Muli, ang Tag-init

Ni John Iremil Teodoro

IBA na ang tindi ng sikat ng araw nitong mga nakaraang linggo. Nakasusunog na ng balat. Ito ang panahon na masarap sana kung nakaupo ka sa isang maliit na kamalig sa may dalampasigan o di kaya’y sa tabi ng palayan. Mas bongga kung nasa isang balkonahe ka sa Tagaytay, Baguio, Sagada, o Aningalan. Ang kaso, may trabaho ka rito sa metropolis. Kailangan mong magtrabaho dahil ang mga magulang mo ay hindi mga korap na politiko o mga tusong negosyante. Nakapag-aral ka lang, sinuwerteng magkaroon ng trabaho na maayos ang suweldo, subalit limitado ang mga araw na maaari kang magbakasyon.

Ganito ang buhay ng mga nasa gitnang-uri at uring manggagawa. Kailangang magtrabaho upang mamuhay nang disente. Sa kapitalistang mundo, katawan at utak lang ang kapital mo kayâ kailangang magbalat ng buto. Kung minsan magpasalamat ka na lang na sa isang bansang ang karamihan ay naghihikahos, maayos mong naitatawid ang mga bayarin mo buwan-buwan.

Sabi sa Marso 11 na entry ng librong The Daily Stoic (Portfolio/Penguin, 2016) ni Rya Holiday,  “The unrestricted person, who has in hand what they will in all events, is free. But anyone who can be restricted, coerced, or pushed into something against what they will is a slave.” Sipi ito mula sa Discourses ng pilosopong si Epictetus. Ang tunay na kalayaan ay kung hindi na tayong mapipilitang gawin ang mga ayaw nating gawin.

Siyempre mas maganda sana kung anumang oras na gusto nating magbakasyon sa Baguio ay nagagawa natin. Karamihan sa atin ay may trabaho at hindi maaaring magbakasyon anumang oras na gusto natin. Marami sa atin ang gustong umeskapo lalo na kung masyado nang mainit dito sa metropolis.

Kayâ mahalaga na mahal natin ang ating trabaho, na gusto natin ang ating mga ginagawa. Ideally hindi sana tayo nagtatrabaho para lang sa suweldo. Sa isang seminar na dinaluhan ko maraming taon na ang nakalilipas bilang bagong guro dito sa De La Salle University, sinabi ng resource person na isang La Salle brother, sa pagtuturo daw sa La Salle, kailangang yakapin mo itong bilang bahagi ng iyong Lasallian Mission dahil kung trabaho lang ang tingin mo dito, mapapagod ka talaga. Paminsan-minsan, lalo na kapag nararamdaman ko na para akong nagsasayang ng oras sa pagtuturo, binabalikan ko ang vision-mission statement ng aming unibersidad na, “A leading learner-centered and research University bridging faith and scholarship, attuned to a sustainable Earth, and in the service of Church and society, especially the poor and the marginalized.” Nation building ‘ika nga. Nation building.

Isa rin ang pinakapoborito kong panalangin ang mula kay St. John Baptist de La Salle na nakaukit sa isang malapad na kahoy na nasa altar ng Pearl of Great Price Chapel sa loob ng La Salle Taft Campus. Kada bisita ko sa chapel na ito lagi kong unang dasal ay, “Iniibig ko nang higit sa lahat ang kalooban ng Diyos para sa akin.” Kalooban ng Diyos kung bakit nasa La Salle ako ngayon. Kayâ imbes na magreklamo ay dapat magpasalamat ako.

Marami naman ang maaaring gawin upang maibsan ang init na nararamdaman dito sa metropolis. Una, puwedeng magkulong sa silid na airconditioned. Mapalad ang mga taong afford ang aircon at ang mga nagtatrabaho sa mga opisina na naka-aircon. Pangalawa, maaaring magtambay sa mga mall. Kadalasang malamig sa mga mall.

Nitong nakaraang Sabado, nag-breakfast kami ng partner kong si Jay kasama ang tatlong kaibigan ko na mga dating kasama sa pagtuturo sa Miriam College. Sa Café Ilang-Ilang kami sa Manila Hotel. Siyempre iba ang level ng lamig sa Manila Hotel. Kapag nagbi-breakfast ako doon, tag-ulan man o tag-init, ay talagang nagdya-jogging pants at sweatshirt ako. Malamig kasi talaga. Kapag nandoon ako, nalakalimutan ko ang totoong klima ng Filipinas.

Sabi ng PAGASA, magpi-peak ang tag-init ngayong taon sa katapusan ng Marso at tatagal nang buong buwan ng Abril. Sabi nga nila, Abril ang pinakamalupit na buwan. Mabuti na lang at sa huling linggo ng Marso ay nasa Roxas City ako para sa KRITIKA Workshop. Sa San Antonio Resort kami na may swimming pool at sa kabilang kalsada ay may dagat. Dahil palihan ito, buong araw naman kaming makukulong sa isang naka-aircon na silid.

Buong buwan ng Abril ay nasa mga lungsod ng Iloilo at Bacolod naman ako. Magki-keynote address ako sa Leoncio P. Deriada Conference sa University of the Philippines Visayas at workshop director ako sa 24th IYAS La Salle National Writers Workshop sa University of St. La Salle, Bacolod. Sa pagitan ng dalawang event na ito ay ang Iloilo Mega Book Fair at maglulunsad ng dalawang libro ang indie publishing house namin ni Jay na Sirena Books. At may spill over pa ito. Sa unang dalawang araw ng Mayo ay magbibigay din ako ng campus journalism workshop sa Colegio San Agustin na nasa Bacolod din.

Medyo bata pa naman ako. Keribam pa ang mga ito. Pero ngayon pa lang naghahanda na ako para sa early retirement at nang makauwi na ako sa Antique for good at manirahan sa Aningalan. Sa ngayon, titiisin ko muna ang tag-init dito sa metropolis.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here