By John Iremil Teodoro
MASARAP ang haplos sa damdamin ng sinaunang musika ng paghampas ng alon sa batuhan sa babâ ng kamalig na yari sa kawayan at nipa ang bubong kung saan kami nag-aagahan ng kaibigan kong si Ooy. Simple subalit masarap at pa-healthy ang agahan namin: paksiw na salmonete, piniritong boneless bangus, scrambled egg, vegan longganisa, nilagang saging at kamote, puting kanin, at hinog na mangga.
Makulimlim pa nang lumapag sa Roxas City Airport ang eroplanong sinakyan ko mula Manila noong Linggo ng umaga. Alas-kuwatro y medya ng madaling araw kasi ang sinakyan ko at bago mag-alas-seis nakarating na kami. Excited ako na muling makabalik sa Roxas at makauwi muli sa Isla Panay. Doble pa ang excitement dahil si Ooy ang susundo sa akin. Si Ooy ang college BFF ko na isang anesthesiologist sa Roxas City. Kadalasan siya naman talaga ang dahilan kung bakit ako bumibisita sa Capiz.
Kailangan kong pumunta ng Roxas City para mag-ceremonial Memoramdum of Agreement signing kay Roxas City Mayor Ronnie Dadivas. Ang 13th KRITIKA La Salle National Workshop for Art and Cultural Criticism kasi ay iho-host ng Roxas City Government. Gaganapin ito sa Marso dito sa Roxas City. Bukod sa pag-courtesy call sa mayor, kailangang ko ring mag-ocular inspection ng venue at ng mga accommodation para sa mga fellow at panelist ng workshop. Masaya ako at gaganapin ito sa paborito kong tinitirhan kapag nandito ako sa Roxas, ang San Antonio Resort.
Lunes ang appointment ko sa Mayor’s Office kayâ Sunday ay pumunta na ako dito sa Roxas. Dahil madaling araw ang iskedyul ng PAL, maagang-maaga akong nakarating sa Capiz. Isang araw bago ako magbiyahe nag-message ako kay Ooy kung puwede ba akong magpa-blood test bago kami mag-breakfast. Gusto ko kasing malaman ang FBS, HbA1c, at uric acid ko. Mataas kasi ang mga ito noong huli kong pagpa-test noong Enero 3. Mukhang give up na nga sa akin ang endocrinologist ko sa Antique at sinabihan na akong magkonsulta na sa isang doktor sa Manila para sa injectable na gamot. Para daw malapit sa akin sa La Salle. Nakapanlulumo nga ang lab test results ko noong Enero: ang FBS ay 8.28 (normal range 3.3-5.5), ang HbA1c ay 9.4% (normal ay 5.7%), at ang uric acid ay 451.5 (normal range para sa lalaki ay 202-416). Mula airport ay dinala muna ako ni Ooy sa Capiz Emmanuel Hospital para magpakuha ng dugo. Dahil nga magpapa-lab test ako, hindi ako kumain nang kahit ano sa Mabuhay Lounge sa NAIA Terminal 2 at sa eroplano.
The Edge ang pangalan ng restawran na dinalhan sa akin ni Ooy. Kilala niya ang may-ari nito na si Nick Dolendo. Si Nick ay isang nurse subalit mahilig magluto. Talagang nasa bangin ang restawran na ito na may magandang view ng dagat. Nasa isang burol ito na maraming halaman at bulaklak sa tabi ng Culasi Port na nasa dulo ng Baybay, Roxas. Madadaanan ang restawran papunta sa Culasi Point Medium Light House. Paakyat lang papunta sa The Edge pero may simentong hagdanan naman kayâ medyo hiningal ako. Pero maganda kasi umagang-umaga ay pinagpawisan na ako. Mula sa kalsada sa harap ng gate ng piyer, may mahabang dadaanang eskinita sa tabi ng pader ng pantalan na sa dulo ay ang Coast Guard Headquarters. Mula doon ay aakyat na patungong parola. Maganda doon sa The Edge dahil siguro maagang-maaga pa, kami lang ni Ooy ang customer nila. Parang amin ang hardin na restawrang iyon. Kailangan kasing mag-book in advance kung kakain doon.
