Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon sa Sirenahus Pa Rin ang Tuloy

By John Iremil Teodoro

‘IKA nga nila, pero hindi naman talaga prusisyon ang mahaba kundi ang biyahe mula Maybato patungo rito sa Lenhovda, sa southern Sweden. Ito ang tipo ng biyahe na ayaw kong gawin subalit kailangan dahil gusto ko muling makita at makasama ang mga pamangkin kong sina Juliet at Evert John. Sa maniwala kayo’t sa hindi, tamad akong magbiyahe. Masungit ako kapag nasa airport ako. Mas gusto kong nasa bahay lang ako.

Pero ang tanong, nasaan ang bahay ko? Sabi nga nila uli, “Home is where the heart is.” Kapag ganiyan ang usapan marami akong bahay—sa Maybato, sa Taft Avenue, sa Pasig, at dito sa Lenhovda. Kapag naghihintay ako ng flight ko sa mga paliparan, palagi kong naiisip, sana maimbento na ng mga scientist ang teleportation. Iyun tipong kapag nasa Taft Avenue ako, papasok lang ako ng isang silid na parang sa elevator at pagbukas ng pinto ay nasa Maybato na ako. Na kapag nasa Maybato ako, papasok lang din uli ako ng isang silid at pagbukas ng pinto ay nasa Sirenahus na ako, ang writing cottage ko rito sa Lenhovda.

Alam ko namang mangyayari ito in the future. Pero siyempre sa future pa. Bakâ hindi ko na maabutan. Ngayon ko sana kailangan ng teleportation. Masyadong mabagal ang mga quatum physicists ng mundo sa pag-imbento nito!

Baka may magtanong kung bakit ang arte-arte ko. Nasa Europe na nga ako ngayon ay nagdadrama pa ako. Siyempre grateful naman ako. Masaya ako na nagbabakasyon uli ako rito sa Sweden at nabisita ko ang kapatid kong si Mimi at ang bana niyang si Jonas, at ang kanilang dalawang anak na sina Juliet at Evert John. Pero hayaan ninyo akong mag-rant, magreklamo, mag-inarte.

Nag-umpisa ang kalbaryo ng biyaheng Europa sa pag-apply ng Schengen visa. Sa dami ng dokumentong kailangang i-submit pakiramdam ko hihingiin ko ang kalahating teritoryo ng Sweden pati ang buong Baltic Sea. Mula sa akin kailangan ang mga sumusunod: Round trip plane ticket booking, Certificate of Employment, Bank Statement for the last six months, at birth certificate namin ni Mimi dahil i-invite niya ako. Mula kina Mimi: letter of invitation for family visit, invitation form for visa application, insurance, at bank statement din nila patunay na kaya nila akong pakainin habang nandito ako sa Sweden.

Dahil Philippine passport holder tayo, ang assumption talaga nila agad kapag nag-a-apply tayo ng visa ay magti-TNT tayo rito sa Europe. Euphemism na yung term na “economic refugee.” Kayâ kailangan nating patunayan na hindi tayo magti-TNT. Kailangan natin silang i-assure na uuwi tayo sa loob ng bayan natin sawi. Kayâ advantageous kung permanent employee ka sa mga sosi na kompanya tulad ng De La Salle University, o kung may business kang kumikita tulad ng kay Alice Guo, o may mga titulo ka ng lupa na nakapangalan sa ‘yo.

Napagod ako sa pag-prepare ng mga papeles. Kung hindi lang dahil kina Juliet at Evert John, hindi ako mag-i-effort dahil masaya na akong naghahardin lang sa Maybato ngayong sabbatical leave ko. Hindi ko kailangang pumunta ng Europe para magka-self-esteem ako. Matagal ko nang alam na bongga ako at hindi ko kailangang magbiyahe pa-America o Europa para lang matawag na sosyal ako.

Ang pinaka-challenging para sa akin ay ang mag-submit ng sangkaterbang papeles na ito sa VFS Global sa Makati Circuit. Isa itong pribadong ahensiya na tumatanggap ng mga visa application para sa iba’t ibang embahada. Sa babâ sa labas pa lang ng building pila na ang mga nag-a-apply ng visa. May nagmamando na mga guwardiya na kung umasta akala mo mga consul na walang pinag-aralan. Pang-box office hit ang pila ng mag-a-apply ng visa para sa Norway at United Kingdom na kung sigaw-sigawan sila ng mga guwardiya ay para silang iga-gas chamber. Mabuti at wala masyadong nag-a-apply pa-Sweden kayâ walang pilang ganun. Siguro dahil mahal magbakasyon sa Sweden at hindi naman talaga nag-a-advertise for tourist ang Stockholm. Kayâ gustong-gusto ko ang Stockholm kasi capital na konti ang tao at turista.

Ang Schengen visa na inaplayan ko for Sweden ay sa Swedish Embassy in Bangkok pa ipo-proseso kayâ kailangan ng 15 days na processing. Masyadong abala sa buhay ko kasi siyempre napa-praning ako na baka ma-deny at araw-araw ko ito iniisip. Masasayang ang pinambili ko ng ticket. Pero sabi naman ni Mimi, maa-approve naman ito dahil nakapunta na ako ng Sweden noong 2016. Noong 2016, wala pang Swedish Embassy sa Manila kayâ sa Norwegian Embassy ako pina-apply. Ang hindi ko maintindihan, may Swedish Embassy na uli sa Manila ngayon pero sa Bangkok pa rin ipo-process ang visa. Bakit pa sila nagbukas ng embahada sa Filipinas kung tinatamad naman pala silang mag-process ng visa?

