By John Iremil Teodoro
DAHIL lumaki ako sa pagbabasa ng Ladybird Series na mga librong pambata hindi maiwasang nakaukit ang Europa sa aking imahinasyon. Naging matingkad ang pakiramdam na ito nang magbakasyon kami noong nakaraang linggo sa Öland, isang island province sa southern Sweden sa may Baltic Sea. Tatlong araw at dalawang gabi kaming nanatili sa isang beach house sa lugar na ang tawag ay Möllstorps na nasa pine forest at dalampasigan.
Mula sa highway ay may maliit na aspaltadong kalsada sa gitna ng gubat. Sa dulo malapit sa dagat na may view ng tulay, may kalsada na may hilera ng mga tradisyonal na Swedish na bahay na karamihang kulay pula na ang mga hardin ay namumutiktik sa mga bulaklak. Napakaraming rosas! May pula, may puti, may dilaw. Marami din puno ng mansanas at cherries. Agad kong naalala ang mga bahay nina Hansel at Gretel, ni Rapunzel, at ng mga duwende ni Snow White. Sa tatlong araw na nanatili kami roon, lakad ako nang lakad, ninanamnam ang mala-fairy tale na kagandahan ng lugar.
Doon kami tumira kina Aileen, kaibigan ni Mimi na taga-Cancepcion, Iloilo, at ng bana niyang Swedish na si Lennart, at dalawa nilang binatilyong anak na sina Samuel at David. Ang beach house nilang napapalibutan ng mga bulaklak ay may maliit na cabin din na parang maliit na Sirenahus at doon kami natulog. Kuwento sa akin ni Lennart, ang bahay nila ay 75-year-old na at ang cabin ay mahigit nang isandaang taon. Ang property na ito ay minana nila sa kanilang lolo. Nasa compound din nakatira ang kapatid niyang pulis at ang pamilya nito. Malawak ang kanilang berdeng bakuran na walang sawang patakbo-takbo si Evert John doon.
Sa Växjö talaga nakatira at nagtatrabaho sina Aileen at Lennart, at doon din nag-aaral ang dalawa nilang anak. Nasa Öland lang sila kapag summer vacation nila. Tumatanggap din sila ng mga bisita na nagbabayad ng lodging at pagkain. Siyempre kami libre. Maraming bahay doon sa lugar nila ang walang tao kapag hindi summer dahil beach houses naman talaga ang nandoon. Ang mga permanenteng nakatira doon ay mga pensioner dahil perpekto nga namang retirement place ang Möllstorps. May dalawa akong gustong-gustong bahay doon (at least mula sa labas): isang malaking bahay na may balkonahe na nakaharap sa dagat at ang tatanggad ang mga puno ng rosas nilang puti, at ang isang compound ng maliliit na bahay na damuhan ang mga bubong na marami ring rosas na pula sa paligid.
“Ito ang Boracay ng Sweden,” ang sabi sa akin ni Mimi habang tumatawid ang bus na sinasakyan namin sa anim na kilometrong tulay mula sa lungsod ng Kalmar patungong Färjestaden sa Öland. Pero siyempre ibang-iba ang lugar na ito sa Boracay. Unang-una, malamig pa rin. At least sa pakiramdam ko. Umabot kasi ang temperatura sa 26 degrees at si Mimi ay reklamo na nang reklamo na naiinitian siya. Ako, naka-sweatshirt pa rin. At kapag nakatayo o nakaupo ako sa lilim, ramdan na ramdam ko ang malamig na dapya ng hangin.
Bukod sa rosas, marami ding mga dilaw na bulaklak na praktlysing (Svenska para sa “magnificence”) na ang scientific name ay Lysimachia punctata (Salamat sa Google!). Ang common names nito sa Ingles ay large yellow loosestrife at circle flower na kabilang sa primrose family. Maraming-marami ito sa mababang bakod na bato nina Aileen at nakakalat ito sa mga tabing-kalsada sa Möllstorps at sa bakuran din ng mga bahay doon.
Sa dulo ng kalsada sa dalampasigan ng Kalmar Sound ay may maliit na wharf na yari sa mga bato. May maliit na white sand beach na may nakatayo pang maypole na ginamit noong nakaraang Midsummer. Doon naglalaro si Evert ng buhangin. Sa dulo ng wharf ay may platform na yari sa kahoy. May mga nakatali na dinghy doon. May isa pa ngang speed boat na pula. Doon may hagdanan pababa ng dagat kung saan maaaring mag-swimming. Pass ako sa swimming siyempre dahil masyadong malamig ang tubig para sa akin. Patunay na hindi ko talaga kamag-anak ang Little Mermaid sa Copenhagen!
