Pagbisita sa Puntod ni Magdalena Jalandoni

By John Iremil Teodoro

PINIPIGILAN kong mapaiyak habang binabasa sa harap ng mga puntod nina Magdalena Jalandoni at Ofelia Ledesma Jalandoni ang excerpt mula sa sariling talambuhay na ‘Ang Matam-is Kong’ Kahapon (Ang Matamis Kong Kahapon).’ Sinulat ito ni Magdalena noong matanda na siya ngunit masidhi pa rin ang kaniyang pagnanasa na magsulat.

Sabi niya sa orihinal na Hiligaynon: “Ginalauman pa nga kon palawigon pa sang Dios ining panuigon ko nga kapituan kag lima (75) ka tuig, makasulat pa gid ako sing pila ka nobela, mga binalaybay, mga drama, mga malip-ut nga sugilanon kag iban pa, nga samtang ginasulat ko mangin kalipayan sang akon kabuhi nga wala nagahulat sang kon ano pa nga palaabuton nga matahum, kundi ang isa ka pikas sang mayami nga lulubngan sa patyo nga nahanda na nga daan (sang ginasulat ko ini) nga akon pagadayunan. Wala ako sing matahum nga handum sa pangabuhi ko karon, kundi nga matipigan ko sing maayo ang tanan ko nga mga sinulat nga patubas sang akon panghunahuna nga wala sing liwan nga sandigan nga kinaalam kundi ang walay kahulubsan nga handurawan sang akon kalag, kag ang matam-is nga balatyagon nga naggikan sa masulog nga tuboran sang akon tagipusuon.”

Heto naman ang salin ko sa Filipino: “Inaasahan ko na kung palalawigin pa ng Diyos itong edad kong pitumpu’t lima (75), makakasulat pa ako ng ilang nobela, mga tula, mga dula, mga maikling kuwento at iba pa, na habang sinusulat ko ay magiging ligaya ang mga ito ng aking buhay na hindi na naghihintay pa ng kung ano pa mang magagandang bagay, kundi ang isang maliit na piraso ng malamig na libingan sa sementeryo na nahanda na (nang sinusulat ko ito) upang puntahan ko. Wala akong ibang mabuting inaasahan sa buhay ko sa ngayon kundi ang maalagaan nang mabuti ang lahat ng mga sinulat ko na produkto ng aking isipan na walang pinagbasehang talino kundi ang di natutuyong imahinasyon ng aking kaluluwa, at ng matamis na damdamin na nagmumula sa malakas na bukal ng aking puso.”

Nitong nakaraang weekend ay umuwi ako ng Iloilo upang magbigay ng lektura bilang paglulunsad ng librong pambata kong ‘Ako, si Klawni ng Tubbataha, Nanalangin’ na inilathala nitong Setyembre 2024 ng Tubbataha Protected Area Management Board. Ang lekturang ito ay bahagi ng dalawang araw na Iloilo Children’s Book Fair na inorganisa ng Iloilo Mega Book Fair (IMBF) sa pagkikipagtulungan ng Kasingkasing Press, Book Latte, Hubon Manunulat, at National Book Development Board. Ginanap ito sa Book Latté Café, isang magandang kapihan sa Festive Walk sa Megaworld City sa Lungsod Iloilo.

Noong Linggo ng umaga sumama ako sa Literary Tour ng Iloilo Children’s Book Fair. Gusto kasing i-launch nina Noel de Leon, isa sa mga convener ng IMBF, ang Iloilo City Literary Tour sa Abril ng susunod na taon. Sakay sa malaking bus ng Southwest Tours, kalahating araw kaming naglakbay-aral mula sa Festive Walk, nag-ikot sa Megaworld City, sa lumang city proper at dumaan sa Brgy. Hughes kung nasaan ang kalye ng kapanganakan ni National Artist Ramon Muzones, sa bahay ni Magdalena Jalandoni at sa libingan niya sa Brgy. Quintin Salas (inilipat ang labi niya rito mula sa Jaro Catholic Cemetery), at sa libingan ni Leoncio P. Deriada sa Golden Haven Memorial Park sa San Miguel, Iloilo.

Nangako ako kay Noel na tutulong ako sa paggawa ng itinerary at script ng literary tour na ito. Marami pa kasi ang puwedeng maging bahagi: ang Makinaulingon Press sa Baluarte, Molo; Libreria La Panayana sa Mandurriao; ang University of San Agustin na siyang may pinakamahabang writing workshop sa Western Visayas (at unang unibersidad din ito sa rehiyon); ang kinatayuan ng bahay nina Graciano Lopez Jaena sa Jaro, at ang libingan ni Flavio Zarragoza Cano sa Cabatuan, Iloilo. At kapag dumadaan sa Calle Real at Muelle Loney, maaaring ikuwento ang mga eksena mula sa ‘Without Seeing the Dawn’ ni Stevan Javellana.

