ni William Shakespeare. Totoong-totoo nga itong sinabi ng soneto na mas maganda talaga ang iniirog kaysa tag-araw dahil, “Rough winds do shake the darling buds of May, / And summer’s lease hath all too short a date; / Sometime too hot the eye of heaven shines, / And often is his gold complexion dimm’d.” Ganito talaga ang Swedish summer. Sumisikat ang araw pero biglang uulan. Umuulan pero biglang sisikat ang araw. Pero kung minsan, tulad noong Midsummer Day, halos buong araw umulan.