By John Iremil Teodoro
Never kong na-imagine na dadating ang panahon na puwede akong magklase dito sa Maybato. Kay gandang mahika nitong internet kapag magamit lamang ng maayos. Katatapos lang ng dalawang klase ko sa Zoom. Pareho itong Literatures of the Philippines na gustong-gusto kong itinuturo.
Kabubukas lang nitong linggo ang Term 3 ng A.Y. 2024-2025 namin sa De La Salle University at noong isang buwan pa man nag-memo na ang aming Provost na magsi-shift muna kami sa full online mode simula Mayo 5 hanggang 17 dahil sinasabi sa mga weather forecast na magiging malala ang heat index ngayong unang dalawang linggo ng Mayo. Kayâ nandito muna ako sa Antique ngayon. Ang dalawang load ko ngayong term ay talagang full online. Kayâ lang kailangan ko pa ring mag-report sa DLSU dahil direktor ako ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center.
Malakas at stable ang internet connection namin dito sa bahay. Ang aming service provider ay ang Barbaza Multi-Purpose Cooperative (Barbaza Coop) na miyembro din kami ng partner kong si Jay. Nagpa-member kami sa Barbaza Coop noong September 2023 nang magpakabit kami ng internet na may kasamang cable. Naisip kasi namin na since pupunta naman kami doon palagi sa opisina nila para sa internet at cable, mabuti pang magpamiyembro na kami para another opportunity ito na makapag-save at invest. Saka bilang kasapi ng Barbaza Coop, “co-owner” na rin kami ng cable provider namin.
Dahil dito posible na talagang mag-online class ako rito sa bahay namin sa San Jose de Buenavista, Antique. Bagama’t medyo problematic pa ang koryente dito sa amin sa San Jose, di hamak mas stable ito ngayon kumpara noong bata pa ako na palaging brown-out. Ngayon naman, kahit papaano, hindi pa naman ako namamatayan ng koryente habang nagkaklase. Minsan lang hindi ako naka-attend ng isang online meeting dahil brown-out dito sa amin na parang ikinatuwa ko pa yata dahil nagkaroon ako ng dahilan na huwag umattend ng meeting.
Ewan ko ba. Kapag dito ako sa bahay namin sa Maybato, tinatamad talaga akong umattend ng mga miting na may kinalaman sa mga organisasyon at mga obligasyong naiiwan ko sa Metro Manila. Tamad na tamad ako magtrabaho kapag nandito ako sa bahay. Mas gusto kong mag-garden—magbungkal ng lupa, magbuhat ng bato, at magbunot ng mga damo.
May apat na kuwarto ang bahay namin na noong 1970s pa itinayo. Sa ngayon tatlo ang maaaring tulugan. Ang isa naman ay ginawa muna naming stock room para sa mga bagay na hindi na ginagamit, na madalang gamitin, at puwede nang itapon kayâ lang nauubusan ako ng energy na gawin o hindi pa ako handa na pakawalan katulad ng mga lumang magasin at VCDs. Dalawa ang kuwarto noon sa unang palapag. Kuwarto ng matandang dalagang tiya namin na si Tita Nening at ng bunsong kapatid naming si Sunshine. Ang kuwarto ng aming tiya na noong 2015 pa yumao ay sinira na at ginawa na naming kumedor. Ang katabi nitong kuwarto ni Sushine ay napaayos na at nalagyan na ng aircon. Sa taas naman, ang katabi ng kuwarto na ginawang imbakan ng gamit ay ang talagang kuwarto ko. Puwede itong tulugan subalit walang aircon. Dito ngayon nakalagay ang mga box ng mga koleksiyon ko ng libro. Ang pinakamalaking silid ay ang master’s bedroom, ang kuwarto ng mga magulang ko noon. Napaayos ko ito bago ako mag-sabbatical leave noong September 2023 at talagang ginawa ko itong parang hotel room (Yung mumurahin lang. Hindi Manila Hotel levels.) at ito na ang paboritong kuwerto ko ngayon. Dito may writing table akong malaki at dito ako nagtatrabaho sa aking MacBook. Dito ako nagkaklase online.
Ang problema lang kanina habang nagkaklase ako, maingay ang mga dumadaan na sasakyan dahil nasa tabi ng national highway ang bahay namin. Ang nakakainis sa lahat, maingay ang mga sasakyang may sound system ng mga nagkakampanyang mga kandidato. Ang babaduy pa naman ng mga political jingle nila. Talagang ubod ng kabaduyan ang halalan natin dito sa Filipinas! Humihinto ako sa pagsasalita kapag may dumaan na maingay. Hindi ko rin naman kasi marinig ang sarili ko.
Gaya ng isinisigaw ng malaking streamer sa may plaza at kung saan-saan pa, sinasabi ng aming gobernador na ang Antique ay isa nang “Firt Class Province.” Marami na rin namang pagbabago dito sa Antique lalo na rito sa capital town ng San Jose de Buenavista. May stable na internet at electric power na. Marami na ring bangko. Lahat na yata ng bangko sa Metro Manila ay may branch na rito. Hindi tulad noong nasa elementarya pa ako na kailangan namin ni Nanay na magbiyahe pa-Iloilo kada buwan upang makapag-withdraw siya sa Philippine National Bank ng kaniyang allotment mula kay Tatay na isang kapitan ng barko na nagtatrabaho overseas.
May tatlong mall na rin dito. Ang Robinsons Place Antique ay nasa unahan lang bahay namin. Kapag nilalakad ko ito mga 2,000 steps lang. Mayroon nang tindahan ng mga computer dito at sa isa nga ay may Apple products na sila. May National Book Store na rin para sa mga kakailanganing office supplies. Samakatuwid, maaari nang bumili ng MacBook, at siyempre ng iPhone, dito sa Antique!
Ang trend ngayon sa mga kolehiyo at unibersidad ay mag-offer na ng mga program at kurso na full online. Posibleng-posible na talagang maging guro at dito ka nakabase sa Antique. Kayâ hindi na masyadong nakakatakot ang iniisip kong mag-early retirement mula sa DLSU. Puwede na talagang mag-retire ako nang maaga mula sa trabaho ko sa Manila at umuwi rito sa Antique para dito na magturo. Katulad na lamang ng ginawa ko sa araw na ito at sa susunod na linggo.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.