Moratorium sa Pagbili ng Damit

By John Iremil Teodoro

DAHIL masyado akong magastos sa aking nagdaang sabbatical leave na nagsimula noong Setyembre 2023 at nagtapos nitong Agosto 2024, kailangan kong magtipid at naisip ko na huwag munang bumili ng damit at sapatos ngayong nalalabing bahagi ng 2024 hanggang sa buong taon ng 2025. Kailangan kong gawin ito para mas maisakatuparan ko ang aking financial goal.

Puspusan na akong naghahanda para sa binabalak kong early retirement mula sa De La Salle University mga limang taon mula ngayon. Magpi-51 na ako ngayong Nobyembre at balak kong magretiro mula sa trabaho ko sa Manila sa edad na 55. Gusto ko na kasing umuwi for good sa Antique at tumira sa ancestral home namin sa Maybato at sa binabalak namin ng partner kong si Jay na maliit na garden resort sa kabundukan ng Aningalan sa bayan ng San Remigio. Gusto kong makapag-walking araw-araw sa isang lugar na walang polusyon at kumain ng mga gulay at prutas na kami ang nagtanim at nag-ani.

Magastos mag-sabbatical leave. Kahit na tuloy ang suweldo subalit mas marami ang pinagkakagastusan kasi hindi ka nagtatrabaho. Tatlong beses akong nagbiyahe abroad: sa Bali noong Oktubre 2023, sa Thailand noong Abril 2024, at sa Sweden noong Hunyo-Hulyo 2024. Iyung sa Thailand naman kung tutuusin ay covered ng pagiging Visiting Scholar ko sa Mahidol University. Kaso na-delay ang release ng honorarium at nag-Songkran ako sa Bangkok (nasa Salaya ang Mahidol) na may kasamang bonggang (supermahal dahil may dalawang kaibigan akong nilibre) breakfast sa Mandarin Oriental!

Ang Scandinavia nakakabutas ng bulsa. Pagdating ko sa Copenhagen sa Denmark ay nasira ang malaki kong maleta. Nawala ang isang gulong. Cheappangels kasi. PhP1,400 lang bili ko nito sa Savemore, ang grocery store ng SM. Isang malaki at isang maliit ang binili ko. In fairness matibay din naman. Nagamit ko ito nang dalawang beses pa-Bangkok nang tanggapin ko ang S.E.A. WRITE Award ko noong Agosto 2023 at nang mag-Mahidol ako noong Abril 2024. Nagamit ko rin ito pa-Bali. Saka hindi ko mabilang ang paggamit ko nito sa mga domestic travel ko, leisure man o trabaho. Pero iyon nga, hindi kinaya ng malaki ang biyaheng Europa. Kinailangan kong bumili ng bagong maleta sa Copenhagen, na isa sa mga pinakamahal na lungsod sa mundo.

Sa Sweden hindi rin ako nakapagtipid dahil mahal din ang mga bilihin at bili ako nang bili ng mga libro at mga sale na damit sa H&M. Nag-panic buying din ako sa malaking branch ng IKEA sa Kalmar. Ilang beses din kaming lumuwas nina Mimi at Juliet sa lungsod ng Växjö para mag-eat-all-you-can sa Asian restaurant. Tulad ng Copenhagen, napakamahal din ang magbakasyon sa Stockholm.

Pinaayos ko rin ang bahay namin sa Maybato sa mga unang buwan ng aking sabbatical leave. Noong 1979 pa ito itinayo kayâ maraming dapat ipaayos. Mabuti nga napalitan agad ang bubong noong 2018 nang mamatay ang aming ama. Ilang taon ding napabayaan ang bahay namin. Ang mahal magpaayos ng bahay. Pero masaya naman ako at ang aking mga kapatid sa resulta dahil may maayos na kaming kumedor sa ground floor. Sa limang orihinal na kuwarto, tatlo na ang nagagamit na talaga. Dalawa rito ay may aircon at hindi na nakakahiyang tumanggap ng bisita.

Ang kapatid kong si Mimi na taga-Sweden ay na-excite nang magbakasyon sila noong nakaraang Pasko sa bahay. Sabi niya sisikapin niyang umuwi taon-taon dahil maganda na at kumportable ang bahay. Na-achieve ang mga ito dahil gumasta ako. Pero hindi ako nagrereklamo dahil kami rin naman ni Jay ay natutuwang tumira doon. Ang ganda na nga ng hardin namin dahil masipag si Jay magtanim ng mga bulaklak at gulay. Mayroon din siyang maliit na tilapia pond at nakakapagpamingwit na siya ng pang-ulam. Marami din siyang naha-harvest na sitaw.