Ayon sa isang beautifully designed at well-written na brochure tungkol sa Öland na nakuha ko nang libre sa turistbyrå o tourist center malapit kina Aileen, kilala talaga sa mga tao sa Sweden at iba pang bansa sa Europa ang kanilang isla bilang summer and swimming capital. Ang mga libreng brochure nila ay available sa tatlong wika: Svenskla, German, at British English (may flag ng UK ang estante kung saan makukuha ang mga nakasalin sa Ingles). Gusto rin nilang makilala din ang Öland bilang all year-round destination. Ang mga orkidyas daw nila ay sumisibol sa spring, kahit daw ang mga snowstorm o fåken nila kapag winter ay maganda! Ang tourism tagline nila: “The island of sun and wind,” hindi “Love the Öland.” Char!
Walking distance din kina Aileen ang Möllstorps Camping. Pagdating na pagdating namin doon noong Huwebes ng hapon agad kaming nag-walking pagkatapos mag-late lunch. Dinala niya kami roon sa camping grounds sa tabi ng dagat. Dahil summer na, medyo festive ang mood doon. Maraming campers at tent. Yung ibang tent parang bahay na talaga. Sa convenience store doon, bumili kami ng ice cream dahil nga silang mga taga-Sweden ay naiinitan na talaga. Habang kumakain kami ng ice cream sa labas, may dumaan na lalaking mukhang Filipino na naka-topless. Siguro in his thirties siya. Shorts lang sa suot at nagmumura ang kaniyang kayumangging abs. Suspetsa namin Pinoy na may asawang Swedish. Tinanong siya ni Aileen sa Svenska kung Filipino siya. Tumatawang sumagot ang lalaki na Thai siya. Sabay-sabay kaming tatlo na nag-greet sa kaniya ng “Sawadeeka!” Siyempre, “Sawadeekrab” ang sa akin. Isang buwan yata akong nanatili sa Thailand noong Abril. May sampung Thai phrase akong nakabisado!
Kain kami nang kain doon kasi luto nang luto si Aileen. Ang welcome lunch niya sa amin ay nilagang baboy, lumpia, at white rice. Sabi ni Mimi magaling daw talaga siyang magluto. At proud na sinabi sa akin ni Aileen na Filipino food palagi ang niluluto niya at sanay daw si Lennart at ang dalawang bata kumain ng mga luto niya. Nagluto rin siya ng bicho-bicho. “Ate, puwede ka na maglibod diri sang bicho-bicho!” biro ni Mimi. Nasarapan ako sa bicho-bicho niya. Puwede ngang ilako. Kuwento ko, hanggang ngayon, may naglalako pa rin ng bicho-bicho sa Maybato kada hapon. At naisip ko, bili nga ako pag-uwi ko.
Sabado ng umaga nang sinundo kami ni Jonas doon. Mga isang oras at kalahati lang na drive kasi ito mula Lenhovda. Dahil may trabaho siya noong Huwebes, nag-commute lang kami papunta: 45 minutes na bus mula Lenhovda papuntang Växjö, then isang oras na biyahe sa tren pa-Kalmar, at 15 minutes na bus pa-Öland. Sa bus stop kami ng Möllstorps mismo bumaba na na pagbaba lang ng Öland Bridge, na sabi ni Lennart, “the longest bridge in Europe” nang mayari ito noong 1970s. Kumain muna kami ng lunch (Muli may lumpia at kanin) at nag-fika (Nag-bake ng mango pie si Lennart) kayâ mga alas-sais ng hapon na rin kami nakarating ng Lenhovda.
Isang maliit na slice lang ng Öland ang nakita ko sabi nina Jonas at Mimi. Ayon sa tourist brochure, 137 kilometro ang haba ng isla at 16 kilometro ang pinakamalawak na bahagi nito. Sa katunayan, nakakuha rin ako ng brochures na dedicated lang sa mga pasyalan sa Northern Öland at Southern Öland. Ang Möllstorps ay nasa gitna lang. Napakaraming camping site, hiking trail, ecotourism farm, nature reserve, parola, at may kastilyo pa sa isla. Balak nina Jonas at Mimi na mag-day trip pa kami sa Öland bago ako umuwi.