No To Mining in Antique!

Ni John Iremil Teodoro

QUE horror talaga itong binabalak ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na magkaroon ng Mineral Reservation Area sa kabundukan ng mga bayan ng Patnongon, Sibalom, San Remigio, at Valderrama sa amin dito sa Antique. Ibig sabihin, magtatalaga ang National Government, na pinamamahalaan ng Puwersa ng Kadiliman, ng lugar na bubuksan sa pagmimina.

Ang MGB ay isang opisina sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na never naman talaga nangangalaga sa kapaligiran kundi tila nag-iisip lang sila kung paano ma-exploit ang kapaligiran ng bansa sa ngalan ng pera at ng mga bulsa nila.

Ayon sa Philippine Mining Development Corporation, “Mineral reservations are established by the President of the Philippines when the national interest so requires, upon the recommendation of the Director of Mines and Geosciences Bureau through the Department of Environment and Natural Resources Secretary.” Muli, que horror! I beg to disagree. Hindi iyan “national interest” kundi interes lamang ng iilang gahaman na politiko at negosyante!

Nagpatawag ng Public Hearing ang MGB Region 6 sa bayan ng Patnongon noong Disyembre 13, Biyernes, at salamat sa Diyos may munting rally na ginawa ang mga taga-Patnongon laban sa pagmimina. May nakita ako sa Facebook na mga larawan ng streamer at poster ng Local Government of Patnongon Sangguniang Bayan na ang nakalagay “NO TO MINING!” Gayundin sa Facebook account ng Barangay Badiangan, Patnongon, Antique na nag-aanunsiyo ng nasabing Public Hearing at nananawagan sa lahat na tutulan ang planong pagmimina sa kanilang bayan.

Tama na ang minahan ng coal sa Isla Semirara. Huwag nang dagdagan pa. Oo nga’t yumaman ang bayan ng Caluya, “first class municipality” na ito sa klasipikasyon ng gobyerno na pera ang sukatan, pero hinding-hindi na maghihilom ang itim na dambuhalang butas sa Isla Semirara na isang malaking sugat sa balat ng ating arkipelago.

Hindi kailangan ang mga minahan sa Antique. Kung gusto ng national at local government na tumaas ang kita ng mga Antikenyo kailangan lang pag-ibayuhin ang suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mahusay na implementasyon ng land reform program, paggawa ng mga farm to market road, pagbigay ng suportang pinansiyal sa mga magsasaka at mangingisda, at sa pagpasanyog ng turismo lalo na ang ecotourism. Dapat mag-isip ng mga sustainable na pangkabuhayan ang mga politiko sa Antique at huwag gawing short-cut sa pagyaman ang pagmimina.

May likas na ganda ang Antique. Magbiyahe ka lang mula sa coastal road ng Anini-y sa sur at hanggang sa Libertad sa norte ay mabubusog ang mga mata mo sa mga magandang tanawin ng dagat, kabundukan, kagubatan, at palayan. Manganganib ang kagandahang ito kung papayagang magkaroon ng pagmimina sa kabudukan ng Patnongon, Sibalom, San Remigio, at Valderrama. Kapag dinurog at hinukay ang kabundukan, tiyak na mapupunta sa dagat ang mga putik at banlik. Hindi rin maganda ang bundok na hinukay at tiyak mababawasan ang mga gubat at kung babagsak ang malakas na ulan ay babahain ang Sibalom at San Jose de Buenavista, at ang mga mababang bayan tulad ng Patnongon at Belison. Walang maidudulot na mabuti sa Antique ang pagmimina.

Malaki ang potensiyal sa turismo ng San Jose de Buenavista Esplanade. Maaaring damihan ang mga resort at restawran dito dahil napakaganda panoorin ang sunset mula rito. Kailangan lang i-organize ang mga mangingisdang nakatira dito at sila mismo ay maaaring magkaroon ng kabuhayan bukod sa pangingisda dahil kung pangingisda lang ang aasahan nila, wala silang masyadong kinikita kapag tagbagyo. Kami ng partner kong si Jay ay madalas mag-walking sa umaga sa Esplanade at magandang lugar ito para mag-ehersisyo at lumanghap ng sariwang hangin mula sa Dagat Sulu.

Ang Aningalan sa San Remigio ay unti-unti nang sumisikat bilang destinasyon sa mga lokal na turista. Lalo na ngayon na maaari na talagang daanan ng mga sasakyan ang highway na kumukunekta ng San Remigio, Antique sa Tubungan, Iloilo. May mga resort at restawran na sa Aningalan na maaaring pasyalan at bakasyunan. Maganda ang bahagi ng Aningalan area na may view ng Sibalom Natural Park.

Napapanahon nang magkaroon ng Aningalan Development Council at Aningalan Development Masterplan na makakalikasan. Ang masterplan na ito ay dapat kasama na ang mga katabing barangay ng Aningalan tulad ng Tubudan at Osorio. Dapat ang goal ay huwag maging katulad ng Baguio City ang Aningalan na hindi na nakontrol ang pagdami ng mga gusali at tao. Overcrowded na ang Baguio at lalong lumala ang kakulangan nito sa tubig at hindi na rin nama-manage nang maayos ang mga basura sa lungsod. Ayaw kong maging ganito ang Aningalan. Mas maganda kung i-develop at i-package bilang ecotourism destination ito.

Sa panahong dumadami na ang mga digital nomad, ang ganitong market na ang maaaring i-target ng turismo sa Antique. Maraming mai-offer ang Antique sa kanila—magandang lugar sa tabing-dagat, sa palayan, sa gubat, at sa bundok. Siyempre kailangan ng maayos na infrastructure para maging magnet sa mga digital nomad ang Antique. Kailangan ng stable na supply ng koryente at malakas na internet connection.

May direktang biyahe na rin ang eroplano mula Manila pa-Antique at pabalik. Patapos na rin ang bagong terminal ng Evelio B. Javier Airport. Ini-expand na rin ang runway ng airport para maaaring maglanding ang mas malalaking eroplano at mas maraming flight ang ma-accommodate nito. Oportunidad ito na dumami ang mga turistang bibisita sa probinsiya.

Ang San Jose de Buenavista Esplanade at ang pag-aayos ng paliparan sa Antique ay mga proyekto ni Senador Loren Legarda na naumpisahan noong congresswoman pa siya ng Antique. Tumataas man ang kilay ko sa pagiging political butterfly niya, hindi maitatatwa na kahit bagong salta lang siya sa Antique ay marami siyang nagawa. Ang kapatid niya ngayon na bagong salta rin sa Antique ang congressman at hindi kalabisang sabihin na malaki pa rin ang impluwensiya ni Loren sa politika sa Antique. Kahit hindi naman siya kandidato ay kumakalat ang mga poster na may mukha niya sa buong lalawigan ngayong panahong ng eleksiyon.

Sana kahit kwestiyunable ang mga political alliance ni Loren ay totoo naman ang kaniyang pagiging environmentalist at pagiging maka-katutubo. Sana hindi nila papayagang magkapatid na magkakaroon ng mga minahan sa Antique mainland. Umaasa ako sa kanila dahil wala akong tiwala sa mga politikong naturingang mga taal na taga-Antique pero handa namang ibenta ang probinsiya. Kayâ nga nakapasok ang mga Legarda sa politika sa Antique dahil din sa kanila.

NO TO MINING IN ANTIQUE! OR NO TO MINING! Period.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.