Mula sa The Edge ay dumiretso kami ni Ooy sa Starbucks sa SM City Roxas. Gusto ko kasi ng masarap na kape. At doon ko ipinakita kay Ooy ang mga latest lab result ko at sabi ko sa kaniya tulungan niya akong mag-manage ng diabetes ko dahil ayaw ko pang mag-injectables. May dalawang option kasi, ang bagong once a week na ineksiyon na mawawalan ka ng ganang kumain at papayat ka talaga, at ang insulin na nga na araw-araw ituturok. Pumayag naman si Ooy at magtatanong din daw siya sa mga kaibigan niyang endocrinologist dahil anesthesiologist nga siya. Pero nabasa ko naman sa Google na, “Anesthesiology can be defined as ‘intensive internal medicine’ so an anesthesiologist must have the knowledge of an internist about the function of all organ systems such as cardiovascular, respiratory, gastrointestinal, renal, hematologic, and so on in critical situations (www.sciencedirect.com).” Sabi ko kay Ooy since January, istrikto na talaga ang diet ko. Wala na talagang softdrink at milktea, at once-a-day na lamang ako kumakain ng rice at isang cup lang ito. Dinamihan ko rin ang kinakain kong gulay at prutas para sa fiber. Conscious na rin ako sa glycemic index ng mga prutas na kinakain ko. Saka hindi na ako nagdya-junk food. Roasted mani at kasuy na lang ang kinakain ko kapag nagugutom ako in between meals. Saka matagal na akong black coffee ang iniinom sa umaga.
Mga alas-onse ng umaga ay antok na antok na ako. Dalawang oras lang kasi ang tulog ko. Mga 11:00 PM na ako natulog at gumising ako ng 1:00 AM para mabilis na makaligo at magbihis, at pumunta na ng airport. Hindi naman ako nakatulog sa airport at hindi rin ako masyadong nakaidlip sa loob ng isang oras na biyahe. Bago ako inihatid ni Ooy dito sa San Antonio Resort, dumaan muna kami sa ospital upang makuha ang resulta.
Hindi na ako pinababa ni Ooy sa sasakyan niya at siya na lamang ang kumuha ng resulta sa laboratory. Kinabahan ako habang naghihintay. Iniisip ko kasi na kung tumaas na ito, baka pati si Ooy ay mag-recommend na rin na mag-insulin na ako. Nang pabalik na si Ooy sa kotse na hawak-hawak ang resulta ng lab tests ko, tinitingnan ko ang mukha niya para sa clue kung tumaas o bumaba ba ang mga resulta. Pero wala akong maaninag. Doktor nga siya. Hindi muna siya dumiretso sa driver’s seat. Lumapit siya sa pinto kung saan ako nakaupo at nagsenyas siya na buksan ko. Mabilis kong binuksan. “Bumaba naman ang results mo,” sabi niya sa Hiligaynon na nakangiti. Napatalon ang kaluluwa ko sa saya!
Mataas pa rin naman ang FBS at HbA1c ko. Ang FBS ko ay 7.88 na ang normal range ay 3.90-6.40. Ang HbA1c ko naman ay 8.8% at ang normal range ay 4.3%-6.4%. Para sa isang diabetic na katulad ko dapat 7% lang ito. Pero malaking improvement pa rin ito kaysa mga resulta ko noong Enero 3. At ang bongga sa lahat, 368.84 umol/L na ang uric acid ko na ang normal range ay 214-488. Pasok sa banga! Normal na ito. Ang creatinine ko naman ay nananatili ring normal sa 82.03 umol/L na ang normal range ay 80-115.
For now sabi ni Ooy, maintain ko lang muna ang oral maintenance meds ko at ipagpatuloy ang healthy eating pero kailangan ko raw mag-regular exercise na talaga. Magpapa-blood chemistry daw uli ako after 3 months at titingnan namin ang resulta. Hopefully, at dapat talaga, na bumaba pa uli ang mga ito.
Salamat talaga sa mga kaibigang katulad ni Ooy.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.