Talagang naghintay ako ng 15 working days na walang ni-ha-ni-ho mula sa VFS Global. Kapag tinitsek ko ang update ng application ko online sa tracking website nila, “NO RECORDS FOUND” ang lumalabas. After 15 working days, habang nasa bus kami ng partner kong si Jay papuntang Caticlan dahil nag-RoRo kami pa-Manila dahil na-cancel ang flight ko dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon, nakatanggap ako ng magkasunod na email mula sa VFS Global na blangko. Ang nakalagay lang, “Please note this is an auto generated e-mail. Please do NOT reply to this email.” Kaloka! Kayâ pagdating ng Caticlan tumawag ako sa kanila sa number na nakalagay sa receipt. Nagtanong ako kung ano ang ibig sabihin ng blank email. Approved na ba ang application ko? Ang sabi may glitch daw ang system nila at hindi raw ibig sabihin niyon ay approved na ang application ko. Maghintay daw ako ng dalawang buwan. Naloka ako! Sabi ninyo 15 days lang? May flight na ako sa Friday! sabi ko. Ireland (o Scotland?) po ba ang tinatawagan ninyo? Sweden, sigaw ko. Ay sa Ireland po ito. Sabi ko sa kaniya ang number na tinatawagan ko ay ang ibinigay rin nila. Maling number daw ito at ibinigay niya sa akin ang number para sa Sweden. Bago ko ibinaba ang phone sinabi ko sa kaniya na sabihin naman niya sa mga boss niya sa VFS na huwag silang magpadala ng blank email sa kliyente nila dahil napaka-unprofessional nito. Tumawag ako sa ibinigay na numero at sa Sweden desk na nga nila ito. Tinanong ko kung ano ang ibig sabihin ng blank email nila. Pang-social climber (nakakairitang pa-wers-wers) ang Ingles ng call center agent nila at sinabihan kong magsalita nang maayos dahil hindi ko siya maintindihan. Buti at nag-Tagalog na lang. Ang ibig daw sabihin for pick up na ang passport ko. Tinanong ko kung approved ba o disapproved. Hindi raw niya masabi at malalaman ko na lang daw sa pag-pick up ko na ng passport ko. Kaloka. May mga tao at gawain talagang walang silbi kung minsan. Kung may laman kasi sana ang e-mail nila hindi na ako magsasayang ng load sa pagtawag sa kanila dahil wala naman palang alam ang makakausap ko sa phone.

In short, kailangan kong bumalik sa VFS Global sa Makati Circuit at humarap uli sa mga feelingero at feelingera nilang guwardiya na hindi ko alam kung saan kumukuha ng kayabangan. Naisip ko, baka descendants sila ng minor royalties sa mga mahirap na bansa sa Europa kayâ mababa ang tingin nila sa mga Filipinong nag-a-apply ng visa. Yes, may mga mahirap ding bansa rito sa Europe. Pero wala naman kasi sa itsura nila. Parang lumaki lang naman sila sa mga totoong farm sa probinsiya di tulad ng may kutis porselanang Mayor Guo na pinaghihinalaang spy ng China.

Masaya naman ako na approved ang visa application ko. At least hindi nasayang ang binili kong ticket sa Emirates. Makikita at makakasama ko muli sina Juliet at Evert John. Kayâ tinitiis ko ang nakakawalang-dangal na pag-apply ng Schengen visa. Naisip ko, baka naman may mas may dangal na paraan ng pag-apply for a visa kung mayaman ka, meaning, politiko o negosyante na korap. Siguro noong mag-submit ako ng aplikasyon ko ay mukha akong mayaman (malaki ang tiyan at tumataas ang kilay pagbaba ng sasakyan) at may sumalubong sa akin na nagtanong kung ako raw ang VIP applicant for Switzerland. Baka naman sa tamang halaga, may service de luxe nga.

Again, habang nandirito ako sa Sweden ngayon, masaya ako. Kaninang umaga hinatid namin ni Mimi si Evert John sa Day Care Center at pagkatapos nito ay namasyal kami sa Lake Lenhovda. Nitong hapon namn, sinundo namin ni Juliet si Evert John sa Day Care Center habang nasa trabaho pa sina Mimi at Jonas. Saka ang sarap magsulat sa Sirenahus!

Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na dapat grateful lang ako dahil nakabalik uli ako rito sa Europa. Pero naiirita pa rin ako sa ideang na-plunder na nga ng Europe ang Asia noon kayâ yumaman sila nang bongga pero hanggang ngayon, wala pa rin tayong dangal kapag nag-a-apply ng visa papunta dito. Tinitiis lang natin kasi status symbol nga naman kung may mga post sa Facebook at Instagram na nasa Europa ka. At least mato-torture ang mga inggitera mong kamag-anak at mga plastik na kaibigan.

Kailan kayâ tayo lalaya mula sa ating kolonyal na pag-iisip? Hindi ko masagot ngayon. Bakâ pagmunian ko para sa susunod kong kolum. O bakâ susulat ako ng libro hinggil dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here