Kailangan ng disiplina sa sarili upang makapag-ipon. Sabi nga nila, wala raw iyon sa liit o laki ng suweldo, kundi sa laki ng porsiyento ng kita na regular mong iniipon. Pero siyempre alam ko naman na ang hirap para sa nakararaming Filipino ang mag-save lalo na’t kulang na kulang ang minimum wage sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kayâ the fact na nakakapag-ipon ako at naisip kang magkaroon ng financial goal ay alam kong privilege ako. Siguro mas makaka-relate sa akin dito ang isang taong may stable job at single o walang anak. Mas madaling mag-save kapag nasa ganitong sitwasyon.

Ang isa sa mga paborito kong pinapanood na vlog sa Youtube ay ang kay Vince Rapisura. Guro siya ng microfinance at social entrepreneurship sa Ateneo de Manila University. Sa kaniyang librong (L)EARNING WEALTH: Successful Strategies in Money Management, A Personal Finance Guidebook (SEDPI Books, 2016) may tinatawag siyang “The 5-15-20-60 Rule.” Aniya, sa monthly income natin, dapat may nakalaan na 5% para sa insurance premium, 15% savings, 20% para sa investments o pambayad sa utang, at 60% para sa mga gastusin. Madaling gawin ito kung maging maingat sa paggastos. Ang moratorium ko pagbili ng damit at sapatos simula noong Agosto 2024 hanggang Disyembre 2025 ay malaking tulong upang makapag-impok ng 15% o mahigit pa ng aking kinikita buwan-buwan.

Siyempre naiisip ko rin na medyo madali pang magpigil sa pagbibili ng damit at sapatos sa ngayon. May dalawang pares ng Nike akong naiuwi from Sweden. Mga binili ni Mimi noong nandoon ako. Parating na rin ngayong Disyembre ang dalawang balikbayan boxes from Sweden at doon nakalagay ang maraming damit na binili ko sa H&M. Ang totoong tibay ng aking self-control ay makikita sa 2025. Isang taon din iyon na wala akong bibilhing damit at sapatos. Saka kahit brip at medyas ay hindi ako bibili. Kunsabagay, ang kapatid kong si Gary at ang asawa niyang si Verna ay mahilig magregalo sa akin ng mga damit. Hindi naman ibig sabihin nito ay wala akong bagong damit sa 2025.

So far so good ako hanggang ngayong kalagitnaan ng Oktubre. Nakakaya kong pigilan ang sarili ko sa pagbili ng damit. Halimbawa noong nakaraang linggo sa monthly date namin ng kaibigan kong si Alice sa Mall of Asia, hindi ako natuksong bumili ng kahit anong damit sa H&M at sa Calliope, ang dalawang paborito namin for window shopping pagkatapos naming mag-breakfast. Noon, halos kada punta namin doon ni Alice ay may nabibili ako. Lalo na kung may sale.

May binalikan din si Alice na cardigan blazer sa SM Department Store. Dalawang beses na raw niya itong binalikan. PhP999 kasi iyon at gusto niyang masigurong gusto pa rin niya ito bago niya bilhin. Si Alice ang modelo ko pagdating sa pagiging kuripot sa pagbili ng damit. Dahil kaniya napapadali sa akin ang mag-exercise ng delayed gratification. Kung tutuusin maraming pera si Alice at ano ba naman yung PhP999 para sa isang blazer. Sinukat ito ni Alice at tinanong ako kung maganda ba. Maganda tingnan noong nakasabit pa sa hanger pero nang suot na ni Alice parang masyado itong maluwag sa kaniya at may pagkalosyang ang bagsak. Pero magandang panlaban sa lamig. Kaso, ang biro ko kay Alice, magmumukha siyang matandang lola na nakatira sa isang wooden cottage sa Baguio! Hindi niya ito magagamit sa kaniyang pag-clinic sa ospital kayâ hindi na niya binili. Happy kaming dalawa. Halos isanlibong piso ring tipid iyon. Nang sandaling iyon nanaig kami sa sistema ng konsumerismo. Masarap sa pakiramdam kapag klaro ang financial goal mo.

Pero ang totoo, ako lang naman talaga ang may hinahabol na financial goal. Ilang taon nang semi-retired sina Alice at ang bana niyang si Alex. Sigurado akong achieved na achieved nila ang kanilang financial goal. Ngayong taon nga lang tatlong beses silang nagbakasyon abroad. Pero maganda na may kaibigan akong tulad ni Alice na hindi gastadora at simple ang lifestyle kahit may pera. Siya ang perpektong kaibigan para isang katulad kong may financial goal upang hindi maligaw ng landas pagdating sa pagwawaldas.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.