Ni John Iremil Teodoro
NAKAPAG-UMPISA na kami ng partner kong si Jay na maghardin sa Aningalan. Simula nang makauwi ako rito sa Antique nitong Disyembre, halos araw-araw ay umaakyat kami para magtanim ng mga bulaklak at punongkahoy sa 1,000 square meter na loteng ni-lease namin simula noong nakaraang Setyembre. Napalibutan na ito ng bakod na kawayan at puwedeng-puwede nang dalhan ng tent at mag-camping.
Buháy na ang mga bogambilya, buddha’s belly bamboo, pigeon eye flower, calachuchi, at Chinese jasmine na itinanim ni Jay noong Oktubre. Buhay na buhay din ang burobituon na ang buto ay kinuha namin sa Boracay halos dalawang taon na ang nakalilipas.
Napagkasunduan namin ni Jay na tatawagin ang hardin na ito na Hardin Sirena. Iba pa ang property na ito sa lupang nabili namin sa Tubudan, ang katabing barangay ng Aningalan. Hindi pa kasi nagagawa ang subdivision road doon kung kaya’t hindi pa kami makapagpagawa ng bahay doon. Tatawagin naman namin iyon na Hardin Milagros, bilang pagpapahalaga sa alaala ng aming ina. Mula doon ay makikita ang kapatagan ng mga bayan ng Sibalom at San Jose de Buenavista. Makikita rin ang Sulu Sea. Pati ang Evelio B. Javier Airport. Minsan nga nang ginabi kami sa pagbaba pa-San Jose, pagdaan namin doon ay makikita ang pulang ilaw ng Robinsons Antique na nasa unahan lang ng bahay namin sa Maybato. Kung malaki lang ang bahay namin, tiyak na makikita rin ito mula sa Hardin Milagros.
Nang sinundo namin si Sunshine sa airport ng Iloilo noong Disyembre 20, napagkasunduan namin na dadaan kami pauwi ng Antique sa Tubungan, Iloilo. Sa boundary kasi dito sa Aningalan, Barangay Igtuble na ito na sakop na ng Tubungan. Alam ko na ang daan mula sa Guimbal, Iloilo bago magtulay na papuntang Barangay Igcocolo, Guimbal ay diretso na pa-Tubungan.
Pamilyar kaming mag-anak sa Igcocolo dahil tagarito ang manunulat sa Hiligaynon na si Maria Luisa S. Defante-Gibraltar na ang buhay at akda ay aking pinag-aaralan bilang iskolar ng panitikan. Dahil dito naging magkakilala ang aming pamilya at palagi kaming pumupunta sa kanila sa Igcocolo. Ang nasirang bana ni Nay Malu na si Tay Acoy ay naging municipal agriculturist ng Tubungan. Noong nagtatrabaho pa siya, araw-araw ay sumasakay siya ng dyip na dumadaan sa harap ng bahay nila pa-Tubungan at pauwi sa kanila.
Mga isang oras lang talaga ang biyahe mula kina Nay Malu papunta rito sa Aningalan. Wala pang 30 minutos galing sa kanila patungo sa poblasyon ng Tubungan. Mula poblasyon naman ay mga 30 minutos pa-Aningalan. Nakakatuwa! Ibig sabihin, mula Lungsod Iloilo o Iloilo Airport, mga dalawang oras lang ang biyahe papunta rito sa Aningalan.
May mga bahagi lang ng kalsaba pa-Igtuble na may mga sira pero kayang-kaya naman ni Ani dahil 4X4 ito. Paakyat-baba rin sa bundok at may mga bahagi na para kang sumasakay sa roller-coaster! Kayang-kaya itong daanan ng kahit anong sasakyan na may apat na gulong. May nakasalubong nga kaming Wigo at van. At mayroong traysikel na nagtitinda ng tinapay na dumating habang nagkakape kami sa isang maliit na batchoyan sa tabing-kalsada sa unahan lang billboard letters na “I love Tubungan.” Siyempre mas kayang-kaya ito ng mga motorsiklo. Siguro mga isang kilometro na lamang ang hindi nasisimentong kalsada sa bahagi ng Igtuble.
Maganda ang view ng kabundukan sa daan mula poblasyon ng Tubungan papuntang Igtuble. Bago mag-Aningalan, makikita pa ang Guiritsan Falls na nasa bahagi na ng Igbaras. Nakakatuwa na makita sa malapitan ang kabilang side ng kabundukang makikita sa Banglid Dos sa Aningalan. Ito ang kabundukan na makikita sa highway sa Guimbal at Miag-ao, Iloilo. Makikita din ang silweta ng kabundukang ito mula sa Departure Area ng Iloilo Airport na malayo siyempre. Pero kapag nasa Aningalan ka, makikita at maririnig ang mga dumadaang eroplano. Kapag hindi maulap, nasisiyahan akong magkape sa balkonahe ng Aningalanja, ang paborito naming tirhan sa Upper Aningalan, bago pa man sumikat ang araw at pinapanood ko ang nagaigpat-igpat na pulang ilaw ng mga erplanong pababa ng Iloilo.
Nagpapagawa na kami ng kubo ngayon. Ang gusto namin, sa darating na tag-araw, may matutulugan na kami sa Hardin Sirena. Pagkatapos nito ay magpapagawa ako ng writing cabin ko. Gusto ko perfect ito na munting kubo para magbasa at magsulat. Balak ko ring parentahan ito sa mga manunulat na gustong magsulat. Renta sa abot-kayang halaga dahil hindi naman talaga kumukita ang karamihan sa mga manunulat sa ating bansa.
Mukhang ito na talaga ang magiging buhay ko—ang maging hardinerong sirena sa bundok. May mga kaibigan akong pabirong nagtatanong ng, “May sirena din pala sa bundok?” Oo naman ang agad kong tugon. Sa mga panëbëk o sining ng pagbuburda ng mga Panay Bukidnën, may mga imahen ng kataw o sirena. Maritimo kasi talaga ang kultura ng mga Malayong dumuluong sa Isla Panay na namundok lamang noong panahon ng mga Kastila dahil ayaw nilang masakop at masira ang kanilang kultura.
Marami pa kaming plano ni Jay para sa Hardin Sirena. Dito namin itatayo ang aming café na may kasamang maliit na bookshop at tindahan ng mga souvenir. Magbebenta rin kami ng mga flower pot na yari sa lupa at ng mga halaman. Pero sa ngayon, maghahardin muna kami. Gusto kasi namin ng isang magandang harding malugod sa katawan at kaluluwa.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. Write Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.






















