Ni John Iremil Teodoro
DAHIL “independent learning period” namin dito sa De La Salle University ngayong linggo, namasyal kaming apat ng mga kaibigan kong propesor sa Sonya’s Secret Garden sa Alfonso, Cavite malapit sa Tagaytay City noong Lunes para makakain ng masarap at healthy na pagkain at makalanghap ng malinis na hangin.
Ang ibig sabihin ng independent learning period ay wala kaming klase sa Zoom at F2F class sa campus. Panahon ito para makapagpahinga ang mga estudyante namin at mahabol o magawa nila ang mga task na hindi nila nagawa para sa klase namin. Kami namang mga guro ay magkakaroon ng panahon para sa mga miting o di kaya’y magkaroon ng pagkakataon na magtsek ng mga papel na nakatambak na sa aming mesa o sa SpeedGrader sa Canvas.
Walang tigil ang kuwentuhan namin nina Shirley, Dinah, at Ronald sa buong biyahe paakyat at pababa ng Tagaytay at sa mahigit tatlong oras naming loooong lunch! Siyempre, ang vegetarian spring roll pa rin ang paborito ko. Ang bagong nadiskubre ko ngayon ay ang mint leaves na masarap isabay sa pahimigas. Bukod kasi sa isang malaking plorera na punô ng mga dilaw na bulaklak ng cosmos, may isang plorera din ng mga tangkay ng mint leaves. Ang bilin sa amin ng isang waiter, kapag nagdi-dessert na kami, lagyan daw namin ito ng isang dahon.
Natural sa ating mga tao ang magustuhan ang kalikasan. Ang tawag dito ay “biophilia” na ayon sa dictionary.cambridge.org ay “love of living things and nature, which some people believe humans are born with.” Sa librong Biophilia (Harvard University Press, 1984) ni Edward O. Wilson, simple ang pagpapakahulugan niya sa salitang ito: “The innate tendency to focus on life and lifelike processes.” Ganito ang nangyayari sa atin kapag naghahardin tayo o may inaalagaang halaman. Kayâ hindi nakapagtataka na nang mag-lockdown noong nakaraang pandemya ay marami ang naging plantita at plantito dahil malaking tulong ito sa ating katinuan sa panahon ng labis na pagkabalisa sa banta at panganib na dulot ng COVID-19.
Kasabay ng pagpreserba natin sa ating katinuan sa pamamagitan ng kalikasan katulad ng pamamasyal sa isang hardin sa kabundukan, kailangan din nating makilahok sa mga gawaing magpipreserba sa kalikasan. Sabi nga ni E.O. Wilson sa kaniyang librong Half-Earth: Our Planet’s Fight for Life (Liveright, 2016), “The earth is our home. Unless we preserve the rest of life, as a sacred duty, we will be endangering ourselves by destroying the home in which we evolved, and on which we completely depend.”
Kayâ maganda ang mga kainan at pahingahan tulad ng Sonya’s Secret Garden. Talagang gamot sa kaluluwa ang kanilang mga hardin na punong-punô ng mga bulaklak at halaman. Medyo pricey ang pagkain at accommodation nila. Halimbawa, ang buffet lunch nila ay PhP1,450 kada tao. Masyado itong mahal kung ang pagbabasehan natin ang PhP21.2 per meal per person na badyet para hindi na matawag na “food poor” ang isang Filipino ayon sa pagtataya ng National Economic and Development Authority. Pero tolerable naman ang PhP1,450 para sa aming magkakaibigan na madalas kumain ng buffet sa Manila Hotel o Admiral Hotel. Sa Café Ilang-Ilang, halimbawa, tig-PhP1,950 kada tao ang breakfast buffet at mas mahal pa ang sa pananghalian at hapunan.
Saka masarap ang pagkain sa Morning Glory, ang restawran ng Sonya’s Secret Garden. Maganda rin ang lugar. Isa itong malaking hall na may sapat na layo ang mga mesa di tulad sa ibang restawran na siksikan. Saka maraming bulaklak! Marami ding halaman. Sulit talaga ang bayad. Pero iyon nga, sana mas maraming Filipino pa ang ma-afford ito. Pero siyempre naiintindihan ko rin na mahal ang mag-maintain ng ganitong kagandang lugar.
Sana mas marami pang mga hardin tulad nito ang uusbong sa maraming lugar. Mga farm-to-table na kainan na organic ang mga gulay. Alam nina Shirley, Dinah, at Ronald na ganito ang pinaplano namin ng partner kong si Jay sa Aningalan. Di hamak na mas maliit kaysa Sonya’s Secret Garden pero ganito kaganda.
Pabor sa ating mga tao kung mapananatili nating malusog ang ating kapaligiran. Ang pamumuhay natin, lalo na ang mga nasa lungsod, ay labis na mapanira sa kalikasan. Maraming pag-aaral na ang nagsasabing mas healthy para sa katawan at isipan nating mga tao ang luntiang kapaligiran at ang malusog na kalikasan. Kapag sa lungsod tayo nagtatrabaho at nakatira, malaking tulong sa ating katawan at katinuan ang paglabas ng lungsod paminsan-minsan.
Masaya kaming apat na nakabalik ng Metro Manila. Pakiramdam namin nakapagrelaks kami nang bongga na kung tutuusin ay ilang oras lang naman kami nakalabas ng Manila. Sakay sa kotse ni Shirley na may driver, mga 9:30AM ng umaga kami umalis sa MacDo La Salle kung saan kami nagkita-kita. Mga 11:00AM nasa Sonya’s Secret Garden na kami. Mga 3:00PM umalis kami ng Sonya at dumaan saglit sa isang bagong branch ng Bag of Beans sa Tagaytay para magkape. Bago mag-4:00PM ay nagbiyahe na kami pagbalik na Manila. At bago mag-6:00PM nasa Manila na kami. Ganito ang mahika ng pansamantalang paglabas ng lungsod. Parang may pagtatalon ng oras at panahon. Parang isang paglalakbay ng paghilom.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.