Ipagkakaloob kay Nathaniel M. Macariola ang Unang Gantimpala sa KWF Tulang Senyas 2025 para sa kaniyang tulang “Pagtanaw sa Tradisyonal at Makabagong Larong Pilipino (Looking at Traditional and Modern Filipino Games).” Makatatanggap siyá ng PHP20,000 (net), plake, at medalya.
Si Ginoong Macariola ay nagtapos nagtapos ng Bachelor in Applied Deaf Studies with specialization in Multimedia Arts (2013) at nagtapos ng Master of Arts in Sign Language Education sa Gallaudet University, Washington, D.C. (2024). Siyá ay isang mananaliksik, at konsultant sa pananaliksik sa Filipino Sign Language (FSL).
Siyá ay naging Filipino Sign Language Research Assistant, De La Salle-College of Saint Benilde para sa dokumentasyon at pagsisinop ng mga materyales kabílang ang video at infographic para magamit sa edukasyon ng mga bingi sa lahat ng antas at nagsagawa ng mga koordinasyon ng proyekto, pagsasanay at pagtatása sa sign language linguistics, pangangalap ng datos, pag-edit ng video, at pagsasagawa ng mga oryentasyon hinggil sa Deaf Culture.
Nagwagi rin si Dennis Rhoneil C. Balan ng Ikalawang Gantimpala pára sa kaniyang tulang “Pagbabalik-tanaw: Ang Paglalakbay ng Isang Bátang Mambabasá” (Looking Back: The Journey of a Young Reader.) Siya ay makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 (net) at plake.
Gagawaran naman si Yvette S. Apurado ng Ikatlong Gantimpala para sa kaniyang tulang “Phreatic Eruption ng Bulkang Kanlaon” (Phreatic Eruption in Mt. Kanlaon). Makatatanggap siyá ng PHP10,000.00 (net) at plake.
Ang Timpalak sa Tulang Senyas ay kauna-unahang patimpalak sa pagtula sa pasenyas na paraan. Itinaguyod ito ng KWF na naglalayong palaganapin ang FSL bilang tunay na wika, pagsulong ng Filipino Deaf culture sa pamamagitan ng panitikan, kilalanin at bigyang-puwang ang di-matatawarang kakayahan at husay ng mga kababayang Deaf, at makapag-ambag sila sa panulaang Filipino ng kanilang obra sa pamamagitan ng pasenyas na pagtula.