By John Iremil Teodoro
SARILI ko ang tinutukoy ko rito. Naiisip ko kasi ito habang nagpapa-picture ako sa partner kong si Jay sa mga higanteng letra na I AM ILOILO sa Iloilo Esplanade malapit sa Carpenter’s Bridge sa Molo. Kunsabagay, apat na taon akong nagkolehiyo at pitong taon na nagturo sa lungsod na ito. Eleven years iyon ng buhay ko kayâ Ilonggo nga ako. Saka favorite city ko naman talaga rito sa Filipinas ang Iloilo. Di hamak na mas feel ko taga-Iloilo City ako kaysa taga-Pasig City kung saan may bahay ako na minana ko sa aking mga magulang.
Pansamantala naming iniwan ni Jay ang aming hardin dito sa Maybato para lumuwas ng Iloilo noong nakaraang weekend para dumalo sa 11th SanAg Campus Press Awards ng University of San Agustin Publications noong March 2. Inimbitahan kasi nila akong magbigay ng keynote address. As usual, hindi ako makahindi sa mga taga-San Agustin kahit na ngayong naka-sabbatical leave ako ay tinatamad akong magbihis at magbiyahe. At dahil nandoon na rin lang kami sa Iloilo at nagkataong highlight ng Paraw Regatta Festival noong Linggo, March 3, nag-extend na kami ng isang araw para makapanood ng mga makulay na paraw at makapagkuha rin ng mga larawan si Jay.
This time sa Smallville 21 Hotel kami nag-stay dahil doon ang venue ng SanAg Campus Press Awards at sagot ng USA Publications ang pagtira namin doon. Nakakapanibago lang kasi sanay kami sa Hotel del Rio na pabirong tinatawag namin na The Official Iloilo Residence of the Sirena. For one, nami-miss namin ang simple ngunit bonggang buffet breakfast nitong paborito naming hotel sa Iloilo.
Pero ang maganda sa Smallville 21 Hotel maraming mga paborito kong puntahan sa Iloilo ang malapit dito tulad ng Boardwalk kung nasaan ang mga restawrang Punot at Jardin Mediterranean. Short walk lang ito mula sa hotel at needless to mention na ang Boardwalk ay nasa Iloilo Esplanade. Halos katapat lang din ng Smallville 21 ang The Avenue Complex kung nasaan ang Nothing But Desserts at Coffee Break na mga paborito naming pagkapehan at kung saan masarap ang mga cake. At kaunting rampa lang mula rito ang Atria, isang open air na mall na maraming restawran tulad ng iconic na Netong’s Batchoy at Madge Café. Ang orihinal na branch ng mga restawrang ito ay nasa Lapaz Public Market. Kung gusto mo ng mas authentic na Iloilo gastronomy experience, doon ka na pumunta. Pero ako, mas gusto ko ang sa Atria dahil parang nasa D’Mall Boracay ako na mas may space at di hamak na mas kaunti ang tao.
Noon pa man gusto ko na ang Atria pero nitong latest na pagbisita namin sa Iloilo, parang love ko na talaga ito. Lalo na’t may bagong bukás na art gallery doon—ang Thrive Art Gallery. Nagkakape kami ni Jay nang mapansin kong may art gallery na doon. Pagkatapos naming magkape ay pinuntahan namin at ang wonderful surprise ay ang nagbabantay sa counter ay isang batang kaibigan ko na si Allyn Canja na isa ring manunulat na taga-Bugasong, Antique. Dati siyang curator sa Iloilo Museum of Contemporary Art at ngayon ay may sarili nang gallery na pag-aari nila ng bana niyang si Kristoffer Brasileno na isang painter. Tuwang-tuwa ako dahil ipinakilala ko sa kaniya si Jay para magiging outlet na ang The Thrive ng mga libro at merchandize ng Sirena Books. May outlet na kami sa Iloilo!
