By John Iremil Teodoro
DALAWANG araw bago mag-Undas bumisita na ako sa sementeryo. Ngayon kasing tumatanda na ako, ayaw ko na sa masikip, sa maingay, sa marumi. Char lang! Pero tunay ngang masikip at maingay ang Old Cemetery of San Jose de Buenavista kapag November 1. Wala nang daanan kasi ang mga dating daanan may mga nitso na. Para marating ang lote ng pamilya namin, marami kang matatapakan na mga nakalibing. Kayâ kung November 1, sobrang dami ng tao at ang ingay-ingay na masaya naman kasi nagkikita-kita ang mga kamag-anak. Maraming mga kamag-anak si Lola Garâ na sa sementeryo ko lang nakikita dahil dumadaan din sila para magsindi ng kandila.
Ngayon ko lang napansin, tatlong lapida lang ang nandoon—kina Nanay, Tita Nening, at Lola Tiyang (Matea S. Teodoro). Wala ang kina Lolo Garâ (Graciano C. Teodoro I), Lola Kanit (Flora S. Arejano, at Lolo Tinò (Faustino Serrano). Naalala kong nagpagawa ng mga lapidang ito si Tita Nening. Ninakaw kayâ? O hindi naibalik nang ginawa ang nitso ni Tita? Hindi rito nakalibing si Tatay. Sa Garden of the Ascension Memorial Park sa Pavia, Iloilo siya ipinalibing ng kaniyang second wife. Kapag sa Iloilo Airport ako lumalapag mula Manila, dumadaan ako roon.
Nagdala kami ng partner kong si Jay ng kandila at isang pumpon ng dilaw na chrysanthemum para sa kanila. Binunot namin ang mga damo at tumubong halaman sa paligid ng mga nitso. Kailangan na talagang i-repaint ang mga nitso dahil matagal nang bakbak ang pintura nito. Naghahalo na ang bakbak ng dating pintura at mga tuyong lumot. Noong buhay pa si Tatay, well maintained ito at kapag November 1 ay nagdadala kami ng pagkain doon at tila may party kami roon.
Maraming kalatsutsi sa sementeryo at binibiro ako ni Jay na kumuha kami ng pananim doon. Sabi ko kasi sa kaniya maraming kalatsutsi sa Ubud dahil ito ang official flower ng Bali. Iyon pa ang kulang sa hardin namin sa Maybato. Naalala ko, ayaw ni Nanay na magtanim ng kalatsutsi sa bahay dahil pang-sementeryo daw ito. Na totoo naman dahil kadalasan dito sa Filipinas, marami talagang kalatsutsi sa mga sementeryo. Pero nag-iba ang paningin ko nang makapunta ako ng Bali noong 2012. May kalatsutsi kahit saan. Maraming tinitinda na mga pantali sa buhok na ang disenyo ay kalatsutsi. May ilang pulis nga na may kalatsutsi sa tenga at hindi ito nakababawas sa kanilang pagkalalaki. At isa pa, maraming puno ng kalatsutsi sa bahay nina Papa CFB (Cirilo F. Bautista) sa Sta. Mesa Heights sa Lungsod Quezon.
Hindi nakatiis si Jay at kinuha niya ang maliliit na tubò ng bunga o areca tree sa harap ng nitso ni Tita Nening at isinilid sa aming tote bag. Hinayaan ko na siya at pabiro akong nagpaalam kay Tita na dadalhin namin ang mga ito pauwi upang itanim sa aming hardin. Mahilig din sa halaman si Tita kung kaya’t natitiyak ko na payag ito. After all, itong hardin namin sa Maybato ay hardin talaga niya. Pero kung buhay si Nanay, natitiyak kong hindi iyon papayag at magtatalak iyon kung magdadala kami ng halaman mula sa sementeryo!
Maraming pamahiin sa pamilya namin noon na hindi na namin sinusunod ngayon. Tulad na lamang noong maliit ako na kapag may pupuntahan kaming lamay o libing ay pag-uwi ng bahay may abo na sa aming geyt. Kailangan daw tumapak sa abo bago pumasok ng bahay. Bawal din ang magdala ng kahit ano mula sa mga lamay o sa libing tulad ng pagkain at bulaklak.