Medyo emosyonal din ako nang makita ko ang nitso ni Ofelia Ledesma Jalandoni. Lalo na’t bago kami pumunta roon sa sementeryo ng Brgy. Quintin Salas ay dumaan muna kami sa dating bahay nila sa Commission Civil. Naalala ko kasi ang mga pagbisita ko sa bahay na iyon nang nasa University of San Agustin pa ako nagtuturo noong 2001 hanggang 2008. Nang malaman kasi noon ni Ma’am Ofelia na interesado akong basahin at pag-aralan ang mga akda ni Magdalena ay naging magkaibigan kami at palagi niya akong iniimbitang pumasyal sa bahay nila at nagkukuwento siya sa akin tungkol sa kaniyang Tya Ina, ang tawag niya sa kapatid ng kaniyang ama. Ayon sa nakalagay sa lapida, nagtaliwan pala siya noong Agosto 7, 2013.

Bukod sa pagiging nag-iisang tagapagmana ng estate ni Magdalena, isa ring manunulat si Ofelia. Naging associate editor siya ng ‘Augustinian Mirror,’ publikasyong estudyante ng University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Noong estudyante ako naging associate editor din ako ng ‘Augustinian Mirror’ at naging moderator pa nito nang nagtuturo na ako. Nagtapos si Ma’am Ofelia ng Bachelor of Arts in English, cum laude, sa San Agustin. Siya ang nagsalin sa Ingles ng nobela ni Magdalena na ‘Juanita Cruz’ na inilathala ng University of the Philippines Press noong 2006. Katulad ng kaniyang Tya Ina, aktibo rin siya sa simbahan. Ginawaran siya ng Pro Ecclesia et Pontifice o Papal Award, isang gawad mula sa Vatican sa Roma.

Nang umalis ako ng San Agustin at nagturo na sa Metro Manila, nawala na ako ng komunikasyon sa kaniya. Nag-iisa lang siya sa buhay at ang kasama lang noon sa bahay ay ang sekretarya niya, drayber, at dalawang katulong. Nabalitaan ko na lamang na ibinenta na niya ang bahay nila sa isang abogadong kakilala ko na kasabayan ko sa kolehiyo sa San Agustin noon, si Atty. Dwight Trasadas. Nang tinatapos kong sulatin ang aking disertasyon noong 2016 na tungkol sa mga babaeng manunulat sa Hiligaynon, pinasyalan ko si Dwight sa kaniyang opisina sa unang palapag ng bahay na iyon at nagtanong tungkol sa pagkabili niya sa bahay ni Magdalena Jalandoni. Nang panahong iyon, ang ikalawang palapag ay gin-convert na nila bilang isang massage parlor. Sinabi ko noon kay Dwight na sana i-preserve nila ang bahay na iyon dahil mahalagang bahagi iyon ng literary heritage ng hindi lamang ng Iloilo kundi ng buong bansa. Iyon na ang huling pag-uusap namin ni Dwight na aktibo sa alumni association ng San Agustin. Pumanaw siya noong nakaraang taon (2023) sa bata pang edad. Isang taon lang ang tanda ko sa kaniya.

Dahil siguro Linggo, sarado ang bahay nang dumaan kami roon. Hindi na kami bumaba ng bus at sabi ko sa aking mga kasama, tingnan na lamang nila ang bahay habang nakaupo sa bus. Nagbigay ako ng kaunting lektura tungkol sa bahay na iyon. Sinabi ko sa kanila na kung nakapunta sila sa bahay na iyon noong nabubuhay pa si Ma’am Ofelia ay makikita nilang punong-punô ng mga painting at diorama ang dalawang panalgan ng bahay. Ang mas marami sa mga peynting ay tungkol sa mga eksena sa ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’ ni Jose Rizal. Sobra kasing hinahangaan ni Magdalena si Rizal na siyang ideal na lalaki para sa kaniya. Sinabi ko rin na sayang at hindi na nila naabutan ang tableaux ng mga makulay na estatwang simento na dini-depict ang Barter of Panay.

Binasa ko ang sipi mula sa autobiography ni Jalandoni hinggil dito: “Ginahandum ko nga magluntad ako sang isahanon sa isa ka puluy-an nga mangin subong sa isa ka diutay nga museo nga napun-an sang mga dinuag nga mga kuadro, mga batung-dansan, mga farol nga nanuhaytuhay sing duag kag sang iban pa nga mga puni nga ginahanduraw sang kalag ko nga buta sang dalamguhanon.” Heto naman ang salin ko: “Pinapangarap kong tumira na mag-isa lamang sa isang bahay na parang maliit na museo na punô ng mga makulay na kuwadro, mga eskultura, mga parol na iba’t iba ang kulay at iba pang mga palamuti na ginugunita ng kaluluwa kong punô ng pangarap.”

Ang pagkakaroon ng Iloilo City Literary Tour ay isang mabisang paraan upang maipakilala sa mga turista at sa mga taga-Iloilo mismo ang mayamang literary cultural heritage ng Iloilo at ng buong Panay.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.