Noong late afternoon ng March 2, Sabado, sinuwerte kami ni Jay at nakapanood kami ng programang “An Afternoon with Filipino Music” sa gitnang hardin ng Atria na inorganisa ng The Shops at Atria at, siyempre, ng Thrive Art Gallery. May tatlong grupo ang nag-perform. Ang UP High School Iloilo Gongs ay tumugtog ng mga musikang Mëranaw. Na-transport ako nito sa Marawi at sa Ubud, Bali. Nostalgic din ang dating sa akin ng pagtugtog ng Iloilo Community Orchestra ng mga awiting Hiligaynon tulad ng “Ang Gugma sang mga Tigulang” at “Si Pelimon, Si Pelimon.” All-time favorite ko siyempre ang “Iloilo ang Banwa Ko.” Highlight naman ng gabi para sa akin ang performance ng Iloilo City High School Rondalla. Ang galing nila! Lalo na ang rendition nila ng “Kruhay,” klasikong awiting Kinaray-a na gin-compose ng Antikenyong musiko na si Benny Castillon. Nabusog ang kaluluwa ko ng magandang musika nang gabing iyon. Na-realize ko matagal na pala akong hindi nakapakinig ng live music performance.
Dahil Sirena nga ako hindi na namin pinalampas ni Jay ang Paraw Regatta sa Villa Beach. Noong nagtuturo pa ako sa San Agustin, paborito naming kainan nina Jigger at Mona, mga kasama ko sa research center ng unibersidad, ang mga talabahan at manokan sa Villa Beach. Walang linggo na hindi kami lumalafang doon lalo na kapag ngarag kami at gusto naming mag-stress eating. Habang pinagmamasdan ko ang mga talabahan, si Jigger talaga ang naiisip ko. Miss na miss ko na siya. Pumanaw kasi siya noong nakaraang pandemya.
Bumili ako ng miniature na galleon sa isang lalaking naglalako sa dalampasigan. Parang kasing edad ko lang siya subalit sunog sa araw ang kaniyang balat at ang payat niya. Dalawang size ang dala niya—isang maliit at isang malaki. Siguro mga one foot ang haba ng maliit at kulang-kulang two feet naman ang malaki. PhP1,300 daw ang maliit at PhP2,200 ang malaki. Very apologetic pa siya sa presyo ng kaniyang ibinebenta. Tatlong araw daw kasi niyang ginagawa ang bawat isa nito. Ipinakita pa niya sa akin ang mga kalyo at sugat sa mga palad niya. Puwede naman daw akong tumawad. Malaki ang binili ko at hindi ko tinawaran. Masayang-masaya si Arvin, iyan ang kaniyang pangalan, na taga-Buenavista, Guimaras. High school pa lamang daw siya nang turuan siya ng kaniyang tatay na gumawa ng mga miniature na barko gamit ang kahoy.
Sumunod sa amin ni Jay ang kaibigan naming si Dulce (of the Deriada fame) doon sa Villa Beach para sa pananghalian. Doon namin siya hinintay sa aircon na bahagi ng Tatoy’s Manokan. Ito ang restawran na may “manokan” sa pangalan pero seafood restaurant talaga. Nasa aircon kami para malamig dahil summer feels na sa Isla Panay at chaotic ang kalsada ng Villa Beach dahil nga Paraw Regatta. Fresh na fresh ang kanilang latô (sea grapes seaweed) salad at steamed talaba. Wala pa ring kupas ang fried chicken at grilled boneless bangus nila. The best din ang kanilang dinuguan. Ang ending, nag-overeating kaming tatlo! Well, City of Gastronomy nga talaga ang lungsod na ito.
More Ilonggo than I dare to admit talaga ako. Kapag nasa Manila at tinatanong kung tagasaan ako at sasabihin kong taga-Antique, marami ang nagsasabi ng, ahh… sa Iloilo, Ilonggo ka pala… Kung nasa mood ako, agad kong sinasabi na, yes, malapit sa Iloilo, sa iisang isla lang, pero ibang probinsiya na ang Antique. Pero iyon nga, technically, ang Ilonggo ay taga-Iloilo, lungsod man o lalawigan. Antikenyo ako. Pero sa isipan ng maraming tagalabas ng Panay, Ilonggo ang tawag nila sa mga taga-Region 6 o Western Visayas. Kung wala ako sa mood mag-explain, hinahayaan ko na lang sila sa kanilang ignorance.
Okay na rin sa akin ang tawagin akong Ilonggo. Ilonggo naman talaga ako dahil marami akong magagandang alaala sa paninirahan ko sa Iloilo. Marami akong taong love sa lungsod na ito. Hanggang ngayon marami akong gustong mga lugar dito at parang nadadagdagan pa nga yata sa kada pagbisita ko. Gumaganda kasi lalo ngayon ang Lungsod Iloilo.