Pagpaparehistro sa Libreng  Serye ng Webinar ng KWF sa Buwan ng Panitikan, Bukás na!

Bukás na ang pagpaparehistro sa libreng serye ng webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2021 na may temang “Limandaang Taón ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino.” 

Ang serye ng webinar ay bahagi ng selebrasyon na nakaugat sa Proklamasyon Bílang 968 na nilagdaan noong 10 Pebrero 2015 na nagdedeklara sa buwan ng Abril bílang Buwan ng Panitikang Pambansa o National Literature Month. Ito ang natatanging buwan na nagbibigay halaga sa panitikan na nakalimbag sa iba’t ibang wika sa Filipinas na itinuturing na pamanang pangkultura sa mga susunod na henerasyon.

Ang mga magiging tagapanayam sa serye ng webinar sa taóng ito ay mula sa iba’t ibang unibersidad sa bansa. Ang unang webinar ay gaganapin sa 5 Abril 2021 na may paksang “Wikang Katutubo: Wika ng Dekolonisasyon” na ang magiging tagapanayam ay si Prop. Leonardo D. Tejano ng  Mariano Marcos State University. Magaganap naman ang ikalawang webinar sa 12 Abril 2021 na may paksang “Mulang Babaylan hanggang kay Darna at ang Di-Matapos-tapos na Pakikibaka ng mga Filipina” na tatalakayin ni Dr. Dolores T. Taylan ng Pamantasang De La Salle. Ang paksa naman para sa ikatlong webinar sa 19 Abril 2021 ay “Kasaysayan: Batis ng Panitikan” na tatalakayin ni Dr. Alicia P. Magos ng Unibersidad ng Pilipinas-Visayas.  Ang ikaapat na webinar ay magaganap sa 26 Abril 2021 na may paksang “Pagsasalin Mulang katutubong Wika Tungong Filipino: Ilang Isyu, Hámon, at Mungkahing Tugon” na tatalakayin ng isang dalubhasang tagasalin na si Dr. Raquel S. Buban ng Pamantasang De La Salle.

Ang serye ng webinar ay bukás para sa mga guro sa Filipino, mag-aaral at iba pang propesyonal na interesado sa paksa. Para sa nais lumahok, mangyaring sumagot sa pomularyo sa link na ito https://forms.gle/1F5wuEMuhCt7m2w26

Ang gawaing ito ay bahagi ng mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Filipinas. Ang KWF ay nása pangangasiwa ng kasalukuyang Tagapangulo, Dr. Arthur P. Casanova na kumakatawan sa wikang Tagalog.

https://bit.ly/3u6DJ6h