Pinag-uusapan na namin ng kapatid kong si Mimi na ipapaayos namin ang aming lote sa sementeryo ng munisipyo. Pero parang may nagsabi sa akin na ipinagbabawal na ang pagpapagawa ng museleo doon. Naiisip na rin namin na maghanap na lamang bagong lote sa isang maayos na memorial park dito sa Antique.
Naiisip ko kapag ako ang mamatay okay na sa akin na ipa-cremate ako agad at ikalat ang mga abo ko sa isang hardin. Maaari sa gagawin naming Hardin Milagros sa Aningalan o sa Hardin Magnificat sa Iguhag. Paano kung mayroon akong fan galing sa ibang lalawigan o ibang bansa na gusto bisitahin ang aking puntod na may dalang bulaklak tulad ng ginawa ko sa Krakow nang binisita ko ang ang hinahangaan kong makatang si Wislawa Szymborska sa Cmentarz Rakowicki?
Oh, vanity vanity! Thy name is John Iremil! Ang isiping may halaga pa ang mga tagahanga, ang kasikatan bilang manunulat (As if sumisikat ang mga manunulat sa Filipinas), kapag patay ka na! Kapag nasa ganitong moment ako na masyadong importante ang tingin sa sarili, sa aking isipan agad kong hinahampas ng sariling buntot ang aking sarili para matauhan at i-remind ang sarili na ang fame and fortune dito sa mundong ibabaw ay wala nang halaga kapag nasa langit, purgatoryo, o impiyerno ka na. Hindi madadala ng iyong kaluluwa ang mga binili o inagaw mong lupa, ang mga perang pinaghirapan o ninakaw mo, at ang iyong mga medalya at tropeo na tunay man o peke.
Kayâ ang mahalaga sikapin nating maging mabuting tao habang nabubuhay tayo. Hindi masama na yumaman o sumikat tayo pero dapat tiyakin natin na sa ating pagiging mayaman at sikat ay wala tayong kapuwa taong inaapi at tinatapakan. Halimbawa, marami ka ngang lupa pero inagaw mo lang naman sa mga kamag-anak o kapatid o mga stepchildren mo, magiging dahilan ito ng pagpunta mo sa impiyerno kahit na palasimba ka. Ganoon din kung mayaman kang politiko at nagnanakaw sa kaban ng bayan, kahit nagdo-donate ka pa sa simbahan o binibigyan mo ng mamahaling sasakyan ang mga obispo, sa tingin ko, sa impiyerno pa rin ang punta mo. Baka magkita pa kayo roon ng mga kaibigan mong obispo! Kung negosyante ka at ang yaman-yaman mo dahil hindi mo sinusuwelduhan nang tama at binibigyan ng karampatang mga benepisyo ang mga manggagawa mo, kahit magpatayo ka pa ng simbahan ay sa impiyerno pa rin ang bagsak mo.
Alam kong masarap ang maging mayaman at makapangyarihan sa mundong ito. Pero tandaan natin, maikli lang ang buhay dito sa mundo. Kapag mamatay tayo, walang silbi ang mga ito sa ating kaluluwa na mabubuhay nang walang hanggan.
Ako naman, hindi ko kailangan ng puntod. Kahit saan ako ilibing o ikalat ang aking mga abo ay wala akong paki kasi nga by that time patay na ako. Ang mahalaga para sa akin ay maalala ako kahit papaano ng mga taong mahal ko, o ng mga taong mahal ang aking mga sinulat. Noong ramdam na ni Santa Monica ang nalalapit niyang kamatayan sa Ostia, sinabihan niya ang kaniyang anak na si San Agustin na, “Lay this body anywhere and take no trouble over it. One thing do I ask of you, that you remember me at the altar of the Lord wherever you may be (Confessions IX, 11, 27 beafriar.com).” Nangyari ito siyempre noong hindi pa santo silang mag-ina.
Kapag patay na ako, sapat na sa akin na ipagdasal ako November 1 man o hindi ng mga kamag-anak at kaibigan. At sa fans ko (kung meron man), nasa mga libro ko lang ako sa mga library. At least ang ako ng nakalipas noong nabubuhay pa ako. Kasi nga naniniwala ako na wala nang halaga ang mga Palanca ko at mga National Book Award, pati na rin ang aking SEAWRITE Award (Pati ang aking Nobel in the future! Harharhar!), pati ang pagiging full professor kapag natsugi na ako at nasa eternal na hardin na ako ng Mahal nga Makaaku.